Gusto ng Dalagita na Matuluyan na ang Amang May Malubhang Sakit; Sising-sisi Siya Nang Marinig ang Mensahe ng Pastor sa Burol ng Ama
15 taong gulang pa lamang si Menchie ay inatasan na siya ng inang tumulong sa pag-aalaga sa amang na-istroke. Kailangan kasing magtrabaho ng kaniyang Mama Beth upang mapunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Marami sana silang pera ngunit unti-unti iyong naubos dahil sa ilang beses ding inoperahan ang ama na milyon ang nagastos ngunit hindi pa rin ito lubusang nakakalakad at nakakapagsalita nang tuwid.
Palibhasa’y nag-iisang anak kaya’t ganoon na lamang ito ka-spoiled. Naranasan na kasi niya ang halos lahat ng karangyaan sa buhay sa murang edad.
“Ano ba, ha? Hindi ka ba nganganga?! Pagod na pagod na ako sa ‘yo! Imbes nag-aaral ako o ‘di kaya’y naglalaro eh inaasikaso kita! Sana ay matuluyan ka na! Ihi ka pa nang ihi sinabi nang hintayin mo si mama para masuotan ka ng diaper!”
Imbes na pasasalamat sa nagbigay ng masaganang buhay noon sa kaniya ay ito pa ang mga huling katagang binitawan ni Menchie sa ama bago nito nilisan ang mundo at bumigay sa sakit nito sa puso. Bukod doon ay madalas niya rin itong itulak sa ulo tuwing nahihirapan siyang painumin ito ng gamot.
Kahit pilitin ni Menchie na maiyak ay walang pumatak na luha mula sa kaniyang mga mata. Sa loob-loob niya’y hindi naman niya kasalanan kung bumigay na ang katawan ng ama mula sa sakit nito.
Habang nagluluksa ang ina ay tuloy ang paglalaro ni Menchie ng mobile games at naghuhumiyaw pa ito tuwing nananalo.
Napansin ito ng kaniyang mga tiyuhin at tiyahin kaya’t pinagsabihan siya ng mga ito ngunit minasama pa niya iyon.
“‘Nak, suportahan mo muna si mama mo. Kawawala lang ni papa mo,” wika ng kaniyang Tito Ernie.
Padabog namang binitiwan ni Menchie ang kaniyang telepono at binalibag ang pinto ng kaniyang kuwarto.
Napailing na lamang ang lahat sa nasaksihan.
Huling araw na ng lamay sa burol ng ama at lahat ng naroon sa kanilang bahay ay abala sa paghahanda ng mga pagkain sa mga dadalong kasamahan ng ama sa trabaho, mga kaibigan, malalayong kamag-anak, at kasamahan sa simbahan. Palibhasa’y napakaraming kaibigan nito dahil sa pagiging matulungin at mabait na tao.
Naalala na naman ni Menchie ang pagpupumilit ng ama na sumali siya sa youth choir doon sa kanilang pinupuntahang simbahan at lalo siyang nairita nang makita ang mga kabataang halos kasing edad niya kasama ang iba pang mga kasama nilang nakakatanda sa dinadaluhang simbahan.
Yumuko na lamang ang dalagita imbes na batiin ang mga kaibigan. Sa loob-loob niya’y pinaplastik niya lamang naman ang mga ito at may dahilan siya upang ‘di mamansin. Siya ay nagluluksa kuno.
Nagsimula nang magsalita ang kaniyang ina ukol sa pagiging dakila ng ama at kung gaano ito kasipag sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo ngunit nakaismid lamang si Menchie at tila wala itong pakialam.
“Kung talagang dakila ka, naghanda ka dapat ng bilyones upang hindi kami ni mama ang mag-suffer sa pagkakaroon mo ng sakit,” saad ni Menchie sa sarili.
Nagbago ang mukha ni Menchie nang marinig ang mensahe ng pastor.
