Ang Babaeng Bida-Bida

Ang Babaeng Bida-Bida

HeartbreakingKarmaStories

“Iyan na naman ang bida-bida…” bulungan ng mga kasamahan ni Olivia habang siya ay naglalakad patungo sa meeting room.

Hindi nalingid kay Olivia ang sinabi ng kaniyang kasamahan, subalit hindi na lamang niya iyon pinansin. Nagpatuloy siya sa paglalakad patungo sa meeting room upang hindi siya mahuli.

Pagpasok sa meeting room ay naroon na ang lahat. Pag-uusapan kasi nila bilang mga nabotong opisyal sa asosasyon sa kanilang kompanya ang hinggil sa isasagawang team buiding na kinakailangan nilang isagawa tatlong beses sa isang taon.

“Ang pulong na ito ay para sa ating annual team building. Alam naman ninyo na isa ito sa mga inaabangan ng ating mga tao taon-taon kaya kailangang maibigay natin ang pinakamagandang karanasan sa kanila, lalo na para sa mga bago. Gusto ko sanang malaman kung may ideya ba kayo para sa magiging daloy ng palatuntunan?” tanong ng pangulo ng asosasyon na si Pamela sa kaniyang mga kasama.

“May nakahanda na po akong magiging program flow. Ako na po ang bahala riyan,” sabi ni Olivia sa kaniyang mga kasamahan.

“Sigurado kang ikaw na ang bahala?” paniniyak ng pangulo ng asosasyon.

“Opo, ako na ang bahala. Pati sa invitation ako na rin po ako gagawa tutal nasa akin na ang program flow. Itutuloy-tuloy ko na po kaya huwag po kayong mag-alala,” sabi ni Olivia sa kaniyang mga kasamahan.

Marami pang mga tinanong ang pangulo ng asosasyon at lahat ng iyon ay inako ni Olivia. Maya-maya, sumabat ang pangalawang pangulo na si Joross.

“So wala na pala kaming gagawin dito? Wala na kaming silbi? Kinuha nang lahat ni Olivia ang mga gagawin natin. Ano na ang magiging partisipasyon namin?” pagpaparunggit ni Joross kay Olivia.

Taas-noo siyang tiningnan ni Olivia.

“Kinuha ko na po ang lahat para po hindi na kayo mahirapan pa. Hindi po ba kayo natutuwa na wala na kayong gagawin at iintindihin? Ako na po ang bahala sa lahat. Kayang-kaya ko po iyan,” sabi ni Olivia kay Joross.

“Bakit mo naman ginagawa iyan? Para mapalabas na ikaw lamang ang nag-iisip dito at wala kaming mga silbi?” nanggigigil na sabi ni Joross kay Olivia na ikinataas din ng mga mata ng iba pang mga opisyal ng asosasyon.

“Wala akong sinasabing ganyan, pero sige, tutal sa inyo po nanggaling iyan, sige po. Baka nga wala talaga kayong silbi. Kaya pwede po ba huwag ninyo akong galitin? Ginagawa ko po ang trabaho ko nang mabuti at wala po akong nakikitang masama sa ginagawa ko. Ayaw ko po kasi sa mabagal na tao,” huling sabi ni Olivia sabay tayo at walk out.

Totoo naman ang sinasabi ng kaniyang mga kasamahan. Halos lahat ng mga karagdagang gawain sa trabaho ay inaako ni Olivia dahil gusto niyang mapunta sa kaniya ang pagkikilala ng lahat. Ang intensyon niya ay makuha ang atensyon ng lahat at kilalanin siya bilang mahusay na empleyado; nangangarap kasi siya na maging manager. Inaamin niya sa kaniyang sarili na gutom siya sa atensyon at pagkilala. Kaya naman marami sa kaniyang mga kasamahan ang naiinis at nagagalit sa kaniya dahil masyado siyang “competitive”.

“Ikaw na naman ang pinag-uusapan sa kabilang department, friend! Sinagot-sagot mo raw si Joross kanina sa meeting ninyo. Iba ka talaga, friend!” sabi sa kaniya ng kasamahang si Regina.

“Hayaan mo siya. Hanggang ngawa lang naman ang lalaking iyon. Wala naman talaga siyang ginagawa. Saka napakabagal nilang kumilos at mag-isip. Alam mo namang ayaw ko nang ganiyan,” paliwanag ni Olivia kay Regina.

Dahil inako ni Olivia ang lahat ng gawain, at nagkasabay-sabay ang mga tunay niyang gawain, nagkapatong-patong ito. Marami sa kaniyang mga dapat gawin at ipasa ay hindi niya nagagawa dahil sa pag-aasikaso sa team building. Nahirapan siya sa pamamahala sa oras. Lalo siyang pinag-usapan ng kaniyang mga kasamahan. Ayaw niyang humingi ng tulong sa iba dala ng pride.

Dumating ang araw ng team building. Maayos naman itong naisagawa subalit nagkasakit naman si Olivia kaya hindi siya nakasama. Naging malubha ang kaniyang sakit sa baga. Naospital siya dahil bumagsak talaga ang kaniyang katawan sa labis na pagod na kaniyag naranasan. Dinalaw siya ng mga kapwa opisyal sa asosasyon.

“Hayan kasi, napakasubsob mo sa trabaho. Inako mo kasi ang lahat. Dapat matuto kang magtiwala sa mga kasamahan ko. Huwag puro trabaho dahil iisa lang ang buhay natin kaya kailangan din namang magpahinga,” paalala sa kaniya ng pangulo ng asosasyon.

“Yes po, pasensiya na po kayo. Buong buhay po kasi gutom ako sa rekognisyon. Gusto ko napapansin ako kasi hindi ako lumaki sa mga magulang ko, at walang pumapansin sa akin. Naisip ko na galingan ko sa trabaho para naman maramdamam ko na may silbi ako sa lipunan. Nasakripisyo ko na pala ang aking kalusugan,” paliwanag ni Olivia.

Simula noon, hindi na nagbida-bida pa si Olivia. Hinayaan niya ang iba pang mga kasamahang opisyal na gawin ang kanilang nakaatang na tungkulin batay sa kanilang katungkulan. Napagtanto niya na kung magaling talaga ang isang tao, makikita at makikita pa rin ito ng lahat, kaya walang halaga kung magiging “bida-bida” ka.

More Stories