Gusto Niyang Maging Pinakabongga ang Kaniyang Kaarawan; Natauhan Siya nang Dumalo Siya sa Kaarawan ng Kaibigan

“Mary Claire, malapit na ang 18th birthday natin. May plano ka na ba kung anong klaseng party ang gagawin mo?” Untag ni Samantha sa kaibigang abala sa pagbabasa.

Isang araw lang kasi ang pagitan ng kaarawan nila.

Saglit na huminto sa pagbabasa si Mary Claire upang sagutin ang tanong ng kaibigan.

“Sikreto muna. Pero siguradong mag-eenjoy ang mga kaibigan natin.” May masayang ngiti sa magandang mukha ni Mary Claire nang bumaling sa kaibigan.

Umarko naman ang kilay ni Samantha. Nagtataka kung bakit mukhang masigla ang kaibigan na pag-usapan ang kaarawan nila. Madalas kasi ay sinasabi nito na ayaw nitong magpa-party nang malaki.

Ang kinaiinis niya, lagi naman silang nakakatanggap ng imbitasyon mula sa mga magulang nito para sa isang enggrandeng birthday. Taon taon.

Sinisiguro kong mas enggrande ang birthday ko ngayong taon, sa isip-isip ng dalagita habang minamasdan ang kaibigan.

“Pumunta kayo, ha?” May matamis na ngiti sa labi ni Samantha nang iabot magarbong sobre na naglalaman ng kaniyang mensahe ng imbitasyon.

Advertisement

“Oo naman, Sam. Alam mo naman na birthday niyo ni Mary Claire ang lagi naming pinakahihintay taon-taon. Paano, bongga at maraming pagkain! Lalo na ngayon, 18th birthday!” Excited na sagot ni Gino, isa sa mga kaibigan nila. 

Umugong ang tawanan sa buong klase.

“Mary Claire, nasaan na ang invitation namin?” Nagbibirong untag naman ni Carmela sa kaklase.

“Wala nang invitation, gastos lang ‘yun. Basta lahat ay imbitado sa birthday ko. Sa bahay namin ang venue,” sagot ni Mary Claire sa kaklase.

“Naku, mukhang mas bongga ang birthday ni Samantha! Sa hotel ba naman gaganapin e!” Biro ni Justin. 

“Bongga talaga ‘yan, Justin. Taon-taon naman, diba?” May bahid ng pagmamalaki sa tinig ni Samantha.

“Hindi naman mahalaga kung bongga o hindi, Justin. Ang mahalaga ay nadagdagan ng isang taon ang buhay ko nang malusog ako at walang sakit. Sapat na iyon para magpasalamat,” natatawang sagot ni Mary Claire sa lalaki.

Muling nag-ingay ang buong klase nang inulan ng kantiyaw ang napahiyang si Justin.

Advertisement

Sumapit ang araw ng kaarawan ni Samantha.

Kagaya nang nakasanayan, lahat ay maganda ang bihis ng bawat isa nang dumating sila sa lugar na pagdarausan ng kaarawan ng kanilang kaibigan na si Samantha.

Manghang-mangha ang bawat isa sa eleganteng ayos ng bulwagan. Sa bawat lamesa ay maayos na nakasalansan ang mga kubyertos. Bawat mesa ang napapalibutan ng hindi hihigit sa walong upuan.

Sa gitna ng bawat lamesa ay makikita ang isang bungkos ng mga mamahaling rosas na elegante ang pagkakaayos.

Maririnig din ang malamyos na musika na tinutugtog ng isang sikat na banda.

“Wow! Ito na ang pinakabonggang kaarawan na napuntahan ko!” Tuwang tuwang komento ni Justin habang hinihintay nila ang paglabas ng birthday girl.

Nanlaki ang mata nang lahat nang makita si Samantha. Napakaganda nito sa suot na pulang gown na magrabong magarbo ang disenyo.

Napuno ang bulwagan ng masigabong palakpakan. Bawat isa ay puring puri ang dalaga na talaga namang pinakamaganda nang gabing iyon.

Advertisement

Hindi maikakaila na nag-enjoy ang bawat isa lalo pa’t isang sikat na banda ang naimbintahan na tumugtog. Bumaha din sa masasarap na pagkain at inumin kaya naman talaga namang tuwang-tuwa ang magkakaibigan.

“Maraming salamat sa pagpunta!” Nakangiting bati ni Samantha sa mga kaklase na abala sa pagku-kwentuhan.

“Samantha! Ang ganda-ganda mo!” Hindi magkandaugaga ang magkakaibigan sa pagbibigay papuri sa babae na talaga namang tila anghel na bumaba mula sa kalangitan.

