Inday TrendingInday Trending
Abogado na Raw ang Lalaki Kaya Babawiin na Niya ang Dating Nobya, Iba Pala ang Makukuha Nito Paglipas ng Mahabang Panahon

Abogado na Raw ang Lalaki Kaya Babawiin na Niya ang Dating Nobya, Iba Pala ang Makukuha Nito Paglipas ng Mahabang Panahon

“Anak, bakit mo siya kailangan balikan? Ang dami mo nang naging nobya at mas lalo pa ‘yan dadami ngayon na abogado ka na! Babae na ang pipila sa’yo at maniwala ka sa akin, makakahanap ka rin ng higit sa kaniya,” wika ni Aling Bel, nanay ng binata.

“Abogado na ako, ‘nay, ibig sabihin nun pwede ko na siyang bawiin dun sa walang kwentang asawa niya,” sagot ni Sony rito.

“Pero, anak, pitong taon na ang lumipas. Hindi pa rin ba sapat iyon para kalimutan mo ang sinabi mo?” tanong muli ng ale.

“Siya ang rason kung bakit ako nag abogado, sa totoo lang, pangarap namin ‘to, pero dahil sa hirap ng buhay ako lang ang nakapagtapos kaya siya napariwara. Hindi dahil sa hindi niya ako mahal kung ‘di dahil wala siyang ibang pagpipilian,” paliwanag ng lalaki sa kaniyang nanay saka ito nagpaalam sa kaniya.

Halos anim na buwan pa lang ang nakakalipas simula nang pumasa ang lalaki sa bar exam at naging ganap na abogado. Ngunit kaysa ang maghanap ng trabaho ang unahin niya ay babawin daw muna ng lalaki ang babaeng para talaga sa kaniya. Kaya naman mula sa ‘Pinas ay lumipad si Sony patungo sa Korea upang puntahan doon si Alexandra, ang unang pag-ibig ng lalaki.

Naabutan niya ang babae na tapos na sa trabaho nito bilang tour guide.

“Alexandra,” tawag ni Sony sa babae habang nakaupo ito at umiinom ng tubig.

Halos mabilaukan naman ang babae nang makita niya si Sony at mabilis itong tumakbo patungo sa direksyon ng lalaki saka niya ito buong higpit na niyakap.

“Sh*t! Long time no see! Bakit nandito ka sa Korea? Anong ginagawa mo rito at isa pa, ‘di ba abogado ka na!? Oh my gosh! Atty. Sony na pala ang dapat kong itawag sa’yo,” malakas na bulalas ng babae sa kaniya.

“Nandito ako para bawiin ka, sumama ka na sa akin, Alexandra, babawiin na kita at magsasama na tayo. Kaya ko na kayong buhayin ngayon, kaya na kitang suportahan. Pwede ka nang mag-aral ulit, ako na ang bahala sa lahat sumama ka na sa akin,” wika ng lalaki at hinawakan ang mukha ng babae saka ito tinignan mabuti.

Saglit na hindi nakapagsalita si Alexandra at niyaya munang maupo si Sony saka siya nagsalita.

“Sony, 7 years na ang nakakalipas, may iba’t ibang buhay na tayo. May anak na ako,” nakayukong sagot ng babae sa kanya.

“Alam ko, alam kong may anak ka na, alam kong may asawa ka pero hindi kayo kasal at alam ko na rin na kaya mo ‘yun nagawa ay para sa pamilya mo sa ‘Pinas dahil kailangan mo silang suportahan. Alam kong iniwan mo ako para sa tatay ng anak mo dahil mas marami siyang pera kaysa sa akin,” ani Sony sabay hawak sa kamay ng babae.

“Kaya tatangapin ko kung ano ka ngayon dahil alam kong lahat ng iyan ay parte kung sino ka at handa ako sa lahat ng responsibilidad, Alexandra, tara na sa Pinas,” dagdag pa nito.

Saglit na hinawakan ni Alexandra ang mukha ni Sony at napaluha siya sa lalaki.

“Masaya-masaya ako para sa’yo at natupad mo ang pangarap natin, Sony. Pero iba na ngayon, oo, tama ka nga, iniwan kita noon para sumama sa kaniya dahil mas mabubuhay niya ako. Pero naghirap din sila at nauwi kami ngayon dito sa Korea. Isa siyang cook at ako naman ay tour guide, akala ko nung una hindi ko siya matututunan mahalin dahil mahal na mahal kita pero nagbago ‘yun. Nagbago ang lahat ng makita ko ang respeto niya sa akin at sa anak namin, mahal ko na siya, Sony, at kung tatanungin mo ako kung mahal pa rin kita? Nandito ka na sa puso ko, may parte ka na na hindi mawawala sa akin pero hindi ‘yun sapat para iwan ko ang lahat para sa iyo,” umiiyak na sinasabi ni Alexandra habang hawak niya ang mukha ng lalaki.

“Wala akong ibang kahilingan kung ‘di ang makahanap ka ng isang babaeng papantay sa pagmamahal mo. Patawarin mo ako kung mas pinili kong mabuhay noon kaysa ang lumaban sa pag-ibig natin. Pero lahat ng iyon ay nasa nakaraan na kaya naman lumaya na tayo, Sony, lumaya ka na. Malaya ka na, mahal ko,” dagdag pa ng babae saka hinalikan sa ilong si Sony at mahigpit siyang niyakap nito.

Sobrang sakit man para sa lalaki ngunit mas pinili niyang tanggapin ito ng buong puso para kay Alexandra. Baka ito lang talaga ang kailangan niya upang makalaya sa nakaraan na inaasahan niyang mabuo.

Umuwi ng ‘Pinas si Sony nang mag-isa ngunit mas maluwag ang puso niya. Ngayon ay mas pipiliin daw muna niyang maging mabuting abogado.

Advertisement