Daig ng Mabait ang Pogi Lang

Daig ng Mabait ang Pogi Lang

KarmaLoveStories

Pusturang-pustura si Charwin habang papunta siya sa bahay ng kaniyang nililigawang si Leila upang sorpresahin ito at yayaing makipag-date nung araw na iyon. Wala siyang ibang dala kung ‘di ang kaniyang sarili ngunit kumpiyansa siyang agad niyang mapapapayag ang dalaga.

“Hindi mo man lang ba dadalhan ng bulaklak o tsokolate man lang ‘yong nililigawan mo, kuya?” tanong ng kapatid na si Nelson bago lumabas si Charwin ng pintuan.

“Kailangan pa ba ‘yon? Baka nakakalimutan mong walang babaeng nakakahindi sa kuya mong malakas ang appeal?” taas noo namang pagyayabang ni Charwin sa kapatid na napailing na lang.

“Ikaw rin. Bahala ka. Hindi naman lahat ng babae sa itsura tumitingin,” kibit-balikat na lamang na komento ni Nelson na walang habas na tinawanan lang ni Charwin.

“Walang ibang sasagutin si Leila kung ‘di ako. Walang-wala naman kasi sa itsura ko ‘yong ibang nanliligaw sa kaniya. Lalo na ‘yong Joemar na ‘yon! Mukha namang kabayo ‘yon.” Sabay halakhak ni Charwin na muling ikinailing ni Nelson.

“O siya, siya, umalis ka na, kuya, at pasagutin mo na si Ate Leila gamit ang kaguwapuhan mo. Sana lang ay hindi ka magsisi,” pahabol ni Nelson.

Hindi na lang pinansin ni Charwin ang huling sinabi ng kaniyang kapatid kahit napipikon na siya. Minabuti na lamang niyang dumiretso na sa bahay nina Leila.

“O, Charwin, ikaw pala!” bungad ni Leila kay Charwin. Naabutan ito ng binata na bihis na bihis din.

“Bakit bihis na bihis ka? May pupuntahan ka ba, Leila?” tanong ni Charwin sa dalaga. “Ah, kasi, niyaya ako ni Joemar na manood ng sine ngayon,” sagot naman ng dalaga.

“Ganoon? Eh, yayayain din kasi sana kitang lumabas ngayon, eh. Sa akin ka na lang sumama!” pangungumbinsi ng binata.

“Naku, pasensiya ka na, Charwin, ha. Nauna kasing magyaya sa’yo si Joemar, eh,” katwiran ni Leila.

“Lintek na pangit ‘yon! Naunahan ako, ah!”

“Leila, okay lang naman kung tatlo na lang tayong umalis ngayon. Tutal magkasunod lang naman kaming nagyaya. Para patas lang,” biglang singit ng kararating lang na si Joemar sa usapan ng dalawa.

“Okay. Pero payag ka ba roon, Charwin?” baling naman ni Leila sa kaniyang manliligaw.

Nakailang mura muna sa isip niya si Charwin bago siya nakasagot sa dalaga. “Okay. Call ako!”

Natuloy ang date ng tatlo nung araw na iyon ngunit palagi na lang nagkakaroon ng tensiyon sa pagitan ng dalawang binata dahil sa kayabangan ni Charwin.

Palagi na lamang nagpapasensiya si Joemar alang-alang kay Leila. Hindi kasi nito gusto na sa harap pa ng dalagang pareho nilang nililigawan sila mag-aaway.

Ngunit si Charwin ay parang wala namang pakialam. Ang gusto niya lamang ay makalamang kay Joemar dahil ayaw niyang matalo ng isang pangit lang!

“Kuya, palimos po.”

Sa kalagitnaan ng kanilang date ay may isang batang pulubi ang lumapit sa kanila.

“Ay naku, bata, sa iba ka na lang manghingi. Nakita mo, o, mawawalan ng gana itong girlfriend ko sa’yo dahil ang dumi mo, eh,” sabi ni Charwin sa batang nakalahad ang kamay habang nakaupo sila sa isang kainan sabay kindat niya kay Leila.

Napataas naman ang kilay ni Leila sa inasal ni Charwin.

“Pare, huwag ka namang ganiyan sa bata,” napapailing na saway ni Joemar.

“Leila, puwede bang iwanan muna kita kay Charwin sandali?” baling ni Joemar sa dalaga. “Oo. Okay lang, Joemar,” nakangiti namang tugon ni Leila.

Inilipat ni Joemar ng table ang batang itinaboy ni Charwin. Pagkatapos ay binilhan niya ito ng makakain. Bukod pa roon ay kitang-kita ng dalawa na inihatid pa ni Joemar ang bata kung nasaan ang mga kasama nito bago ito bumalik sa kanilang table.

Tuwang-tuwa ang puso ni Leila sa kaniyang mga nasaksihan. Nang mga samdaling iyon ay alam niyang sigurado na talaga siyang si Joemar ang gusto niyang maging kasintahan.

Halos magwala si Charwin nang makauwi siya sa kanilang bahay. Nang gabing iyon kasi mismo ay binasted siya ni Leila at sinagot nito si Joemar!

Tinawanan ni Nelson ang kaniyang kapatid. “Ano ka ngayon, kuya? Ang yabang mo kasi, eh. O, hindi ba at tama ako? Daig ng mabait ang pogi lang. Matuto ka sa karanasang ‘yan. Kung sana nakinig ka lang sa akin, eh, ‘di hindi ka sana natulad sa akin,” dagdag pa ni Nelson na biglang nalungkot ang ekspresiyon ng mukha.

Nagsisisi din kasi ito ngayon katulad ng kaniyang kuya dahil pareho silang naging sobrang taas ng kumpiyansa sa kanilang mga sarili palibhasa ay gwapo sila. Kung hindi sana nila nakalimutan na dapat ay maging maganda rin ang kanilang pag-uugali siguro ay pareho na silang may kasintahan ngayon.

More Stories