Inday TrendingInday Trending
Parating Karamay ng Binata ang Kaniyang Kasintahan Anumang Hirap ang Kaniyang Pagdaanan; Pagsasaluhan din kaya Nila ang Maginhawang Buhay?

Parating Karamay ng Binata ang Kaniyang Kasintahan Anumang Hirap ang Kaniyang Pagdaanan; Pagsasaluhan din kaya Nila ang Maginhawang Buhay?

Ang magkasintahang sina Brent at Audrey ay masasabing may malalim na relasyon mula noong kolehiyo pa lamang sila. Ito ay dahil marami na silang kinaharap at nilampasan na mga pagsubok sa buhay nang magkasama.

Si Audrey, nang magkaroon ng problema sa kaniyang pamilya ay tanging ang kasinatahan niya lamang ang kaniyang nasandalan.

Si Brent naman na naging kapos sa pera nang mawala ang kaniyang ama ay tinutulungan ng dalaga sa tuwing siya ay nangangailangan. Hindi ito nagdadalawang isip na pahiramin siya ng pera pambayad sa mga gastusin niya gaya ng pagkain at matrikula.

Nang makapagtapos sila ay agad na naghanap ng trabaho ang dalawa. Mapalad na nakapasok agad sa trabaho si Audrey habang si Brent ay nahirapang makakuha ng trabaho. 

Gaya ng dati ay hindi pinabayaan ni Audrey ang kaniyang kasintahan. Tinulungan niya ito sa pag-aayos ng bio-data upang mas matanggap ito sa trabaho. Tumulong din siya sa pag-aapply ng binata hanggang sa palarin itong makapasok sa isang magandang kumpaniya.

Sa pagkakaroon ng trabaho ni Brent ay unti-unting umayos ang kaniyang buhay. Noong umpisa ay nagagawa niyang ilabas si Audrey nang madalas upang siya naman ang makapanlibre ng pagkain nila. Nakabili na rin siya ng motor na ginagamit niya sa pagpasok niya sa trabaho, ‘di gaya dati na namamasahe lang siya.

‘Di katagalan ay biglang naging abala si Brent sa kaniyang trabaho at kumonti na ang oras niya para kay Audrey.

“Babe, parang ang tagal mo na akong hindi dinadalaw at nasusundo sa trabaho nitong mga nakaraan ah. Bakit naman kung kailan ka nagkamotor saka ka naman naging ganyan? Dati naman nagagawan mo ng paraan kahit na nagko-commute ka lang,” reklamo ni Audrey na mayroon pa ring paglalambing.

“Iba naman noon. Mas nakakapagod at nakakastress naman ngayon sa trabaho,” paliwanag ni Brent.

“Parati na lang kasi tayong hanggang usap lang. Hindi na tayo halos nagkikita. Kung dalawin naman kita sa inyo eh hindi kita matiyempuhan dahil parati ka namang busy sa trabaho,” saad ni Audrey.

Pilit na ipinaintindi ni Brent ang sitwasyon niya kay Audrey. Ipinaliwanag niya na ginagawa niya ito para sa kaniyang ina at para na rin sa kanilang kinabukasan. Dahil dito ay inunawa na lamang ng dalaga ang kanilang kalagayan.

Pagkalipas ng ilang taon ay tumaas ang posisyon ni Brent sa kumpaniya. Mas umasenso na siya at nakabili na rin siya ng sasakyan. Mas hawak niya na ang oras niya ngayon sa trabaho ngunit mas dumalang pa ang oras niya para sa kaniyang kasintahan.

Sa paniniwala ni Audrey na ang lahat ng ito ay para din naman sa kanilang kinabukasan ay pinagkatiwalaan niya ang kaniyang kasintahan. Ngunit nagkamali siya. Ang lalaki palang pilit niyang inuunawa at minamahal ay niloloko lang pala siya.

Mayroon palang ibang babae si Brent sa kanilang opisina na nagngangalang Emma. Dito nito itinutuon ang lahat ng libreng oras nito kaya naman wala na itong maibigay pang panahon sa kaniya.

