Inday TrendingInday Trending
Labis ang Galit ng Dalagang Ito Dahil sa Pagkawala ng Ama, Ito Pala ang Maaaring Makapagpadala sa Kaniya sa Piitan

Labis ang Galit ng Dalagang Ito Dahil sa Pagkawala ng Ama, Ito Pala ang Maaaring Makapagpadala sa Kaniya sa Piitan

“Hindi ba’t ikaw ang kapatid ng lalaking kumit*l sa buhay ng papa ko? Ang kapal naman ng mukha mong magpakita sa burol ng papa ko!” sigaw ni Fiona, isang gabi nang mapansin ang isang lalaki sa isang sulok ng silid kung saan nakaburol ang kaniyang ama.

“Humihingi po ako ng kapatawaran sa ginawa ng kapatid ko,” nakatungong sagot nito na labis pa niyang ikinagalit.

“Tingin mo ba maibabalik ng paghingi mo ng tawad ang buhay ng papa ko, ha? Wala kayong konsensya! Ang sasama niyo!” bulyaw niya pa dito habang bahagyang sinusuntok-suntok ang lalaki dahil sa galit na nararamdaman.

“Patawarin niyo po ang kapatid ko, patawad po!” sambit nito saka lumuhod sa kaniyang harapan.

“Tuloy pa rin ang kaso kahit anong gawin mo! At sisiguraduhin kong mabubulok sa kulungan ‘yang kapatid mong ubod ng itim ang puso! Umalis ka na dito!” sabi niya saka pilit na itinulak sa palabas ang naturang lalaking iyon, agad naman siyang pinakalma ng ilan niyang kamag-anak.

Ang amang abogado na lang ang tanging kaagapay ng dalagang si Fiona sa buhay. Simula nang sumakabilang buhay ang kaniyang ina dahil sa pagsisilang sa kaniya, ito na ang siyang umako lahat ng responsibilidad ng isang magulang. Ito ang kasama niya sa lahat ng hirap at saya na handog ng buhay.

Ngunit dahil nga isang abogado ang kaniyang ama, halos araw-araw siyang nangangamba para sa kalagayan nito. Wala kasing araw na walang nagbabanta sa buhay nito lalo na nitong mga nakaraang araw matapos ang isang kasong naipanalo nito laban sa isang kilalang utak ng dro*ga.

May mga araw na may nagpapadala sa kanila ng isang kahong puro p*atay na daga, may mga araw namang may isang kutsilyong puno ng dugo lulan ng isang kahon at kung minsan, isang manikang durog-durog na labis niyang ikinakatakot.

Ika naman ng kaniyang ama, “Wala kang dapat ikatakot, anak, ginawa ko naman ang nararapat kaya sigurado ako, hindi ako hahayaan ng Panginoon. Kung makit*l man nila ako, Diyos na ang bahala sa kanila,” na bahagyang nakapagpakalma sa kaniya.

Ngunit isang araw, habang pauwi galing paaralan, bigla na lang siya nakatanggap ng tawag mula sa kaniyang tiyahin na naabutan daw na walang buhay ang kaniyang ama sa opisina nito na labis niyang ikinapanglumo.

“Wala naman ginawang masama ang tatay ko! Talaga bang kapag nabubunyag ang baho niyo, kailangan buhay ang kapalit nito? Mga wala kayong puso!” atungal niya nang makitang naliligo sa sariling dugo ang kaniyang ama dahil sa mga balang nakabaon sa katawan nito.

Araw-araw niyang binabantay ang amang lulan na ngayon ng puting kabaong. Palagi niya itong kinakausap at sinasabing, “Igaganti kita, papa.” Ganoon na lamang ang galit na kaniyang naramdaman nang makita ang kapatid ng kumitil sa kaniyang ama, isang gabi pagkatapos niyang kausapin ang bangk*y ng ama.

Matagumpay niya nga itong napalayas kasabay nang pag-agos ng kaniyang luha. Ngunit maya-maya, biglang lumapit sa kaniya ang tiyahin at may inabot na sobre sa kaniya.

“Bigay ito no’ng lalaking pinalayas mo. Tulong niya raw para sa tatay mo,” malumanay na sambit ng kaniyang tiyahan.

“Bakit mo tinanggap, tita? May pera naman ako, may pera ang tatay ko, hindi ko kailangan ‘yan!” galit niyang sagot saka hinablot ang sobre’t agad na lumabas upang habulin ang naturang lalaki.

Nakita niya itong sumakay ng kotse’t mabilis na umalis dahilan upang sundan niya ito gamit ang kaniyang motorsiklo.

Tumigil ito sa isang bangin, at doon nagsisigaw, “Diyos ko, patawarin mo ang kapatid ko! Linisin mo rin ang puso kong punong-puno ng pagkahiya’t pagsisisi,” dahilan upang bahagya siyang makapag-isip na itulak na lang ito sa naturang bangin.

“Buhay mo, kapalit ng buhay ng ama ko. Pagbayaran mo ang katarantaduhan ng kapatid mo!” bulong ni Fiona sa sarili habang dahan-dahang lumalapit sa naturang lalaki upang itulak.

Ngunit halos limang baitang pa ang layo niya dito, narinig niya itong bumulong, “Ako na lang po ang kunin mo,” saka nito dahan-dahang inihulog ang sarili dahilan upang siya’y maalarma’t hablutin ang kamay ng naturang lalaking nasa bingit na ng kamat*yan.

“Bitawan mo na ako, hija. Ito na lang siguro ang tanging daan upang mawala ang galit mo,” sambit nito at doon niya napagtantong mali ang kaniyang inisip kani-kanina lang.

“Hindi sapat na dahilan ang galit upang hayaan kitang pumanaw, kumapit ka!” sigaw niya, sakto namang sinundan pala siya ng kaniyang mga pinsan dahilan upang tuluyan nilang maiangat ang naturang lalaki.

Nang masiguro niyang buhay at ayos ang naturang lalaki, doon na siya nakahinga ng maluwag. Ika niya, “Patawarin mo ako, papa, dahil sa loob ng ilang segundo, nakapag-isip ako na ipaghiganti ka sa maling paraan,” saka siya bumuntong hininga.

Simula noong insidenteng iyon, naging maingat na siya sa lahat ng kaniyang mga ginagawa niya. Hindi na niya hinahayaang mabalot ng galit ang kaniyang puso’t kaluluwa dahil alam niya, hindi ito ikatutuwa ng kaniyang ama.

Hindi nagtagal, nakuha niya ang hustisyang isinisigaw, nakulong nang pang habambuhay ang lalaking kumit*l sa kaniyang ama dahilan upang unti-unti nang mawala ang galit sa kaniyang puso.

Minsan talaga kapag galit ang siyang nangingibabaw sa ating buhay, maraming masasamang bagay ang ating maiisip. Nawa’y palagi nating ipalinis sa Diyos ang ating puso upang tayo’y mabuhay base sa Kaniyang plano.

Advertisement