Isang Lihim ng Pagkatao ang Ipinagtapat at Isiniwalat ng Nobyo ng Babae sa Kaniya; Lalayuan na ba Niya Ito?
“Bampira ako.”
Napatingin si Criselle sa kaniyang nobyong si Piro. Nagkita sila isang gabing kabilugan ng buwan, sa isang lugar na kakatwa, malayo sa mga lugar na kalimitan nilang pinupuntahan. May ipagtatapat daw ito sa kaniya. Hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon sa sinabi nito.
“Sige. Ako si Bela. Ikaw? Edward ba ang pangalan mo?” biro ni Criselle sa nobyo, na nakilala niya sa dating app. Galing ito sa bansang Transylvania at nagtrabaho bilang OFW. Umuwi lamang ito ng Pilipinas upang makita siya.
“Hindi ako nagbibiro. Paano kung sabihin ko sa iyong bampira ako?”
“Patunayan mo…” hamon ni Criselle.
Sa isang iglap ay nagbago ang anyo ni Piro. Nanlisik at naging pula ang mga mata nito. Kitang-kita ni Criselle ang pagtubo ng dalawang pangil nito. Naging tila halimaw si Piro. Napatili si Criselle.
“A-anong klaseng nilalang ka? Wait, teka… totoo pala ang mga bampira?” hindi makapaniwalang tanong ni Criselle sa kaniyang nobyo.
At isinalaysay ni Piro ang tunay niyang pagkatao. Hindi pala talaga totoong OFW siya sa Transylvania. Ang kaniyang inang Pilipina ay nakapangasawa ng isang bampira. Doon sila nanirahan sa Transylvania at doon na rin siya isinilang.
“Totoo ang mga lahing bampira. Hindi ito isang haka-haka lang. Tatanggapin mo ba ako?” tanong ni Piro sa kaniyang nobya.
“T-Tanggap ko ang pagkatao mo, Piro. Wala naman akong pakialam kung ano ka pa eh. Mahal kita. Kaya lang… kailangan ko bang maging bampira para lang maging bagay tayo?” tanong ni Criselle.
Natawa si Piro.
“Hindi naman. Ano ka ba. Walang problema doon.”
“Sa mga nababasa ko, wala kayong kam*tayan. Ilang taon ka na? Saka, anong kinakain mo? Dugo ba ng tao?” tanong ni Criselle.
“Hindi totoong wala kaming kam*tayan. Nawawala rin kami, pero puwede kaming bumalik, sa ibang katauhan. Oo. Dugo ng tao ang kinakain namin, pero nagbago na rin kami. Hindi na kami pumap*tay ng tao. Sapat na sa amin ang dugo sa blood bank,” sagot ni Piro. Ipinakita niya kay Criselle kung paano kumain ng dugo. May dala itong lalagyanan tumbler na naglalaman ng dugo ng hayop.
Nagpatuloy ang relasyon nina Criselle at Piro kahit na nalaman niya ang tunay na pagkatao nito. Nagpasiya silang magsama. Subalit may problema pala. Kailangan pa ring kumain ni Piro ng sariwang dugo ng tao upang mabuhay. Nangangatal ang katawan nito at nanghihina kapag hindi nakakakain ng sariwang dugo.
Dahil imposibleng makabili ng dugo sa blood blank, nagtiis si Piro sa pagkain ng dugo mula sa mga taong namatay mula sa punerarya. Subalit napansin nilang pareho na tila unti-unti pa ring nanghihina si Piro.
“Kailangan ko talagang makakain o makasipsip kahit isang beses lang ng sariwang dugo, mahal. Hindi ko na kakayanin. Pakiramdam ko hinang-hina na ako,” sabi ni Piro.
“Kung… kainin mo na lang kaya ako? Kagatin mo ako?” sabi ni Criselle. Ipinakita niya ang kaniyang leeg at inihain ito sa nobyo.
“Huwag. Ayoko. Alam ko ang hirap ng buhay namin at ayoko namang idamay ka pa. Tama nang ako na lang ang ganito. Kaya ko pa naman, huwag kang mag-alala. Ayoko namang pum*tay ng tao. Ayoko. mababahiran ang turo sa akin ng tatay ko.”
Makalipas ang dalawang buwan, lalong umigting ang panghihina ni Piro. Kailangan niyang kumain ng sariwang dugo ng tao. Hindi na malaman ni Criselle ang kaniyang gagawin. Pinalala pa ito nang makatanggap siya ng tawag mula sa kaniyang mga kapatid. May dengue raw ang kanilang ina, at nangangailangan daw ito ng dugo. Siya ang inutusan ng kaniyang mga kapatid na bumili ng dugo sa blood bank.
Sa wakas, nakabili siya ng dugo subalit napaisip niya: kanino niya ibibigay ang dugo? Sa kaniyang pinakamamahal na si Piro, o sa kaniyang inang naghihingalo?
Ito na ang pagkakataon upang mapakain ng sariwang dugo ng tao si Piro. Pero kung ibibigay niya ang dugo rito, paano na ang kaniyang ina? Nagkataong iisa na lamang ang natitirang dugo sa blood bank. Isang desisyon ang ginawa niya.
Makalipas ang tatlong araw, tuluyang gumaling ang kaniyang ina mula sa dengue. Subalit umiiyak naman ang puso ni Criselle. Tuluyan na siyang iniwan ni Piro. Hindi na nito kinaya ang hindi pagkain ng dugo ng tao, na nagagawa niya sa Transylvania. Subalit nangako itong muling babalik. Babalikan siya nito.
Makalipas ang dalawampung taon. Matanda na si Criselle. Puti na ang kaniyang mga buhok. Hindi siya nag-asawa. May hinihintay siyang bumalik.
Hanggang isang araw, may kumatok sa kaniyang pinto. Nariyan na ang delivery rider. Umorder siya ng pagkain. Pagkabukas niya, natigilan siya. Pamilyar ang mukha ng naghatid ng kaniyang delivery. Ang kaniyang pinakamamahal na si Piro. Muli itong nagbalik. Tinupad niya ang kaniyang pangako.