Alang-alang sa Pakikisama ay Sumama sa Barkada ang Mister sa Beerhouse; Nanlaki ang Mata Niya Nang Makita ang Misis na Sumasayaw sa Entablado

“Honey, mamaya ay gagabihin ako ng uwi. Nagyayaya lamang si Arnold sa bahay nila dahil birthday ng tatay niya. Enggrande dahil umabot ito ng 90 years old. Alam mo na… Sa kasabihan, baka raw huli niya nang kaarawan iyon. Marami na rin kasing sakit,” pagsisinungaling ni Bong sa asawang si Ludi.

“OK, honey. Tutal ay nariyan naman si Mama Cora… May lakad din kasi kami nila Annie. Birthday naman ng kapatid niya,” malambing na tugon ng misis.

Lingid sa kaalaman ni Ludi ay sa beerhouse tutungo ang asawang si Bong kasama ang mga kabarkada nito. Matagal na siyang niyayakag ng mga ito ngunit wala naman talagang hilig ang mister sa mga ganoong bagay. Palibhasa’y may edad na sila nang ikasal at sawa na rin siya sa mga babae.

Hindi nga lamang siya makatanggi dahil pupunta na sa Amerika ang matalik niyang kaibigang si Arnold at minsan lamang ito kung humingi ng pabor sa kaniya.

“Sige na, p’re. Magtatampo ako sa iyo kapag ‘di ka sumama. Minsan lang ako humirit sa iyo. ‘Di ka naman mambababae. Sasamahan mo lang kami,” kumindat pa si Arnold habang kinukumbinse ang matalik na kaibigan na sumama.

Malaki ang utang na loob ng mag-asawa kay Arnold. Noong nagsisimula pa lamang kasi sila’y kinapos sila sa pambayad sa ospital dahil sa maselang panganganak ni Ludi at si Arnold ang kusang nagpahiram ng pera sa kanila upang makalabas na ang mag-ina ni Bong sa ospital.

“P’re, masayang-masaya ako na nandito ka. Mag-eenjoy ka rito. Balita ko’y kaygaganda ng mga chiks dito. Makikinis ang singit at talaga namang nakakagigil!” pang-eengganyo ni Arnold.

“Hindi ko na kailangang maghanap pa ng maputing singit, p’re. Kita mo naman ang kutis ni Ludi. Minsan nga’y masisilaw ka na sa kaputian noon,” nakangising sagot ni Bong.

Advertisement

Maya-maya pa’y nagsimula na ang dance number sa stage. Isa-isang rumampa ang mga babaeng nakasuot ng makikintab na salawal.

Pinakikiramdaman ni Bong ang kaniyang sarili ngunit tila sawa na nga talaga siya sa mga ganoong eksena. Noong kabataan kasi niya’y talaga namang kaliwa’t-kanan ang mga babeng nakakadate niya.

Isa pa’y mayroon silang tatlong anak na babae at ayaw niyang makarma ang mga ito pagdating ng araw kung magloloko siya.

Bigla naman niyang naalala ang napakagandang misis kaya’t tinext niya ito.

“Honey, hintayin mo akong makauwi ha? Namiss kitang bigla,” paglalambing ng mister.

“Bong! Hoy!”

Nairita si Bong sa sunod-sunod na kalabit sa kaniya ng mga kasama. Tila naglalaway ang mga ito sa at akala mo’y mga hayop na hayok sa laman.

“Si Ludi!” sabay turo ni Arnold sa stage.

Advertisement

Napanganga si Bong sa nakita. Ang kaniyang asawang si Ludi ay naroon sa stage at gumigiling.

Tila ito pa ang “star of the night”. Paikot-ikot pa ito sa tubo habang gumigiling.

“Yan ang ipinunta ko rito! MAMAYA KA SA ‘KIN! Ite-table kita!” giit ng isang parokyano.

Lalong nagpuyos ang damdamin ni Bong sa narinig. Hindi nito napigilan ang sarili at dinakma ang bastos na lalaki saka ito sinapak.

Nagkagulo na ang lahat at inaawat siya ni Arnold.

Maya-maya pa’y naririnig na niya ang tinig ni Ludi.

“Honey! Honey! Ano ba yan?! Gumising ka!”

Natauhan siya nang sampalin siya nang malakas ng asawa.

Advertisement

“Binabangungot ka na naman! Ilang beses na kitang pinaaalalahanan na huwag matutulog nang busog!”

Tila nabunutan ng tinik sa dibdib si Bong. Panaginip lamang pala ang lahat.

“Ano yong naririnig ko na beerhouse?! At asawang maputi ang singit? Bakit, yong totoo… Magtapat ka sa akin! May binabalak kang katarantaduhan, ano? Akin na iyang cellphone mo!” galit na wika ng misis sabay dakma sa kaniyang cellphone.

“Sorry, honey. Maglilihim sana ako sa iyo para wala na lamang gulo. Pero ayoko na. Hindi na ako sasama kahit pa magtampo sa akin si Arnold. Hindi ko talaga kayang maglihim sa iyo. Mahal na mahal kita. Sorry, hon. Narinig mo naman maski sa panaginip ko ay loyal na loyal ako sa iyo,” malambing na saad ni Bong habang natatawa-tawa pa ito.

“Sinalba ka ng panaginip mo! Kasi kung natuluyan kang nagsinungaling sa akin ay hindi talaga kita mapapatawad kahit ano pang palusot ang gawin mo riyan!” naiinis pa ring saad ng misis.

Magbubunganga pa sana ito ngunit agad siniil ng halik ni Bong ang asawa.

“Alam mo namang ikaw lamang ang tanging babae na aking pinagpapantasyahan at pagpapantasyahan habambuhay,” pang-aakit niya sa misis hanggang sa napangiti na rin ito.

Wala talagang magandang maidudulot ang pagsisinungaling. Mabuti na lamang at nailigtas ng kaniyang panaginip si Bong at kusa siyang nakaiwas sa tukso.