Inday TrendingInday Trending
Ang Kwento ng Mabuting Guro

Ang Kwento ng Mabuting Guro

“Nathan, bagsak ka na naman sa asignatura mo. Ilang beses ko nang itinuro sa iyo ito, hindi ba?” sambit ng gurong si Mrs. Cruz sa batang si Nathan.

“Mamaya ay maiwan ka sa klase. Huwag ka munang umuwi at kailangan kitang makausap,” dagdag pa ng guro.

Nasa ika-anim na baitang na ang batang si Nathan sa mababang paaralan sa kanilang lugar. Madalas ireklamo ng ibang mga guro kasi itong si Nathan sapagkat madalas siyang hindi makaunawa sa kanilang klase. Malimit din kung siya ay pagalitan lalo na ng kaniyang guro sa agham na si Mrs. Cruz.

Kilalang istriko ito at masungit. Kaya naman lahat ng estudyante niya ay takot sa kaniya. Lahat ay tahimik na nakatuon at nakikinig kapag siya ay nasa harapan na. Kaya ganoon na lamang ang pagtataka ng guro sa batang si Nathan.

“Halika nga dito bata ka. Umupo ka riyan. Hindi ka ba nakikinig sa mga itinuturo ko, Nathan?” mariing tanong ni Mrs. Cruz sa estudyante.

“Ilang beses na nating napag-aralan ang takdang ito. Ngunit hanggang ngayon ay bagsak ka pa rin sa mga pagsusulit! Hindi ka ba nag-aaral sa bahay niyo?” muling tanong ng guro.

Ngunit nakyuko lamang si Nathan at hindi umiimik, tila natatakot na mas lalo pa siyang kagalitan ng guro.

“Nathan, sumagot ka sa mga itinatanong ko sa’yo. Paano ko malalaman ang dahilan ng pagbagsak mo kung hindi mo naman ito sasabihin sa akin. O kung gusto mo ay ibagsak na lang talaga kita kagaya ng ibang mga guro mo,” pananakot ni Mrs. Cruz.

“Ganito na lang, Nathan. Sabihin mo sa nanay mo na kailangan ko siyang makusap bukas dito sa paaralan. Papuntahin mo siya sa akin bukas, maliwanag ba?”

“M-ma’am, huwag na po. Sasagutin ko na po kayo ngayon basta huwag nyo na lang po ipatawag ang nanay ko,” natatakot na tugon ni Nathan.

“Kailangan din naman naming mga gurong makausap ang nanay mo kaya papuntahin mo na rin bukas dito. Kung takot ka palang makagalitan ng nanay mo ay dapat ay ginalingan mo sa pag-aaral,” wika ng guro.

“Hindi po sa ganon, Ma’am Cruz. Hindi po magagalit ang aking ina. Ayaw ko lang po na ipatawag pa siya sapagkat ayaw ko pong bigyan siya ng sama ng loob. May sakit po ang nanay ko. At pagkatapos po ng eskwela ay sumasama po ako sa tatay ko at nagkakargador po ako sa palengke upang makatulong sa panggastos namin,” paliwanag ni Nathan.

“Ito po ang dahilan kaya hindi na po ako nakakapag-aral sa aming bahay. Sapagkat patang-pata na po ang katawan ko na umuuwi sa gabi. Pagdating ko naman po rito sa eskwela ay lumilipad ang aking isipan sa kakaisip kung paano maitatawid ng aking ina ang araw-araw na mga gamot niya. Patawarin nyo na po ako, Ma’am. Mula po ngayon ay sisikapin ko na pong mag-aral ng mabuti,” umiiyak na sambit ng bata.

Nahabag si Mrs. Cruz sa tinuran ng bata. Hindi niya lubos akalain na sa murang edad nito ay katuwang na pala siya ng kaniyang mga magulang sa trabaho. Dahil sa pag-amin na ginawa sa kaniya ni Nathan ay hindi na pinatawag pa ni Mrs. Cruz ang magulang ng bata.

Kinabukasan ay tinawag muli ng guro si Nathan upang magpaiwan sa silid matapos ang kanilang klase.

“Nathan, kung gusto mo talagang tumaas ang marka mo ay kailangan mong paglaanan ng panahon ang pag-aaral,” wika ng guro. “Gusto kitang tulungan sa puntong iyan. Pagkatapos ng klase mo ay maiiwan ka rito upang matutukan kita sa pag-aaral mo. Lalo na sa mga asignaturang nahihirapan kang intindihin,” wika ni Mrs. Cruz.

“Maraming salamat po, ma’am. Nais ko man pong paunlakan ang magandang solusyon na iyan ay hindi ko po magagawa sapagkat kailangan ko pong kumayod para sa pambili ng nanay ko ng gamot,” sambit ni Nathan.

