Multo raw ang Kasalo ng Guwardiya sa Abandonadong Bahay kaya Laging Sobra ang Pagkain nito; Pahiya Sila Nang Malaman ang Totoo
Puno na naman ng mga istambay ang karinderya ni Aling Ising. Tanghali na kasi at maraming nagsisibili ng uulamin sa kaniyang karinderya lalo pa at malapit lang ito sa mga establisyimento at sa labas ng isang subdibisyon.
Naroon na naman ang kaniyang mga kumareng sina Evelyn at Lanie na siguradong mangungutang na naman.
Katatapos lamang iabot ng tindera ang ulam na inutang ng kaniyang mga kumare. Agad namang iniabot iyon ng dalawa sa kani-kanilang mga kasamang anak at agad na pinayuhang magsiuwi na dahil makikipag-chikahan pa sila kay Aling Ising.
Namataan ng tatlo ang guwardiyang nagtatrabaho sa isang abandonadong bahay…
“Aling Ising, bibili ho ako ng ulam,” anang lalaking guwardiya na nagngangalang Gardo.
“O sige, Gardo, alin ba riyan?” agad namang tugon ni Aling Ising sa kaniyang regular customer.
Agad namang itinuro ni Gardo ang pritong manok at chopseuy.
“Tig-isang order ba?” muli ay tanong ng tindera sa guwardiya.
“Walo ho, Aling Ising. Saka ho kanin. Mga siyam ho para may extra akong isa,” magalang namang sagot ng guwardiya.
Nagkatinginan ang magkukumare. Tila nag-uusap ang kanilang mga mata. Nagtataka sila dahil palagi na lang sobra-sobra kung bumili ng pagkain ang gwardiya gayong dito na rin naman nanggaling noon na mag-isa lang itong nagbabantay sa abandonadong bahay na iyon sa bukana ng subdibsyon.
Isa pa, hindi naman mukhang matakaw si Gardo. Payat naman kasi ang pangangatawan nito’t hindi naman ito nananaba.
“Heto na ang order mo, Gardo.”
Iniabot ni Aling Ising ang biniling ulam ni Gardo na agad naman nitong binayaran. Pagkatapos ay umalis na ito’t bumalik sa abandonadong bahay.
“Mga mare, ako talaga’y nahihiwagaan na riyan sa Gardong ’yan. Biruin ninyo, mag-isa lang naman siyang kumakain sa abandonadong bahay, hindi ba? Bakit kaya napakarami niyang bumili ng pagkain lagi?” agad na hirit ni Evelyn pagkaalis na pagkaalis ni Gardo sa karinderya.
“Nagtataka nga rin ako, eh. Iniisip ko nga na baka may mga kasama si Gardo diyan sa loob ng abandonadong bahay na hindi natin nakikita,” sagot naman ni Lanie na may paghawak pa sa kaniyang sentido’t animo talagang napakalalim ng iniisip.
“Hay naku. Hindi na ako nabibigla kung ganoon nga. Aba’y matagal nang walang nakatira sa bahay na ’yan. Naku! Sigurado akong bukas ang third eye n’yan ni Gardo.” Pumitik pa sa hangin si Aling Ising. “Basta, kumikita ako sa ginagawa niya!” dagdag pa niya nang nakangisi.
“Pero nakakatakot naman, ano? Baka mamaya mabaliw ’yan si Gardo at baka kung ano ang maisip na gawin. Naku, baka maging perwisyo pa sa atin ’yan. Malas daw kasi ang mga ganiyang nakakakita ng multo,” sabi pa ni Evilyn na agad namang sinang-ayunan ng mga kausap.
Ilang araw pa ang lumipas at kumalat nang kumalat ang balita tungkol sa pagiging haunted ’di umano ng naturang bahay na binabantayan ng guwardiya, hanggang sa makarating na iyon sa may-ari nito. Paano’y napurnada ang sana’y pagbebenta nito ng nasabing property dahil sa bali-balitang may naninirahan daw na masasamang esprito roon.
Nanggagalaiti nitong pinuntahan si Gardo at agad na kinumpronta ang guwardiya…
“Ano ba ang pinagmulan ng bali-balitang iyon, ha, Gardo? Bakit ang sabi-sabi riyan sa labasan ay bukas daw ang third eye mo?” Bakas ang galit ng amo ni Gardo.
“E, sir, hindi ko nga po alam, eh. Ang sabi sa mga narinig ko, dahil daw po sa pagbili-bili ko ng napakaraming pagkain sa tindahan ni Aling Ising, nagkaroon daw ng tsismis na ang mga kasalo ko raw dito’y mga multo,” sagot naman ng napapakamot sa ulong guwardiya.
“E, saan mo nga ba kasi dinadala ang mga pagkaing ’yon? Bakit nga naman napakarami mong bumili ng pagkain?”
Nahihiyang itinuro ni Gardo ang mga batang lansangan na nakasilip sa gate ng bahay. Pito silang lahat at tila nag-aabang kung may ibibigay na pagkain ngayon ang mabait at maawain palang guwardiya!
Tila naman napukaw sa nalaman ang puso ng amo ni Gardo at dahil doon ay binigyan niya pa ito ng bonus. Bukod doon ay nagpalabas din ito ng isang karatula sa labas ng gate na nagsasaad ng totoong kuwento tungkol sa labis na pagkaing binibili ni Gardo sa tindahan ni Aling Ising.
“HUWAG MANINIWALA SA MGA TSISMOSA!” ayon pa sa huling babala sa karatula.
Tila naman napapahiya sa kanilang mga sarili ang tatlong tsismosang sina Aling Ising, Evelyn at Lanie sa uwing nakikita ang naturang karatula. Dahil doon ay nabawasan tuloy ang pag-tambay-tambay nila sa karinderya.