Nagkukunwaring Palaging Masakit ang Ulo ng Kasambahay Upang Makaiwas sa Trabaho; Halos Iumpog niya ang Ulo sa Pader nang Karmahin
“‘Nak, sigurado ka ba sa desisyon mong mangamuhan? Nag-aalala ako sa iyo, dito’y kung ano-ano ang idinadahilan mo upang makaligtas sa mga gawaing bahay,” nag-aalalang tanong ni Tatay Rody sa bunsong si Carmela.
“Oho, ‘tay. Gusto ko na talagang kumayod para naman makaranas ng maginhawang buhay,” nang-iinsultong sagot ng dalaga.
“Pasensya ka na, anak, kung hindi ka naging anak-mayaman. Ito lang ang nakayanan namin ng tatay mo,” sabad ni Nanay Morena habang tila nangliliit sa sinabi ng anak.
Kahit nag-aalala sapagkat alam na alam nila ang ugali ng bunso ay hinayaan na lamang ng mag-asawa ang pasya nito upang matuto na rin sa buhay.
25 anyos na si Carmela ngunit palagi lamang itong nakahilata maghapon at abala sa pakikipagtext sa nobyo.
Kung wala itong hawak na selpon ay nakatutok naman ito sa telebisyon.
Sumapit ang araw ng pagluwas ni Carmela sa Maynila. Nakangiti siyang sinalubong ng among sina Rina at Jaime.
Sa unang linggo niya sa bahay ng mabubuting amo ay nagpakitang gilas si Carmela sa mag-asawa. Agad naman din nitong nakasundo ang dalawang anak nila na sina Jordan at Macy.
Ngunit nakaramdam lamang ng kaunting pagod ay nagbalik na naman ito sa dating gawi.
“Tutal naman ay nakuha ko na ang loob nila, magdamag na tayong makakapag-bonding, honey. Gagawa na lang ako ng eksena,” malanding pahayag ni Carmela sa nobyong si Santi.
Imbes na matulog na sa gabi ay magdamag itong nakikipagtelebabad kaya’t sa oras ng trabaho’y antok na antok ang dalaga.
“Ma’am ako na ho muna ang bahala sa lahat. Masakit kasi ang ulo ni Carmela. Umiiyak nga po sa kaniyang silid,” naaawang saad ng matagal nang kasambahay ng mag-asawa na si Ruth.
“Kawawa naman. Mainam siguro’y pagpahingahin muna natin. Baka nanibago lamang sa hangin dito sa Maynila,” sinserong sagot ni Rina.
Maghapon lamang na natulog si Carmela at nang sumapit ang gabi’y agad itong gumising upang kumain.
Pagkatapos kumain ay nagtelebabad na naman ito magdamag.
“Mommy, kawawa naman si Ate Carmela. May headache pa rin siya. Let her rest po muna. Maybe let’s take her to the hospital na,” wika ng mabait na panganay ng mag-asawa na si Jordan.
“Yes, anak. We will take her na sa hospital on Friday. Baka kasi nabigla lang ang katawan niya,” sagot ni Rina sa anak.
At gaya ng nasimulang modus ni Carmela, maghapon na naman itong natulog at nakipagtelebabad sa nobyo magdamag.
Naging gawi na niya ito hanggang sa ikinuwento na sa kaniya ni Ruth na dadalhin na siya sa klinika upang matingnan ng doktor.
Sa takot na mabuking ay maagang gumising si Carmela ng Biyernes na iyon. Nagsipag na naman ito sa mga gawain at matapos ang isang linggo ay balik na naman ito sa dating gawi.
Iiyak kuno sa umaga at magpapaawa. Sa pagsapit naman ng gabi ay telebabad.
Isang gabi’y biglang binuksan ng among si Jaime ang pintuan ng silid ni Carmela. Palibhasa’y nakatapal ang selpon sa tainga’y hindi niya narinig ang katok ng amo.
“Oh, Carmela. Akala ko ba’y masakit ang ulo mo. Bakit gising ka pa?” mahinahong tanong ni Jaime.
