Sa araw-araw ay halos ubusin na ng dalagang si Jasmine ang kaniyang oras dahil sa pagtatrabaho. Iyon ay simula noong siya ay iwan ng kaniyang nobyong nakatakda na sana niyang pakasalan…
Tatlong araw kasi bago ang kanilang kasal noon sa simbahan ay pinuntahan siya ng kaniyan mapapangasawa at sinabing nakabuntis daw ito ng ibang babae. Dahil doon ay sobrang nasaktan si Jasmine. Inilaan niya ang kaniyang mga oras sa trabaho at kung anu-ano pang gawain para laang makalimutan niya ang masaklap na pangyayaring iyon ng kaniyang buhay.
Maging ang pagsisimba o pagdarasal ay hindi na niya pinaglalaanan noon ng oras dahil naaalala niya lang ang kaniyang ex-boyfriend na manloloko lalo pa at nakilala niya ito noon dahil tulad niya ay kasapi rin ito sa choir.
Nananakit na ang balikat ni Jasmine habang kaharap niya ang kaniyang computer. Patuloy siya sa pagtipa sa kaniyang keyboard.
Nakalimutan na niyang maghapunan dahil sa sobrang pagkatutok niya sa kaniyang ginagawa. Nakasanayan na rin kasi niya ang ganoon sa tuwing maaalala niya ang kaniyang dating nobyo na nitong nakaraang linggo lang ay nabalitaan niyang ikinasal na sa babaeng nabuntis nito.
“Jasmine, hindi ka pa ba uuwi?” tanong sa kaniya ng kaniyang kasamahang si Lorry na ngayon ay nag-aayos na ng gamit.
“Naku, hindi pa, e. Mauna ka na. Tatapusin ko na lang tong isang ginagawa ko and then, uuwi na ako,” aniya naman sa kasamahan.
“Pero, wala ka nang kasama rito. Halika na, sumabay ka na sa akin. Bukas mo na tapusin ’yan,” pangungumbinsi naman ni Lorry kay Jasmine ngunit umiling amang ulit ang dalaga.
“Anong walang kasama, e, nakita ko lang kanina si Kuya Kiko. Mamaya pa rin yata siya uuwi, eh. Sasabay na lang din ako,” tukoy naman ni Jasmine sa janitor ng kanilang building.
Ngunit laking pagtataka ni Jasmine nang biglang kumunot ang noo ng kausap.
“Si Kuya Kiko, nakita mo? E, ilang araw na siyang hindi pumapasok, ah,” sabi naman nito na ikinagulat ni Jasmine.
“Ay, ganun ba? E, bakit gan’on? Nakita ko siya kanina doon sa lobby na naglilinis? Bukod do’n nakasabay ko pa siya sa elevator. Ngayong gabi naman, nakita ko siyang nagwawalis diyan sa tabi, malapit sa restroom,” takang sabi naman niya sa kaibigan.
“Paano mangyayari ’yon? Nakita ko kanina na puno na ’yong mga trashbins at hinanap ko si Kuya Kiko, pero ang sabi ng guard, hindi naman daw siya pumasok. Actually, isang linggo na nga raw,” sabi pa ni Lorry sa kaniya na noon ay hindi rin naman alam ang tungkol sa hindi pagpasok ng janitor dahil kagagaling lamang nito sa leave.
“Baka naman namamalikmata lang ako. Pagod na nga siguro ako. Sige na nga, sasabay na ako sa iyo pauwi.”
Nang gabing iyon ay ipinagsawalang bahala na lang ni Jasmine ang kataka-takang pangyayaring iyon… hanggang sa pumasok siyang muli, kinabukasan.
Nagkasabay na naman sila ni Lorry sa pagpasok. Nang makarating sila sa kanilang opisina ay nakita nilang nagkukumpulan ang kanilang mga kasamahan at tila seryoso ang pinag-uusapan.
“Guys, ano’ng meron?” tanong ni Jasmine sa mga ito na agad namang tinugon ng kasamahan din nilang si Carl.
“Nabalitaan n’yo na ba? Wala na raw si Kuya Kiko. Noong isang linggo pa raw siya inilibing. Naaksidente raw kasi habang pauwi galing sa trabaho,” biglang sabi nito at agad na nanlaki ang mga mata nina Jasmine at Lorry!
Nagkatinginan ang dalawa at nagtayuan ang kanilang mga balahibo, ngunit hindi na nila iyon ipinahalata pa sa kanilang mga kasamahan upang hindi na iyon magkaroon pa ng issue.
Nang araw na iyon ay maagang nagsiuwi sina Jasmine at Lorry. Hindi na sila nag-overtime sa trabaho kagaya ng palagi nilang ginagawa dahil balak nilang magpunta ngayon sa simbahan.
Napagtanto ng dalagang si Jasmine na baka dahil sa kaniyang hindi na pagdarasal kaya’t nakakikita na siya ng mga bagay na hindi naman dapat niya makita. Dahil doon ay humingi siya ng tawad sa Panginoon at pasasalamat na rin para sa lahat ng biyayang kaniyang nakakamit.
Nagsilbing aral ang pangyayaring iyon upang muling manumbalik ang tatag ng pananampalataya ni Jasmine sa Diyos. Simula noon ay nangako siyang hindi na muli kaliligtaang magdasal at magsimba gaano man siya ka-busy.
Naglaan na rin ang dalaga ng oras at panahon sa kaniyang pamilya na matagal din niyang hindi nagawa. Bukod doon ay binuksan na rin niya ang kaniyang puso para sa iba.