Apektado ang Buong Pamilya

Apektado ang Buong Pamilya

FamilyHeartbreakingStories

“Napakababaero mo talagang lalaki ka! Hindi ka na nadala. Dapat sa’yo pinuputol ang ari!” sigaw ni Brenda.

“Ewan ko sa’yo, Brenda! Malisyosa ka talaga. Sinabi ko na sa’yong wala akong babae. Kung ayaw mong maniwala, eh, ‘di huwag! Wala akong pakialam kahit maglupasay ka man diyan sa kakaisip kung sino ang babae ko!” sigaw ni Dindo.

Sa bahay na iyon ng Pamilya Bautista ay maririnig na naman ang hiyawan at pag-aaway ng mag-asawang Dindo at Berna. Makikita rin sa loob ng kanilang tahanan, sa loob ng kani-kanilang mga kwarto na kaniya-kaniyang takip na naman ng tenga ang kanilang mga anak na paniguradong wala na namang tulog sa araw na iyon dahil sa magdamag na pag-aaway nila.

“Ate, lagi na lang maingay sina mama at papa. Hindi ba nila mahal isa’t isa? ‘Di ba kapag mahal mo hindi mo away?” umiiyak na saad ng bunsong anak nina Dindo at Brenda. Niyakap naman ito ni Aki, ang panganay na anak ng dalawa.

Si Zyne naman ay naka-earphones at nagpapatugtog ng malakas at parang may sariling mundo.

Ganoon man ang reaksyon nito alam ni Aki na nasasaktan din ang kapatid niyang si Zyne sa tuwing maririnig nito na nag-aaway ang mga magulang nila.

Hindi na alam ni Aki kung paano pa niya pagagaanin ang loob ng kaniyang mga kapatid.

Madalas ay inuumaga na rin sila ng tulog dahilan para maging antukin sila sa klase kung hindi man sila late o absent. Mababa na ang kanilang grades at halos wala na silang maintindihan sa mga aralin nila dahil rindido na ang kani-kanilang mga tenga.

“Babaero ka! Dapat sa’yo pinuputol ang *ri!”

Nagulat si Brenda nang marinig niyang sinabi iyon ng apat na taong gulang niyang bunsong anak na si Lany habang naglalaro ito ng manika.

“Ewan ko sa’yo. Malisa ka! Wala pakialam sa’yo!” pabulol namang panggagaya ni Lany sa kaniyang ama na ikinalingon ni Dindo.

Nagkatinginan ang mag-asawa. Parang nangungusap ang kanilang mga mata dahil sa mga sinabi ng kanilang anak, mga salitang narinig nito mula sa kanila. Halos sabay pa nilang tinakbo ng mabilis ang puwesto ni Lany sabay yakap sa kanilang anak at paghingi rito ng tawad.

Takang napatingin naman sa kanila ang bata. “Mama, papa, love na kayo. ‘Di ba lagi kayong galit? ‘Di na kayo love, eh! ‘Di niyo rin kami love nila ate. Hindi kami tutulog lagi,” sumbong pa ni Lany sa kanila na lalo pa nilang ikinapanlumo.

Apektado ang buo nilang pamilya dahil sa madalas nilang pag-aaway. Lalo silang nanlumo nang malaman nila kung gaano na kababa ang mga grado ng kanilang mga anak dahil palaging silang late o absent sa klase dahil parati na lang puyat ang mga ito at hindi rin sila makapag-aral sa gabi.

Hiyang-hiya ang mag-asawa sa kanilang mga mga anak.

“Paano tayo babawi sa mga anak natin?” panimulang tanong ni Brenda sa kaniyang asawang na ngayon ay tulala at nag-iisip din.

“Bago tayo bumawi sa kanila kailangan muna nating magkaintindihan. Hindi magiging maayos ang pamilya natin kung patuloy pa rin tayong mag-aaway pagkatapos nating mag-usap,” sabi naman ni Dindo na sinang-ayunan kaagad ni Brenda.

Masinsinang pinag-usapan ng mag-asawa ang tungkol sa kanilang relasyon. Pinatunayan ni Dindo na kahit kailan ay hindi siya nambabae bagkus ay palagi lamang siyang nakikipagiinuman kasama ang kaniyang mga kaibigan kaya palagi itong gabi kung umuwi. Samantalang humingi naman ng tawad si Brenda kay Dindo dahil palagi niya itong pinaghihinalaan at hindi pinaniniwalaan ang mga paliwanag nito.

Kinausap ng mag-asawa ang kanilang mga anak na alam nilang mahihirapan silang hingian ng tawad.

“Patawarin ninyo kami, mga anak. Hindi namin gusto na magkaroon ng ganitong pangyayari sa ating pamilya. Hindi namin naiwasan ng mama ninyo na magkaroon ng ‘di pagkakaunawaan. Ang mali namin ay nadamay at naapektuhan kayo dahil sa aming pag-aaway,” paliwanag ni Dindo sa kaniyang mga anak.

Umiiyak noon si Brenda kaya naman hindi ito makapagsalita.

“Ma, pa, hindi niyo naman po kailangang humingi ng tawad. Naiintindihan po namin na ganoon talaga ang mag-asawa. Kaya lang sana ay huwag na ninyong palakihin ang mga bagay na puwede namang madaan sa maayos na pag-uusap. Ayusin po ninyo sana kaagad ang ano mang hindi pagkakaunawaan. Hindi lang po kasi kayo ang naninirahan sa bahay na ‘to. Nandito rin po kami ng mga anak niyo na nasasaktan kapag nakikita at naririnig namin ang matindi niyong pag-aaway,” saad ni Aki.

“Mama, papa, ayoko po ng broken family. Please lang huwag na po kayong mag-away,” pakiusap naman ni Zyne.

Doon na bumuhos ang masaganang luha ng Pamilya Bautista. Ganoon pa man ay alam nilang iyon na rin ang simula ng panibagong yugto ng kanilang buhay, ang pagiging isang pamilya kung saan pagkakaunawaan at pagmamahalan ang nangingibabaw.

More Stories