“Alam kong sasabihin mo ‘yan sa akin. Tutumbasan ko ang isang daang pisong kinikita mo sa pagkakargador sa palengke. Ngunit sa isang kundisyon. Kailangan ay araw-araw mong masagot ng tama ang mga asignaturang pag-aaralan natin,” saad ng guro.

Laking gulat ni Nathan sa sinabi ng kanyang guro kaya agad siyang pumayag. Nagpaalam siya sa kanyang ama na magpapaiwan siya sa klase tuwing tanghali upang personal siyang maturuan ni Mrs. Cruz.

Malaki ang naging pagbabago sa mga marka ni Nathan simula nang gawin sa kaniya ni Mrs. Cruz ang personal na pagtuturo rito. Hindi sinukuan ng guro ang bata hanggang sa ito ay lubusang matuto. Dito napagtanto ng guro na hindi pala talaga mahina ang ulo ni Nathan kung hindi wala lamang sa pokus ang bata.

“Matalino ka, Nathan. Ipangako mo sa akin na kahit kailan ay hindi ka hihinto ng pag-aaral at lalo mo pang pagbubutihin sapagkat ito ang tanging daan sa magandang kinabukasan. Narito lamang ako kung kailangan mo ng tulong,” sambit ng guro.

Hindi nagtagal ay nakatapos na ng elementarya si Nathan. Laking pasasalamat niya sa kaniyang guro sa lahat ng tulong nito sa kaniya. Samantala dahil na rin sa mga kumplikasyon na bunga ng malalang sakit ng kaniyang ina ay binawian na ito ng buhay. Dahil dito ay nangarap si Nathan na makapagtapos ng pag-aaral. Ginawa niya ang lahat upang makakuha siya ng iskolarship sa magagandang paaralan. Baon niya sa kaniyang pagpupursige ang mga aral sa kanya ni Mrs. Cruz.

Makalipas ang ilang taon, habang nagtuturo si Mrs. Cruz sa kaniyang silid-aralan ay bigla na lamang nanikip ang dibdib nito at bumagsak. Mabuti na lamang ay may mga gurong nakatanaw ng pangyayari kaya nadala agad siya sa ospital.

Sa ospital ay halos bawian na ito ng buhay. Mabuti na lamang ay isang magaling na doktor ang tumingin sa kanya at agad nagsagawa ng isang maselan na operasyon. Nang magising ang guro ay agad niyang nasilayan ang nakangiting doktor na nagbabantay sa kanya at tila hinihintay siyang magising.

Nang sabihin kay Mrs. Cruz ang nangyari sa kanya mula sa pagkakabagsak nito hanggang sa pag-opera sa kaniya ay laking pasasalamat niya sa Panginoon sa pangalawang buhay na naibigay sa kanya.

Lubusan din ang pasasalamat niya sa doktor na sumuri at nag-opera sa kanyang puso upang tuluyan na siyang gumaling.

“Maraming salamat sa’yo, dok. Binigay ka sa akin ng Panginoon upang madugtungan pa ang aking buhay,” sambit ng matandang guro.

“Ginawa ko lang po ang lahat ng aking makakaya sapagkat alam ko pong maraming batang tulad ko noon ang nangangailangan ng inyong tulong at gabay,” sambit ng doktor.

Tinitigan ni Mrs. Cruz mabuti ang doktor. Saka niya napagtanto na ito na pala ang batang si Nathan. Laking tuwa niya ng malamang nagtagumpay na pala ito sa buhay.

“Ako nga po ito, Ma’am. At wala po ako ngayon dito sa inyong harapan bilang isang doktor kung hindi po dahil sa gabay ninyo. Maraming salamat po sa hindi ninyo pagsuko noon sa akin. Bilang kabayaran po sa lahat ay hindi nyo na po kailangan pang magbayad dito sa ospital sapagkat sasagutin ko na po itong lahat. Hindi ninyo po alam kung anong ginawa ninyo sa buhay ko. Maraming salamat po,” dagdag pa ni Dok Nathan.

Napaluha na lamang ang guro sa narinig niyang magandang balita. Lalo siyang nagkaroon ng inspirasyon upang lalong tumulong sa kanyang mga estudyante.

Patuloy na gumaling si Mrs. Cruz mula sa kanyang karamdaman at hindi nagtagalay nakalabas na din ito ng ospital. Pagkatapos ng tatlong buwan ay muli itong bumalik sa paaralan at nagturo.

Baon pareho nila Mrs. Cruz at Nathan ang inspirasyong ibinigay nila sa isat-isa.

Advertisement