Nagbayad ng Malaking Salapi ang Lalaki sa Taong Nakakaalam ng Panloloko Niya sa Misis Para Di Ito Magsalita, Hindi Niya Inaasahan ang Isang Napakalaking Rebelasyon
Limang taon nang kasal sina Rod at Alexa, mayroon silang isang anak na tatlong taong gulang. Hanggang ngayon ay babaero si Rod, pero napaniwala niya ang kanyang misis na nagbago na siya. Buong akala ng babae hindi na siya katulad dati na paulit-ulit na nambababae at pinapaiyak ito, hindi nito alam, may relasyon sila ng kanyang sekretarya sa opisina, bumalik na kasi ulit ang tiwala nito sa kanya. “Hon, tumunog yata ang phone mo kanina.” sabi ni Alexa habang kumakain sila ng hapunan. “S-Sige, mamaya ko na titingnan,” sabi ni Rod. Baka kasi si Jessa iyon, ang kanyang kabit. Hindi naman umimik ang misis niya at sinubuan na lang ang kanilang anak. Hindi nakatiis si Rod at kinuha rin ang cellphone, may isa ngang message para sa kanya pero hindi iyon galing kay Jessa. Isang hindi niya kilalang number ang nag-send ng mensahe. Halos maibuga niya ang kinakain at lamunin siya ng lupa nang mabasa niya ang nilalaman. Akala mo walang nakakaalam? Bigyan mo ako ng 1,000,000 kung ayaw mong makarating kay Alexa ito, sabi ng sender. Katabi noon ay ang litrato nila ni Jessa na naghahalikan. “Huy, okay ka lang ba?” inosenteng sabi ng kanyang misis. “Oo hon, nagkaproblema lang sa opisina.” palusot niya, hindi pwedeng malaman ni Alexa dahil baka iwan na siya nito, kahit naman ganoon siya ay mahal niya ang misis. Hindi niya rin kayang malayo sa kanilang anak. Ilang araw na ginulo ng sender si Rod, pilit siyang pinagpapadala ng pera. Noong una ay nagmatigas siya pero mukhang desidido talaga itong ipaalam sa asawa niya ang lahat kaya nagpasya siyang pumayag na lang. Sinabi ng sender na iwan niya lang daw ang maleta ng pera sa park, huwag na huwag siyang magloloko dahil alam niya raw ang kalalagyan niya. Balisa na nagwithdraw ng salapi ang lalaki, at dumiretso sa park. Mabuti na lang at may naipon siya, malaki naman kasi ang kanyang sinusweldo. Iniwan niya ang maleta at nakatanggap siya ng mensahe. Good. Masunurin ka naman pala. Umalis na siya sa lugar na iyon, umaasang patatahimikin na siya ng sender. Pero ganoon na lang ang pagkagulat niya nang makauwi ay wala na ang mag ina niya. Sa ibabaw ng kama ay naroon ang litrato nila ni Jessa. Naloko siya! Hiningian lang siya ng pera pero ipinadala pa rin sa misis niya ang mga litrato!
Dinampot ng babae ang maleta, siniguro niya munang nakaalis na si Rod bago niya nilapitan iyon. Sinilip niya, pera nga ang laman. Nagmamadali siyang pumasok sa kotse na ipinarada niya sa di kalayuan. Doon ay naghihintay ang kanyang anak. “Mommy Alexa, saan ka po galing?” tanong ng bata. “May kinuha lang ang mommy anak, magsisimula tayo ulit. Tayong dalawa lang. “Niyakap niya ang anak, ngiting tagumpay siya. Nakukunsensya siya pero iniisip niya na lang na para sa bata naman ang kanyang ginawa. Ilang ulit na siyang niloko at ilang ulit niya pa ring pinagbigyan ang asawa pero hindi ito nadadala. Matagal na niyang alam na may relasyon ito at ang sekretarya nito. Ginamit ni Alexa ang pera para magsimulang muli, nabuhay siyang mapayapa at masaya kasama ang kanyang anak. sa ibaba.Para sa mas maraming updates,i-like lamang ang aming Facebook page.