Balat Sibuyas!

Balat Sibuyas!

HeartbreakingStories

Padabog na umupo si Carla sa kaniyang upuan sa eskuwela. Paano’y pikon na pikon na naman siya dahil panay ang biro sa kaniya ng kaklase niyang si Paloma.

“Carla, crush mo ba talaga si Palito?” tanong ni Paloma habang malawak na nakangisi. Tinutukoy nito ang kanilang patpating kaklase na kung tawagin nila ay Palito. Lagi nitong inaasar si Carla sa lalaki dahil bagay daw sila.

“Sinabing hindi ko nga crush ‘yon!” Naihampas ni Carla ang kaniyang hawak na papel sa mukha ng kaibigan.

“Aray ko! Binibiro lang naman kita!” sabi naman ng naiiyak na si Paloma dahil nasundot ng inihampas na papel ni Carla ang kaniyang mga mata.

“Kasalanan mo ‘yan! Ayaw mo kasing tumigil nang kakaasar sa akin, eh!” saad ni Carla.

Sa kalagitnaan ng kanilang pagtatalo ay napahagalpak ng tawa ang kanilang mga kaklase na nasa likuran ni Carla.

Kahit hindi naman si Carla ang pinagtatawanan ng mga ito ay agad siyang napikon. “Ano ang tinatawa-tawa ninyo? May nakakatawa ba?” bulyaw niya sa mga ito na agad namang ipinagtaka ng kaniyang mga kaeskuwela.

“Bakit? Inaano ka ba namin, Carla?” tanong nila.

Isang matinding ikot ng mata ang isinagot ng dalaga sa mga ito.

Napailing ang mga kaklase sa inasal ni Carla.

Kinabukasan ay mabilis na naglalakad ang isa sa mga kaklase ni Carla na si Jeremy dahilan kaya hindi nito sinasadyang madagil ang paa ng maramdamin na si Carla!

“Aray, Jeremy! Ang sakit ng paa ko!” hiyaw ni Carla sa pinaka-OA na reaksiyong kaya nitong ipakita.

“Sobrang maramdamin mo naman, Carla! Kaunting dagil lang ‘yon, ah!” reklamo naman ni Jeremy na napapakamot sa kaniyang ulo.

“Kaunti lang ba ‘yon? Sobrang sakit kaya! Masyado ka kasing nagmamadali!” sabi pa ni Carla.

Humingi na lamang ng tawad si Jeremy para matapos na ang usapan at upang hindi na magkaroon ng gulo.

Simula nung araw na iyon ay wala ni isa man sa mga kaklase ni Carla ang lumalapit sa kaniya. Hindi nila gustong makipagkaibigan sa kaniya. Napakadali niyang magdamdam kahit na hindi naman nila sinasadya na saktan siya. Ni hindi siya mabiro sa umpukan nilang magbabarkada dahil sobrang OA niya kung umaalma.

Dumating pa nga sa puntong inirereklamo niya at ng kaniyang ina sa DepED ang kanilang adviser nung minsang magbiro ito kung gaano kaganda si Carla.

“Many*k ka, sir!” malisyosang paratang ni Carla noon sa guro.

Kailan man ay hindi tumanggap ng biro si Carla mula sa ibang tao. Pakiramdam niya ay palagi siyang inaapi. Ayaw niyang napupuna ang kaniyang mga kamalian dahil ang palagi niyang iniisip ay nilalait siya imbes na itinatama lang naman ang pagkakamali niya.

Kahit ang ilan sa kaniyang mga kamag-anak ay ilag nang makausap man lang si Carla. Walang may gustong lumapit dito lalo na nung ito ay magdalaga.

Tumanda siyang bintangera, OA at palaaway. Napakabilis niyang masaktan at madali siyang magdamdam kahit sa napakaliliit lang na bagay.

Lingid sa kaalaman ng lahat may dahilan ang pagiging balat sibuyas ni Carla.

Biktima siya ng panghah*lay ng sarili niyang ama nang minsang magdilim ang paningin nito dahil sa labis na kalasingan. Ang pangyayaring ito ang naging dahilan din ng pag-iwan nito sa kanilang mag-ina. Nakonsensiya ito o mas tamang sabihing natakot na baka matuklasan ng iba ang ginawa niya sa kaniyang anak.

Walang nakakaalam sa nangyari kay Carla. Inilihim ito ng dalaga maski sa kaniyang ina.

Sa kalaunan ay nalunod si Carla sa matinding depresyon. Depresyon na halos kum*til sa kaniyang buhay sa tuwing wala siyang makausap.

Nagpasiya ang kaniyang ina na dalhin na siya sa isang espesiyalista. Ikinasama iyon ng loob ni Carla ngunit pinilit pa rin ng ina nito na tuparin ang kaniyang plano upang matulungan ang kaniyang anak na ilang taon na din niyang kinukunsinti.

“Hija, hindi makakatulong sa’yo kung hindi mo kayang magtiwala man lang kahit kaunti sa mga taong nasa paligid mo. Wala ka naman talagang sakit. Normal ang pag-iisip mo. Alam mo kung ano ang mali sa’yo? Iyon ay ang pag-uugaling itinatak mo sa iyong kaisipan simula nung iwan kayo ng iyong ama. Carla, hindi lahat ng tao ay katulad niya,” payo ng doktor na tumingin kay Carla.

Totoo ang sinabi ng doktor. Nagsimulang magbago ang ugali ni Carla mula nang umalis ang kaniyang ama na hindi man lang humihingi ng kapatawaran sa kaniya. Inisip niya na ang lahat ng tao ay sasaktan lang siya katulad ng ginawa sa kaniya ng kaniyang ama.

Ipinaunawa ng doktor kay Carla ang lahat ng kailangan niyang maintindihan upang mawala ang kaniyang pagiging sobrang madamdamin sa mga bagay na sinasabi o ginagawa sa kaniya ng iba.

Ginawa naman ni Carla ang lahat upang gumaling siya agad at tuluyang mawala ang ganoong klase niyang pag-uugali na siyang naging dahilan kaya nawalan siya ng mga kaibigan.

Kailangan niyang palaging tandaan na kung may mga taong hindi mapagkakatiwalaan ay hindi pa rin naman nauubos ang mga taong totoo at walang masamang balak sa kaniya. Minsan ay kailangan lang talaga silang pagkatiwalaan.

Naging mahirap ang pagsisimulang muli ni Carla ng bagong buhay lalo pa’t ngayon ay naisiwalat na niya ang lihim na matagal na niyang kinikimkim sa kaniyang dibdib. Hindi na nila hinanap pa ang kaniyang ama upang ipakulong ito dahil alam nilang darating ang panahon na tadhana na mismo ang maniningil sa kasalanang ginawa nito.

Sa ngayon ay mabuti na ang kalagayan ni Carla. Nagkaroon ng kapayapaan ang kaniyang dibdib at unti-unti na siyang natututong magtiwala muli sa iba.

More Stories