Nang matuklasan ni Audrey ang tungkol sa relasyon nina Brent at Emma ay labis siyang nasakatan. Hindi siya makapaniwalang ganoon lang siya kadaling ipinagpalit nito matapos ang lahat ng kanilang pinagsamahan. Dahil dito at dahil napansin niyang matindi ang pagtingin ng kasintahan sa katrabaho nito ay agad na siyang nakipaghiwalay rito.

Tama naman si Audrey sapagkat sadyang iba ang relasyon na nabuo ni Brent kay Emma. Kabaligtaran ito sa naging relasyon nila. Kung dati kasi ay si Brent ang parating tumatanggap ng tulong at pagmamahal mula kay Audrey, ngayon ay ito ang parating nagbibigay kay Emma. Anumang hilingin nito ay binibigay ng lalaki. Kailanman ay hindi ito naglabas ng pera para kay Brent, bagkus ay ito pa parati ang naglalabas ng pera, lalo na sa tuwing nanghihingi ito ng tulong para sa lola nito.

“Love, baka naman may extra money ka diyan? Naubos ko na kasi ‘yong sahod ko para sa mga gamot ni Lola kaya lang kulang pa rin eh.”

“Love, kailangan ko ipacheck-up si Lola kaso wala na akong pera.”

“Love, kailangan daw operahan si Lola kaso wala na talaga akong pera. Pati ipon ko ubos na.”

Kahit na puro pera at materyal na bagay ang mga hinihiling ni Emma kay Brent ay hinayaan lang ito ng binata. Siya ay nabulag sa pagkagusto niya rito kaya naman kahit nagkaka-utang na siya nang dahil sa dalaga ay nagbibigay pa rin siya rito.

‘Di nagtagal ay namroblema si Brent sa pera. Bukod sa nabaon siya sa utang ay nawalan siya ng trabaho nang masangkot siya sa isang malaking anomalya sa kanilang kumpaniya.

Sa nangyaring iyon ay nahirapan na siyang maibigay ang mga nais ni Emma. Ito ang naging dahilan ng kanilang mga pagtatalo hanggang sa hiwalayan siya ng dalaga noong wala na siyang maibigay na kahit na ano rito.

Labis na nasaktan si Brent sa ginawang ito ni Emma. Kung kailan siya nahaharap sa matinding pagsubok at mas nangangailangan ng karamay ay iniwan siya nito.

Mas lalo pang sumama ang loob ni Brent kay Emma nang makaharap at makausap niya mismo ang Lola nito nang subukan niyang suyuin na makipagbalikan ang dalaga sa kaniya.

“Anong pinagsasabi mo hijo? Wala naman akong sakit. Ang lakas-lakas ko pa oh,” wika ng Lola ni Emma.

Dito natauhan si Brent. Naisip niya noong mga panahong may pera siya ay parating nakadikit sa kaniya si Emma at nang bigla siyang nawalan ay bigla na lang siyang iniwan nito. Napagtanto niya na pera lang ang habol nito sa kaniya.

Hindi siya makapaniwalang pinagpalit niya si Audrey sa ganitong klaseng babae. Kung sana ay hindi siya nagloko noon, marahil maayos ang kaniyang buhay sa piling ng babaeng tunay na nagmahal sa kaniya ngayon. Sa babaeng tumulong sa kaniyang pag-ahon sa buhay at sa babaeng pinagkatiwalaan siya.

Gayunpaman, kahit gaano pa katindi ang pagsisising nararamdaman niya ay wala na siyang magagawa pa upang maibalik ang lahat sa dati. Patuloy siyang nagdurusa sa buhay na tinahak niya sapagkat hanggang ngayon ay nahihirapan pa rin siya na makakuha ng bagong trabaho lalo na’t may kaso pa siyang kinahaharap sa pagkakasangkot niya sa anomalya sa dati niyang pinapasukan.

Advertisement