Avatar - Inday Trending

Inday Trending

Maaalala ng Puso ang Hindi Matandaan ng Isip - Inday Trending

Maaalala ng Puso ang Hindi Matandaan ng Isip

Hindi mapakali ang lahat habang naghihintay sa pagmulat ng mga mata ni Sanya. Tatlong araw na kasi itong nakaratay sa ospital matapos ang aksidenteng pagkakabangga ng sasakyan nito. Ang sabi naman ng mga doktor ay bumubuti ang kalagayan niya ngunit nagtataka ang lahat kung bakit magpahanggang ngayon ay hindi pa rin gumigising si Sanya.

Maaalala ng Puso ang Hindi Matandaan ng Isip

Hanggang isang araw ay nagtipon ang lahat ng kanyang pamilya at malalapit na kaibigan upang ipagdasal ang paggising at tuluyang paggaling ni Sanya. At tila isang himala sapagkat matapos ang kanilang ginawang panalangin ay tuluyan na nga itong gumising.

Una niyang hinanap ang kaniyang ina.

“Ma, anong nangyari. Bakit ako nandito sa ospital?” pagtataka ni Sanya.

“Naaksidente ka, anak. Pang-apat na araw mo na rito sa ospital. Bumangga ang kotse mo nang papunta ka raw sa isa mong kliyente,” kwento ng ina. “Alalang-alala kami sa’yo ng papa mo at ni Drake. Akala namin ay kung ano na ang nangyari sa’yo,” dagdag pa ng ina.

“Kliyente? Anong ibig nyong sabihin ma?” naguguluhang wika ni Sanya. “Hindi ba nasa kolehiyo pa lamang ako? Saka bakit mag-aalala sa akin si Drake? Alam nyog mortal na kaaway ko ‘yang lalaki na ‘yan! Siya ba ang dahilan ng pagkaaksidente ko?” pagtataka pa niya.

Maaalala ng Puso ang Hindi Matandaan ng Isip

“H-hindi. Ikaw ang nagmamaneho ng sinasakyan mo. Ano ba ang nangyayari sa iyo, anak? Wala ka bang maalala sa lahat?” natatarantang wika ng ginang. “Sampung taon na anak simula nang makatapos ka ng kolehiyo,” pahayag ng kanyang ina.

Laking gulat ni Sanya nang marinig ito mula sa bibig ng kanyang ina. Kahit anong pilit niya ay wala siyang maalala sa mga sinasabi nito.

Nang suriin siya ng doktor ay napag-alamang may amnesia si Sanya bunga ng matinding pagkakabagok ng kaniyang ulo mula sa aksidente. Hindi alam ng mga ito kung mayroon pang pag-asa na bumalik ang kanyang ala-ala.

Samantala, malaki ang pagtataka ni sa tuwinang pagdalaw sa kaniya ng kaniyang mortal na kaaway na si Drake. Madalas kasi siyang inisin noon ni Drake noong sila ay nasa kolehiyo pa lamang. Kaya naman hindi maatim ni Sanya na makasama ang ginoo.

“Drake, anong ginagawa mo rito? Alam mo sa totoo lang tingin ko ay ikaw ang may kasalanan ng pagkaaksidente ko,” wika ni Sanya.

“O baka naman gusto mo lang makita ako sa ganitong kalagayan! Masaya ka na ba ngayon?” bulalas pa nito.

Maaalala ng Puso ang Hindi Matandaan ng Isip

“Masama bang dalawin ka? O ito, pinagdalhan kita ng pansit. Ang dapat sa’yo ay kumain ka ng maliwanagan ‘yang utak mo. Baka sa tagal mong natutulog ay nawalan na ‘yan ng sustansya kaya hindi ka na makaalala pa,” pang-iinis ni Drake.

“Ibang klase ka rin, ano? Nakuha mo pang gawing katatawanan ‘tong nangyari sa akin,” nayayamot na tugon naman ni Sanya.

“Tama na ang daldal, Sanya. Kumain ka na nitong pansit na dala ko,” giit ni Drake habang iniaabot ang dala niyang supot.

“Anong pansit ba ‘to? Baka pansit kanton ito ha,” saad niya.

“Miki-bihon ‘yan. Pinalagyan ko ng konting sabaw. Alam kong hindi ka kumakain ng pansit kanton, Sanya,” wika ni Drake.

Laking pagtataka ni Sanya sapagkat tanging ang pamilya lamang niya ang nakaalam na hindi siya kumakain ng pansit kanton. At tanging sila lamang din ang nakakaalam ng gusto niyang luto sa miki-bihon.

Dahil dito ay naisip ni Sanya na baka nagkabati na rin sila ni Drake. Baka kasamahan niya ito sa trabaho o hindi naman kaya isang kliyente.