“Ah eh.. Sir.. Si… Si nanay po ang kausap ko. Naalimpungatan lang po ako at tinawagan sila. Nag-aalala kasi sila sa palagiang pagsakit ng aking ulo,” pagsisinungaling ni Carmela.
Agad naman itong pinaniwalaan ni Jaime.
Nagpasya ang mag-asawang amo na huwag nang ipaalam kay Carmela na kinabukasan ay dadalhin na ito sa ospital. Nahihiya rin sila sa mga magulang nito at alam naman nilang pananagutan nila ang dalaga.
“Mahal, nabasa mo ba ang mensahe ng mga amo ng bunso mo? Nakakahiya. Hayaan mo siyang madala tutal ay handa naman tayo kung sakaling pauwiin siya ng mga amo niya dahil sa pagsasakit-sakitan niya,” nababahalang saad ni Nanay Morena sa mister.
Naghihilik pa si Carmela nang gisingin ito ni Ruth.
“Bangon na, Carmela. Mas mainam na mapatignan ka na sa ospital at nang mabigyan ka rin ng tamang gamot,” mabait na saad ni Ruth sa dalaga.
“Ah eh… Sige…”
Wala nang nagawa si Carmela. Pinangatawanan na lamang niya ang palusot na pananakit ng ulo sa harap ng doktor.
Maraming test ang ginawa sa kaniya gaya ng MRI. Wala siyang pakialam sa gastos ng mag-asawa dahil sinabi ng mga itong sagot na nila ang lahat.
Habang nasa sasakyan pauwi ay napahawak sa kaniyang ulo si Carmela. Kumikirot iyon at halos masuka siya sa sakit.
Napakabilis ng tibok ng kaniyang puso. Sa isip niya’y nakarma yata siya at nagkatotoo ang kaniyang palusot.
Lumipas ang ilang araw at nanatiling tila lantang gulay si Carmela.
Nang maalimpungatan siya’y naririnig niya ang boses ng among si Rina. Umiiyak ito ngunit hindi niya gaanong maulinigan ang mga sinasabi nito dahil sa labis na pagkirot ng kaniyang ulo.
Sa sobrang sakit ng ulo niya’y inuumpog na niya iyon sa pader.
“Carmela, nakausap ko na ang nga magulang mo. Huwag kang mag-alala, tutulungan ka namin ng Kuya Jaime mo sa pagpapagaling mo,” lumuluha ang amo habang hinahaplos ang kaniyang ulo.
“Ate Carmela, you have a big tumor in your brain but you can beat it. You are a very nice person and God loves you,” lumuluha rin ang bunsong anak ng amo na si Macy habang sinusubukang pagaanin ang loob ng dalaga.
Nagulantang si Carmela sa narinig at tuluyan na siyang nagsuka at hinimatay.
Nang magkamalay muli ay tumambad sa harapan niya ang mga magulang.
“Patawarin mo kami, anak. Akala namin ay nagkukunwari ka lamang na may masakit sa iyo kaya’t hindi namin inintindi ng mga amo mo,” humahagulgol na saad ni Nanay Morena.
Sising-sisi si Carmela sa nagawa. Sa tingin niya ay talagang tinamaan siya ng karma.
Agad siyang humingi ng tawad sa mga magulang pati na rin sa kaniyang mga amo at inamin ang katotohanan.
Lumipas ang anim na buwan ay unti-unting lumiit ang bukol ng dalaga hanggang sa tuluyan itong gumaling.
Mula noon ay hindi na nagsinungaling at naging tamad pa si Carmela.
Habang nagtratrabaho sa mag-asawa ay nag-aaral naman ito sa gabi.
Paglipas ng limang taon, sa edad na 30 ay nakapagtapos ng kolehiyo si Carmela.
Bilang pagtanaw ng utang na loob sa butihing mga amo ay naglingkod siya sa kumpanya ng mga ito.
Isinantabi muna ni Carmela ang buhay pag-ibig at sinimulan niyang bigyan ng masaganang buhay ang mga magulang.