Si Mama ang Kaligayahan ko

Si Mama ang Kaligayahan ko

FamilyHeartbreakingStories

“Inay naman eh…” naiiyak na sabi ni Sharmaine sa kaniyang inang ulyanin na bigla na lamang dumumi sa salawal habang nakahiga sa kama. Dinala niya ito sa loob ng palikuran upang linisan. Paalis na sana siya upang magtungo sa trabaho subalit naantala ito dahil sa biglaang pagtawag ng inang kalikasan sa kaniyang ina.

Kahit mahal na mahal ni Sharmaine ang kaniyang nililinisan, hindi pa rin niya maiwasang hindi maduwal sa amoy nito. Mabuti na lamang at dumating na ang care taker ng kaniyang ina na nagbabantay rito.

Sa gulang na 34 ay single pa rin si Sharmaine. Halos iginugol niya ang kaniyang buhay sa pag-aalaga sa kaniyang inang may Alzheimer’s disease. Sa kaniya napunta ang responsibilidad sa pag-aaruga sa kanilang ina dahil may kani-kaniya na ring pamilya ang mga kapatid. Wala siyang magawa. Wala siyang pamimilian. Nagbibigay naman sila ng sustento at panggastos para sa check-up ng kanilang ina, subalit ang talagang hands on sa pag-aalaga ay si Sharmaine.

Matapos ang mag-time out sa trabaho, minabuti ni Sharmaine na huwag munang umuwi at makipag-usap muna sa pinaka-close na katrabaho na si Janice sa isang coffee shop. Kailangan niyang may mahingahan ng sama ng loob sa buhay.

“Nagsasawa na ako sa buhay ko, Janice. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto kong masolo naman ang buhay ko, yung ako lang, yung wala akong inaalagaang nanay. Parang gusto ko na lang takasan ang buhay ko ngayon, magpakalayo-layo. Gusto kong sumbatan ang mga kapatid ko,” sabi ni Sharmaine.

“May choice ka naman, Sha. You are already 34. Maganda ka. Matalino. May pera. You can do whatever you want. Pwede mong sabihin sa mga kapatid mo para sila naman ang mag-alaga kay tita. Nabuburn out ka na. May sarili ka namang buhay, Sha,” sabi ni Janice kay Sharmaine.

“Pero hindi ko magawang iwan ang mama. Nakokonsensya ako. Iniisip kong maging masaya pero paano naman ang mama? Hindi pwedeng maiwan siya. Hindi pwedeng ako lang ang masaya,” sagot ni Sharmaine sa kaibigan.

“Eh ano ba ang makapagpapasaya sa iyo?” tanong ni Janice.

Napaisip si Sharmaine. Ano nga ba ang makapagpapasaya sa kaniya? Hindi nasagot ni Sharmaine ang kaibigan. Ipinasya niyang mag-aya nang umuwi.

Habang nagmamaneho pauwi, isang matandang babaeng nakaupo sa isang bangketa at nagtitinda ng lumpia ang nakapukaw ng kaniyang atensyon. Kamukhang-kamukha kasi ito ng kaniyang mama, lalo na ang mga mata nitong nangungusap. Inihinto ni Sharmaine ang pagmamaneho at itinabi ang kaniyang kotse. Bumaba siya at lumapit sa matandang babaeng nagtitinda.

“Nay, magandang gabi ho. Magkano ho ang isang lumpia?” magiliw na tanong ni Sharmaine sa matanda.

“Ineng, dalawang piso ang isa,” nakangiting sabi ng matanda.

“Bibilhin ko na po ang lahat,” sabi ni Sharmaine at inilabas niya ang kaniyang pitaka. Kitang-kita ang pagningning sa mga mata ng matanda.

“Maraming salamat, ineng. Hindi mo alam kung paano mo ako mapasaya. Makakauwi na ako nang maaga at makakapahinga. Kailagan ako ng mga apo ko sa bahay,” pasasalamat ng matandang tindera kay Sharmaine.

“Bakit po kayo nagtitinda sa ganitong dis-oras ng gabi? Nasaan ang mga anak ninyo?” tanong ni Sharmaine sa matanda.

“Iniwan na ako ng mga anak ko ineng. May sari-sarili na silang buhay. Ako na lang mag-isa. Hindi ko na nga alam kung nasaan sila. Malungkot ang buhay ko ineng. Nabubuhay ako para sa sarili ko at ang mga apo ko,” malungkot na kuwento ng matanda kay Sharmaine.

“Iniwan nila sa inyo ang mga anak nila?” tanong ni Sharmaine dahil nabanggit ng matanda na kasama niya sa bahay ang mga apo nito.

“Sila ang aking mga ampon. Mga batang grasa noon na tinanggap ko sa aking bahay ay buhay para naman hindi ako malungkot. Mahirap ang mag-isa. Mahirap at masakit sa pakiramdam na iwan ng mga anak. Kaya ikaw ineng, kung buhay pa ang mga magulang mo, kung buhay pa ang nanay mo, huwag na huwag mo siyang iiwan. Pahalagahan mo ang taong naghirap ng halos siyam na buwan at nagluwal sa iyo,” paalala ng matanda kay Sharmaine.

Napaluha si Sharmaine sa sinabi ng matandang tindera. Bukod sa pagpakyaw sa mga lumpia nito, binigyan pa niya ito ng ekstrang pera. Nagmamadali siyang umuwi. Nanginginig ang kaniyang mga kamay. Pagdating sa bahay, agad niyang pinuntahan ang kaniyang mama sa kwarto nito at umiiyak siyang yumakap dito.

Ipinangako niya sa kaniyang sarili na hinding-hindi na niya iisipin pang iwan ang kaniyang pinakamamahal na mama, kahit isakripisyo pa niya ang sarili. Naalala niya ang tanong sa kaniya ni Janice kung ano ang magpapasaya sa kaniya. Alam na niya ang sagot. Makita lamang niyang masaya at panatag ang mama niya, masaya na siya.

More Stories