Hindi Pabor ang Pamilya ng Dalaga sa Nobyo niyang Banyaga; Ito Pala ang Tunay na Katauhan ng Binata
“Sigurado ka na ba talaga sa nobyo mong iyan, anak?”
Bakas ang pag-aalala sa mukha ng mga magulang ni Crizel habang tinatanong siya ng mga ito tungkol sa boyfriend niyang si Arthur. Isang Amerikanong negosyante rito sa Pilipinas.
“Opo, mama, papa. Maniwala po kayo sa akin, napakabait po ni Arthur kaya ko po siya nagustuhan,” magalang namang paliwanag ng dalaga sa kaniyang mga magulang na alam naman niyang nag-aalala lamang para sa kaniya.
Bumuntong-hininga naman ang kaniyang ina. “Anak, huwag mo sanang mamasamain pero talagang hindi kami pabor sa lalaking iyan para sa ’yo. Natatakot akong matulad ka sa mga ibang pinay diyan na nagpakasal sa banyaga para gumanda ang buhay, pero imbes ay naging miserable’t napahamak pa dahil doon,” mahaba pang litanya ng kaniyang ina.
“Mama, naiintindihan ko po na nag-aalala kyo para sa akin, pero maniwala po kayo… isa po siyang mabuting tao. Sana po ay dumating ang panahong matanggap n’yo rin siya,” katuwiran naman ng noon ay nalulungkot nang si Crizel.
Isang iling ng pagkadismaya naman ang tugon ng kaniyang ama bago ito tumalikod at iniwan silang nag-uusap ng kaniyang mama.
Ngayon ang araw na napagplanuhan nila ng kaniyang nobyong si Arthur na opisyal na magpakilala sa mga magulang ni Crizel. Ngunit wala pa man ay mukhang hindi na agad maganda ang magiging takbo ng kanilang araw. Malungkot ang halos buong kabahayan at tila walang kasigla-sigla ang kaniyang pamilya na makita at makilala ang kaniyang nobyo.
Ayaw man ni Crizel ay nakadarama siya ng tampo sa kaniyang mga magulang. Ngayon lang siya hihiling sa mga ito. Noon ay hindi naman siya naging suwail na anak at sa katunayan ay sinunod nya ang lahat ng kanilang gusto nang walang pag-iimbot sa puso… ngayon ay bakit ayaw man lang siyang pagbigyan ng mga ito na kilalanin man lamang ang lalaking kaniyang minamahal?
Maya-maya pa ay dumating na si Arthur na sakay ng isang magarang sasakyan. Agad na napangiwi ang kaniyang ama nang makita iyon.
“Mukhang nagyayabang ang nobyo mo, Crizel,” komento pa nito sa dismayadong tinig habang umiiling-iling. Nawalan ng sasabihin ang dalaga.
Sinalubong niya si Arthur na malungkot ang kaniyang mukha at mabilis nito iyong nahalata. Sabay silang pumasok sa loob ng bahay.
“Mano po, ma’am… sir.”
Nagulat ang mag-asawa sa matatas na pananagalog ng kanilang bisita. Bukod doon ay hindi nila maikailang makisig ang binatang kanilang nasa harapan. May dala itong mga pagkain na hindi nila akalaing dadalhin nito sa kaniyang pagdalaw dahil ang mga iyon ay mga pagkaing pinoy tulad ng pansit bilao, biko at sapin-sapin.
Sa hapag ay halos mabingi ang lahat dahil sa sobrang katahimikan ngunit mas minabuti ni Arthur na kusa nang ipakilala sa magalang na paraan ang kaniyang sarili kahit pa ramdam niya ang tensyon. Tangging tahimik na tango lamang ang sagot ng mga magulang ni Crizel.
Maaga pa ngunit pauwi na ang binata. Matabang na kasi ang pakikitungo ng mga magulang ni Crizel sa kaniya kaya nagpasya na siyang umuwi na muna at dumalaw nalang ulit sa susunod. Inihatid siya ng umiiyak na si Crizel sa labas ng kanilang gate. Labis ang paghingi nito ng tawad ngunit niyakap laman ni Arthur ang nobya.
Samantala, naiinis namang nakatanaw ang mga magulang ni Crizel sa kanila. Gaano man kaganda ang ipinakita ni Arthur sa kanila kanina ay hindi pa rin sila boto rito para sa anak.
Nasa ganoong sitwasyon ang lahat nang bigla na lamang silang makarinig ng isang malakas na tunog ng busina ng motorsiklo! Nang lingunin nila ang kalsada ay nakaambang masagasaan ang isang matandang tindera ng sampaguita ang tumatawid doon!
Mabuti na lamang at mabilis na nakabig ng noon ay paalis nang si Arthur ang manibela ng kaniyang sasakyan at agad na hinarang ang tila nawawalan ng prenong motorsiklo…
Ligtas ang matanda mula sa aksidente habang si Arthur at ang driver ng motorsiklo ay sugatan, ngunit hindi naman malala. Ang kotse ni Arthur ay nagtamo ng malalang pinsala.
Laking gulat ng lahat nang imbes na magalit si Arthur ay sinagot niya pa ang pagpapaayos ng motorsiklong ginagamit pala sa pagde-deliver ng may-ari nito.
Singot na rin niya ang pagpapaospital ng nasugatan ding may-ari ng motorsiklo habang ang matanda namang muntik nang mabundol ay ipina-check up niya at binigyan ng tulong pinansyal.
Labis iyong ikinabigla ng mga magulang ni Crizel na nagsimula silang mahiya sa kanilang mga sarili dahil sa panghuhusga nila sa binata. Noon ding panahong iyon kasi ay nalaman nilang noon pa man ay mahilig na talagang tumulong ang mabuting banyagang may pusong pinoy lalo na nang dagsain ng iba’t ibang komento ang balita sa telebisyon tungkol sa aksidente. Noon din ay humingi sila ng tawad sa anak na si Crizel pati na rin sa nobyo nitong si Arthur.