“Salamat! Sa mahal ba naman ng gown ko eh!” Halakhak ng babae.

“Nag-enjoy ba kayo?” Tanong nito.

“Oo naman!” Sabay sabay nilang sagot dito.

“Buti naman! Malamang mag-eenjoy din tayo sa birthday ni Mary Claire, na mas bongga dito!” Nakangiting pasaring ni Samantha kay Mary Claire.

“Naku, hindi! Malayong-malayo dito ang birthday ko. Ang bongga bongga ng birthday mo, Sam!” Tanggi ni Mary Claire sa sinabi ng kaibigan.

Advertisement

Umuwi ang bawat isa na may ngiti sa labi, isang masayang alaala ang baon nila nang gabing iyon. Hindi din maikakaila na excited sila sa birthday celebration ng kaibigan nilang si Mary Claire, dahil taon-taon ay ito ang may pinaka-bonggang birthday sa kanilang magkakaibigan. 

Ngunit napanganga sila nang pumunta sa bahay nito nang sumunod na araw.

Ang malaking bakuran nina Mary Claire na kadalasang elegante ang ayos ay napapaligiran ng iba’t ibang kulay ng lobo.

“Ano ba ‘to? Bakit parang ang cheap ng pagkakaayos?” Maarteng bulong ni Samantha sa kaklase niyang si Carmela.

Ang mga upuan ay nakapagtatakang maliliit na tila ba mga bata ang uupo.

Ang ayos ng lugar tila bata ang may birthday, imbes na ang kaklase nilang labing walong taong gulang na.

“Ano ‘to? 7th birthday ba ni Mary Claire?” Natatawang komento naman ni Justin.

Nagkatawanan ang magkakaibigan.

Advertisement

Mas lalo silang napanganga nang lumabas si Mary Claire. Imbes na magmukha itong prinsesa dahil kaarawan nito, nakasuot lamang ito ng maong na pantalon at puting T-shirt!

Ngunit lahat ng katanungan na gumugulo sa kanilang isipan ay nasagot nang magsidatingan ang mga bata na hindi bababa sa limampu.

Nagsalita naman si Mary Claire. “Ngayong birthday ko, imbes na gumastos sa magarbong party, pinili ko na mapasaya ang mga batang ito. Sana ay mag-enjoy tayong lahat sa kakaiba, ngunit espesyal at makabuluhan na selebrasyon.”

Nalaman nila na ang mga bata pala ay nagmula pa mula sa isang bahay ampunan. Nalaman din nila na matagal na pala gusto ni Mary Claire na mag-outreach program sa tuwing sasapit ang kaarawan nito, hindi lamang ito pinapayagan ng mga magulang.

Napagtanto lamang ng mga magulang ni Mary Claire ang kahalagahan ng paggamit ng pera sa mga mas makabuluhang bagay dahil sa pandemya na naranasan nila ng nagdaang taon.

Sa una ay nag-alangan pa ang magkakaibigan na makipaglaro sa mga bata ngunit ‘di nagtagal ay masaya nang nakikipaglaro ang mga ito sa mga bata.

Mas lalo silang natuwa nang sa halip na magbukas si Mary Claire ng mga regalo, ang mga bata ay nakatanggap ng tig-iisang regalo mula sa may kaarawan.

Humaplos sa puso ng bawat isa ang malalaking ngiti ng mga bata nang nakatanggap ng maliit na regalo.

Advertisement

“Wow! Eroplano!” Sigaw ni Rebreb, isa sa mga pinakabibong bata.

Hindi man bongga ang kaarawan na ni Mary Claire, napakaraming bata naman ang napasaya niya.

Napahiya naman ang mga nagsabi na hindi daw “bongga” at “cheap” daw ang party ni Mary Claire, lalo na si Samantha walang ibang ninais kundi magkaroon ng “pinaka-bonggang” party.

Kaniya man ang pinakabongga, mas may kabuluhan naman ang party ni Mary Claire.

“Ang ganda ng party mo, Mary Claire. Nag-enjoy kami, at talaga namang nag-enjoy din ang mga bata,” bukal sa loob na bati ni Samantha sa kaibigan.

Nag-usap usap naman ang magkakaibigan na sa susunod nilang kaarawan, susubukan nilang gawin ang ginawa ni Mary Claire. Bukod kasi sa nag-enjoy sila sa pakikipaglaro sa mga bata, napagtanto nila na tama ito, maraming tao ang naghihirap, mas makubuluhan nga naman ang tumulong at magpasaya ng mga salat sa yaman.