“Itong si Kuya Randy ay aking iniidolo. Bilang ama at asawa, ako ay napakaraming pagkukulang. Mga pagkukulang na hindi kayang bilhin ng pera. Mayroong mga tatay na maraming oras ngunit walang pera. Mayroon namang maraming pera ngunit walang oras. Ngayon, ibahin ninyo si Kuya Randy. Dahil kaya niya iyang ibigay pareho sa kaniyang mag-ina. Sapat na oras at masaganang buhay. Hindi ko alam kung mabuti iyon o masama. Sa tingin ng iba, dahil doon ay kaya siya nagapi ng isang malalang karamdaman. Na kung siya’y nagpahinga sa mga oras na tapos na sana siyang magtrabaho sa kaniyang sariling kumpanya ay natutulog na lamang siya. Bagkus, lalaklak siya ng isang basong energy drink bukod sa maghapong paghigop ng kape tapos ay pinatutulog niya si Ate Beth dahil pagod din ito sa pag-aalaga sa bagong silang nilang sanggol at siya naman ang rumerelyebo sa pag-aalaga sa napakabait nilang anak na si Menchie.”
Halos manigas si Menchie sa pagkakaupo nang ituro siya ng pastor.
“Mabait? Paano ako naging mabait? Sa sama ng mukha ko tuwing nakikita ko ang pastor na ito, manhid ba ito upang ‘di makahalata na maldita ako?” bulong ni Menchie sa sarili.
“Mantakin niyo iyon. May pambayad ka sa yaya. Marami kang kasamabahay ngunit ang dahilan ni Kuya Randy ay…. Minsan lamang tayo kakailanganin ng ating anak… Minsan lamang natin sila susubuan ng pagkain… Minsan lamang sila iiyak dahil ayaw nilang mawalay sa atin… Minsan lamang natin silang kailangang paliguan, hugasan tuwing dudumi… Darating ang panahon na hindi na tayo ang gusto nilang makasama… At hindi na nila tayo kailangan upang magpatuloy sa araw-araw… Kaya’t gusto niyang makasiguro na sa minsang iyon ay nariyan siya at si Ate Beth nang buong-buo para sa kanilang nag-iisang unica hija,” pagpapatuloy ng pastor habang halos maghalo na ang luha at sipon nito.
Tuluyan nang napahagulgol si Menchie sa narinig at halos hindi na maintindihan ng mga taong naroon ang mga sinasabi niya nang magsalita ito at sumigaw ng “papa”.
“Papa, patawarin mo ako! Minsan mo lamang ako kinailangan. Ngunit nabigo ko pang pangatawanan iyon. Sorry, papa. Mahal na mahal kita, papa,” at agad naman nitong niyakap ang ina na humahagulgol na rin.
“Anak, bata ka pa. Nariyan na hindi mo pa naiintindihan nang buong-buo ang lahat. Ngunit kahit minsan ay hindi nagalit sa iyo ang papa mo at kahit kailan ay hindi siya magsasawang unawain ka…” sagot ng kaniyang ina habang hinahaplos ang buhok ng dalagita.
“Ako na ang magsasabi sa iyo, Menchie. Hindi ka pa humihingi ng patawad ay pinapatawad ka na ng papa mo. Kahit sa mga huling sandali niya ay kayo pa rin ang kaniyang iniisip. Imbes na sumailalim muli ang papa mo sa heart surgery ay pinili niyang huwag na lamang gastusin ang huling naiwan niyang pera upang may magamit pa kayo ni mama mo at patuloy kayong magkaroon ng masaganang buhay,” saad ng pastor.
Maski ang kaniyang Mama Beth ay nabigla sa narinig.
Lumipas ang libing ng amang si Randy at kinabukasan ay natanggap nila ang chekeng naglalaman ng tatlong milyong piso.
Iniwan pala ng ama ang nalalabing pera sa pastor sapagkat alam nitong ilalaban ng asawang si Beth hanggang huling sentimo upang subukan pang siya’y operahan at umasang gumaling.
Hindi man mababawi ni Menchie ang mga pagkakamali ay pinagsisihan niya iyon nang husto at inalagaan niyang mabuti ang kaniyang ina.
Lumipas ang sampung taon at isa nang matagumpay na negosyante si Menchie. Muli niyang binuo ang nagsarang kumpanya ng ama at pinalago ito.
Sa ngayon ay mayroon na siyang mabait na asawa at isang lalaking anak na pinangalanan nilang Randy Junior. Alagang-alaga ito ng kaniyang Lola Beth at gaya ni Menchie ay busog na busog din sa pagmamahal ang anak.