Buong Akala ng Lahat ay Walang Puso ang Kanilang Boss, Napahiya Sila nang May Matuklasan Tungkol Dito
Isang buwan palang na nagtatrabaho si Alyssa sa isang kumpanya sa Laguna. Umiikot ang negosyong iyon sa pagbebenta ng mga laruan, pero hindi niya nakikita kung paano iyon ginagawa dahil sa opisina siya naka-destino at nasa ibang lugar ang factory nila. “Good morning Sir.” sabi ni Lorna, isa sa mga empleyado nang dumaan ang may edad na nilang amo. Tumango lang ang lalaki at nagdire-diretso na sa opsina nito. “Tignan mo ni hindi man lang ako nilingon, grabe talaga ang sama ng ugali ng matandang iyan. Kaya walang makalapit diyan kay Sir eh.” himutok ng babae. “Hayaan mo na Lor, baka may problema lang si Sir.”pagpapalubag niya sa loob ng kasamahan. Hindi na bago kay Alyssa ang mga ganoong usapan, kilala kasi ang boss nila sa pagiging masungit. Lagi kasing nakasimangot ang lalaki at hindi masyadong nangangausap, tanging ang secretary lamang nitong si Vicky ang nakakalapit dito. “Sus, hindi kamo. Talaga lang kamong ganyan siya. Pag ako nakahanap ng ibang kumpanyang malilipatan lalayas na talaga ako rito.” sabi pa ng babae na hindi na kinibo ni Alyssa. Lumipas ang isang linggo, sinabi ni Vicky na mag-iikot daw sila sa factory kung saan ginagawa ang kanilang mga produkto upang mas lumawak ang kaalaman nilang mga taga-opisina sa daloy ng kanilang negosyo. Na-excite silang lahat dahil isa man sa kanila ay di pa nakakarating doon. Sumakay sila sa tatlong van, nakatulog si Alyssa sa byahe. “Nandito na tayo,” anunsyo ni Vicky kaya napamulat na ang dalaga. Sa labas palang ay kita na agad na malaki ang factory, grabe, ang sama ng ugali ng amo niya pero ang yaman naman nito. Ganoon ba talaga dapat? Utak at hindi puso ang pinaiiral sa negosyo? Ganoon na lang ang panlalaki ng mata ng lahat, at pagkalaglag ng mga panga nila pagpasok nila sa loob ng factory. Pero hindi iyon dahil sa pagkamangha sa mga laruan, kung hindi dahil sa mga manggagawa roon. Lahat ng mga ito ay may kapansanan. Nasa komportableng upuan lahat at may mga pagkain pa sa tabi ng mga ito, para siguro kapag napagod ay may libreng meryenda. Masasabing galing iyon sa kumpanya dahil pare-pareho ang tinapay sa tabi ng bawat manggagawa. “Napansin ninyo siguro, mas gustong kunin ni Sir dito ay iyong mga may kapansanan, dahil kadalasan daw ay sila iyong pinagkakaitan ng pagkakataon sa mga trabaho. Kita niyo naman, maayos silang gumawa. Hindi nagkamali si Sir, sa katunayan, mas malapit siya sa mga empleyado rito kaysa sa mga taga-opisina. Huwag sasama ang loob nyo, alam lang kasi ni Sir na mas kailangan ng atensyon ng mga tao rito.” nakangiting paliwanag ni Vicky. Nagkatinginan ang mga empleyado, alam nilang nagkamali sila ng hinusgahan. Ang inaakala nilang walang puso ay siya palang may pinakamabuting hangarin sa kapwa. Dahil sa natuklasan ay lalong ginalingan ni Alyssa sa trabaho, naisip niyang kailangang umunlad ang negosyong ito para sa mga taong umaasa rito. Hindi na rin nag-resign si Lorna, at sa tulong nilang lahat, lalong lumaki ang kumpanya at marami pang natulungang mga manggagawang may kapansanan. sa ibaba. Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.