“Drake, paano mo nalaman ang tungkol sa pansit? Malapit na ba tayo sa isa’t-isa? Ano ba talaga kita? Humingi ka na ba ng tawad sa akin sa lahat ng pang-aasar mo at naging magkaibigan na tayo?” sunud-sunod na tanong ni Sanya.

Sinagot lamang siya ng ginoo ng tango at matamis na ngiti.

Dahil sa kundisyon ni Sanya ay nagdesisyon ang kaniyang mga magulang na iuwi muna siya sa kanilang tahanan.

“Ma, ganoon nyo na po ba akong gusto mawala rito at ang silid ko ay ginawa niyo nang bodega?” pabirong wika ni Sanya.

Maaalala ng Puso ang Hindi Matandaan ng Isip

“Anak, kasi limang taon ng nakakalipas ng umalis ka sa aming poder at nagsarili,” paliwanag ng ina.

“Ganoon po ba? Saan po ako nakatira?” tanong ng anak.

“Nakatira ka sa isang bahay malapit sa trabaho mo,” tugon ng ina.

Bigla na lamang sumakit ng matindi ang ulo ni Sanya nang pilit niyang alalahanin ang sinasabi ng kaniyang ina. Kaya itinigil muna ng kaniyang ina ang pagkukwento at pinagpahinga ito.

Pagkagising niya ay nariyang muli si Drake at naghihintay sa kanya. Nais ng ginoo na tulungan ang mga magulang ni Sanya sa pag-aasikaso rito. Nagbabakasali rin na matulungan niyang maalala ni Sanya ang lahat ng tungkol sa kanya.

Hindi umalis sa tabi ni Sanya si Drake. Dahil naging palagay na rin ang loob ni Sanya sa ginoo ay hinayaan na niya itong pumasok sa kanyang buhay kahit pa wala siyang naaalala kundi ang pag-aaway nila noong kolehiyo.

Napagtanto kasi niya na sa likod ng lahat ng pang-aasar na ginawa sa kanya ni Drake ay mabuti pala itong tao.

Hindi nagtagal ay naghulog ang loob ni Sanya kay Drake at hindi niya inaasahan na sa kanyang pag-amin ay agad siyang aayain ng ginoo na magpakasal.

Ilang buwan ang nakalipas at pinaghandaan ng dalawa ang kanilang pinapangarap na kasal, isang garden wedding. Habang nasa harap ng pari at binibitawan ni Drake ang kanyang mga pangako sa mapapangasawa ay may ibinigay siyang isang kahon sa asawa.

Agad itong binuksan ni Sanya sa harap ng lahat. Laking gulat niya ng makita ang isang larawan nila ni Drake na nakapangkasal.

“Hindi ko matandaan ang larawan na ito,” sambit ni Sanya.

“Sanya, limang taon nang kuha ang larawan na iyan. Limang taon na rin ang nakalipas ng magpakasal tayo,” sambit ni Drake.

Maaalala ng Puso ang Hindi Matandaan ng Isip

“Hindi ko inamin sa’yo ang tunay nating relasyon sapagkat sinabi ng doktor ay baka along makakasama sa iyo kung bibiglain ka namin sa mga impormasyon. Kaya napagdesisyunan kong hintayin na lang ang pagbabalik ng alaala mo.

Ngunit hindi na ako makapaghintay kaya ginawa ko na lamang ang lahat upang mahulog muli ang loob mo sa akin, at nagpapasalamat ako sapagkat iyon nga ang nangyari. Mahal na mahal kita, Sanya. At gagawin ko ang lahat upang maalala mo na ako ang mahal mo,” sambit ni Drake.

Hindi napigilan ni Sanya ang kanyang mga luha. Hindi niya akalain na titibok ang kaniyang puso sa pangalawang pagkakataon ngunit sa parehong tao. Lalo niyang minahal si Drake dahil sa pinakita nito.

Tuluyan ng ikinasal muli ang dalawa. Iniuwi na ni Drake si Sanya sa kanyang tahanan. Laking gulat muli ni Sanya na malamang isa rin pala siyang magaling na designer ng mga wedding gowns. Kahit na hindi na tuluyang bumalik ang kanyang alaala ay masaya pa rin sina Sanya at Drake sapagkat isa muli itong pagkakataon upang bumuo sila ng mga bagong alaala na magkasama.


Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!


More Stories

Disclaimer: Ang mga kwento ni Inday Trending ay kathang-isip lamang. Ang mga nabanggit na pangalan, karakter, negosyo, lugar, pangyayari at mga insidente ay maaaring produkto lamang ng imahinasyon ng may-akda. Anumang pagkakapareho sa sinumang nabubuhay o pumanaw na personalidad at aktwal na pangyayari ay nagkataon lamang.

Photos: Ang mga larawang ginamit ay mga stock photos o mga propesyunal na mga larawang binili ng may akda para sa komersyal na layunin. Ang mga ito'y ginamit upang makapagbigay ng mas malinaw na representasyon ng mga karakter at mga pangyayari sa kwento.