Sa Panahon ng Pangangailangan, Kapitbahay ang Matatakbuhan

Sa Panahon ng Pangangailangan, Kapitbahay ang Matatakbuhan

HeartbreakingInspiringStories

“Nakakainis naman ang kapitbahay natin! Ang ingay-ingay na naman ng videoke nila,” naiiritang sabi ni Aling Remedios sa kaniyang anak na si Remie na noon ay abala sa paggawa ng kaniyang takdang-aralin para sa paaralan.

Ang tinutukoy na kapitbahay ni Aling Remedios ay ang katapat nila na halos laging nagvivideoke. Ang totoo ay hindi naman talaga masyadong maingay ang kanilang pagkakantahan. Mainit lamang talaga ang dugo ni Aling Remedios sa kanila. Lagi niyang nakikita ang mga ito na masaya, kumakain sa labas at tila walang problema. Naihahambing niya ang sariling pamilya sa kanila dahil walang kuwenta ang kaniyang mister.

“Relax lang, ‘nay. Galit ka na naman, eh. Lalabas na naman ang mga wrinkles mo. Ayokong magmukha kang stressed,” paalala ng anak ni Aling Remedios.

“Malapit ko nang ireklamo sa barangay ang pamilyang iyan. Ang ingay-ingay. Parang laging masaya. Ayoko ng ganyan, ah,” bulalas ni Aling Remedios.

Nagsimula ang tila pader sa pagitan ng dalawang pamilya dahil sa pagkakalat ng aso ng kapitbahay sa bakuran ng bahay nila Aling Remedios. Nakatikim ng sermon mula sa kaniya ang ilaw ng tahanan na si Aling Marta. Hindi naman siya pinatulan nito. Tanging si Aling Remedios lamang ang palaaway.

Kinabukasan habang nagwawalis si Aling Marta sa kaniyang bakuran ay nagkataon namang nagwawalis din sa kaniyang bakuran si Aling Remedios.

Kinumpronta ni Aling Remedios si Aling Marta hinggil sa pagvi-videoke nila noong nagdaang gabi.

“Puwede ka bang makausap?” tanong ni Aling Remedios kay Aling Marta.

“Oo naman. Ano iyon? Tungkol saan?” nakangiting tugon ni Aling Marta. “Puwede bang kapag gabi na ay itigil niyo na ang pagbi-videoke? Nakakabulahaw kasi kayo sa mga kapitbahay ninyo. Kung hindi ay irereklamo ko kayo sa barangay,” sabi ni Aling Remedios.

“Naku, pasensiya ka na, ha. Hindi naman namin sinasadya. Hindi na mauulit. Huwag ka sanang magagalit sa amin,” pagpapakumbaba naman ni Aling Marta.

Simula nga noon ay naging limitado na ang paggamit ng videoke ng pamilya ni Aling Marta. Natuwa na rin si Aling Remedios at tinigilan na niya ang pang-aaway sa kaniyang kinaiinisang kapitbahay.

Isang araw isang nakakaalarmang balita ang narinig at napanood ng mga tao sa radyo at telebisyon. Isang malakas na bagyo raw ang mananalasa kaya pinag-iingat ang publiko ng lokal na pamahalaan. Hinikayat nila ang mga tao na mamili na ng mga kailangan nilang pagkain, gamot at iba pang mga bagay upang maging handa sa kalamidad.

“Naku, hindi naman siguro tayo babahain, ano? May ikalawang palapag naman tayo. Hindi naman siguro ganoon kalakas ang bagyo na iyan at hindi tayo papasukin ng tubig,” paniniguro ni Aling Remedios sa kaniyang anak.

Bumuhos na nga ang malakas na ulan. Humahagunot ang hangin. Tila humahagulgol ang maitim na mukha ng langit. Walang puknat ang pagsalimbay ng mga puno, halaman at maging mga atip ng kabahayan. Hanggang sa umapaw ang baha at pumasok sa mga kabahayan.

Nagulat si Aling Remedios dahil unang beses nilang naranasang pasukin ng tubig sa loob ng kanilang bahay. Itinaas nila sa mesa ang kanilang mga kasangkapang de kuryente tulad ng telebisyon at bentilador.

“Dito na lamang natin ipatong sa mesa. Hanggang talampakan lamang naman ang baha. Akasin na natin ang tubig,” utos ni Aling Remedios sa anak na si Remie. Matiyaga nilang inalis ang tubig sa loob ng kanilang bahay.

Habang tumatagal ay lalong lumalakas ang ulan at hangin. Ang baha na abot talampakan lamang ay umabot na sa beywang nina Aling Remedios at Remie. Naalarma na sila. Wala silang nagawa kung ‘di iakyat sa ikalawang palapag ang mga kasangkapan nila. Basang-basa at nababad na sa baha ang kanilang mamahaling sofa.

Ilang oras lamang ang lumipas ay lalo pang tumaas ang baha at umabot na sa ikalawang palapag ng kanilang bahay. Nakaramdam ng takot ang dalawa. Tumanaw sila sa durungawan at wala na silang makitang mga bahay maliban sa bahay nina Aling Marta na mayroong ikatlong palapag.

“Nay humingi na po tayo ng tulong!” takot na sabi ni Remie sa ina.

“Tulungan ninyo kami! Parang awa ninyo na!” sigaw ni Aling Remedios. Napansin naman siya ng asawa ni Aling Marta na nasa ikalawang palapag na rin.

“Aling Remedios, saglit lamang… ililigtas namin kayo,” sigaw ng asawa ni Aling Marta. Gamit ang isang salbabida at panali na hawak ni Aling Marta, sinuong nito ang baha upang mailigtas nang isa-isa sina Aling Remedios at Remie.

Sa awa ng Diyos, humupa na rin ang bagyo at pagtaas ng baha na lagpas-tao. Nailigtas na rin ng mga rescuers ang dalawang pamilya. Labis-labis ang pasasalamat ni Aling Remedios sa pamilya ni Aling Marta dahil sa kabila ng lahat ng pang-aaway niya, nagawa pa rin nitong tulungan sila.

“Kaya nga tayo magkakapitbahay. Sino pa ba ang magtutulungan sa panahon ng pangangailangan kundi tayo-tayo rin?” nakangiting sambit ni Aling Marta kay Aling Remedios.

Iyon na ang naging simula nang malalim na pagkakaibigan sa pagitan nina Aling Remedios at Aling Marta.

More Stories