Nais Nang Sumakabilang-buhay ng Dalagang Dahil sa Dinadalang Sanggol, ang Mariing Kaaway Pala Noon ang Makapagbibigay Pag-asa sa Kaniya
“Lyn, anong balak mo d’yan sa baby mo? Wala pa kayong trabaho pareho ni Kevin,” sambit ni Des sa kaniyang kapatid, isang araw nang maabutan niya itong tulalang umiinom ng kape.
“Hindi ko nga alam, ate, eh, ayoko namang ipalaglag ito,” nakatungong sagot ni Lyn saka humigop ng kape.
“Huwag mong ipalaglag, Lyn! Para ka namang siraulo! Ang akin lang, dapat pilitin mo nang magtrabaho ang nobyo mo para mapag-ipunan niyo ang panganganak mo!” bulyaw sa kaniya ng kaniyang kapatid.
“Eh, ayaw nga akong panagutan, ate. Ginigiit niyang hindi raw siya ang nakabuntis sa akin,” kwento niya sa kapatid, nagsimula nang bumagsak ang kaniyang luha.
“Sino pala nakabuntis sa’yo? Loko pala ‘yan, eh! Huwag mong sabihing pati ‘yang dinadala mo, kargo ko, ha? May sarili na rin akong pamilya, aba!” galit na sagot nito, bakas sa mukha nito ang pagkainis.
“Hindi, ate, ako na po bahala dito,” mahina niyang sambit saka pilit na ngumiti sa kapatid. “Dapat lang!” bulyaw pa nito sa kaniya saka siya iniwan sa kusina.
Apat na taon na simula noong pumanaw ang mga magulang ng dalagang si Lyn. Simula noon, ang kaniyang nakatatandang kapatid na ang tumugon sa lahat ng kaniyang pangangailangan.
Pinatira siya nito, pinakain at pinaaral pa sa isang kilalang unibersidad sa Maynila. Kaya ganoon na lamang ang laki ng utang na loob niya dito. Ika niya pa noong unang araw niya sa kolehiyo, “Makakabawi rin ako sa’yo, ate, pangako, mag-aaral akong mabuti para maging isang guro katulad mo.”
Nagawa naman niyang mag-aral nang mabuti noong unang taon niya sa kolehiyo, ngunit nang tumuntong na siya sa ikalawang taon, doon na siya nalapit sa mga kaibigang nagdala sa kaniya sa hukay ng buhay.
Halos tuwing uwian nila, niyayaya siya ng mga ito sa isang bar at doon sila labis na nagpapakalasing. Doon niya nakilala ang binatang si Kevin na hindi kalaunan, naging nobyo niya.
Wala namang naging problema ang kaniyang kapatid nang ipakilala niya ito. Ang tanging bilin lamang nito, huwag niyang pabayaan ang kaniyang pag-aaral.
Sumang-ayon lamang siya’t nangakong gagawin ang nais ng kapatid. Lingid sa kaalaman nito ang kalokohang kaniyang ginagawa.
Lumipas pa ang mga buwan na ganoon ang kaniyang ginagawa. Labis ang kasiyahang kaniyang nararamdaman lalo na’t kasama niya ang kaniyang nobyo.
Ngunit isang araw, bigla na lamang siyang nakaramdam ng kakaiba. Sumusuka siya sa umaga, iritable’t hindi pa nadadatnan ng dalaw sa loob ng tatlong buwan at doon na nagtaka ang kaniyang kapatid dahilan upang dalhin siya nito sa ospital. Doon na nga nila nalamang siya’y nagdadalang tao na labis na ikinadismaya ng kaniyang kapatid.
Agad niya itong sinabi sa kaniyang nobyo ngunit giit nito, “Hindi ko anak ‘yan!”
Noong araw na iyon, matapos siyang iwan ng kaniyang kapatid, agad siyang pumunta sa palengke upang bumili ng lubid.
“Hindi ko kaya nang mag-isa ito. Ayoko rin namang ipalaglag ang anak ko, siguro dapat ngang sabay na lang kaming mawala sa mapait na mundong ito,” mangiyakngiyak niyang sambit habang naglalakad.
Nakabili nga siya ng lubid na kaniyang gagawin upang tapusin ang kaniyang buhay. Ngunit habang naglalakad pauwi, nakasalubong niya ang dalagang lagi niyang kaaway noong hayskul. Ni hindi niya ito pinansin dahil nga wala siya sa kondisyon upang makipag-away ngunit laking gulat niya nang lapitan siya nito’t nangamusta.
“Mukhang buntis ka na rin, ha? Ilang buwan na ‘yan? Alam mo ba, ako may dalawang anak na! Ang saya nga, eh, dahil kahit wala akong asawa, nakakaya ko silang alagaan! Sila pa nga nakakatanggal ng pagod at lungkot ko,” kwento nito, ngumiti lang siya’t tumango-tango.
Doon na siya tila natauhan. ‘Ika niya, “Siya nga, ang saya-saya niya pang may dalawang anak at walang asawa. Ako, isa pa lang ang anak ko, susuko na ako agad,” saka niya tinapon ang biniling lubid sa basurahan, “Ang problema, kinakaharap, hindi tinatakasan! Salamat, nakasalubong ko ang dating impakta kong kaaway,” nangiting ika niya.
Simula noon labis niyang inalagaan ang sarili. Nagtinda-tinda rin siya ng mga pangpaganda’t pagkain sa social media dahilan upang unti-unti siyang makaipon para sa kaniyang panganganak na labis na ikinatuwa ng kaniyang kapatid. Hindi rin siya nagawang tiisin ng kaniyang kapatid at tinulungan din siyang magtinda tuwing sabado’t linggo.
Ilang buwan pa ang lumipas, matagumpay niyang nailabas ang kaniyang anak. Mangiyakngiyak niyang niyakap ang nag-iihit na sanggol saka sinabing, “Tama nga siya, walang makakapantay sa saya na maihahatid mo sa akin.”
Hindi mareresolba ang iyong problema kapag ika’y tumakas sa katotohanan. Subukan mong lumaban, hindi ka naman nag-iisa. May mga taong sayo’y aagapay.