
Ipinagbili ng Ginang na Ito ang Kaniyang Anak na May Kakaibang Pilat sa Mukha; Sa Pagdaan ng Panahon ay Muli pala Silang Magkikita
Hindi na natapos ang kalbaryo ni Edna. Matapos ang siyam na buwang pagbubuntis niya sa kaniyang anak, ngayon ay namomroblema naman siya sa pagpapalaki rito. Hindi niya naman gustong magkaanak. Talaga lang hindi niya naiwasan noon ang pagbubuntis, dahil pumalya ang kaniyang pangontra.
Nagtatrabaho kasi bilang isang bayarang babae si Edna sa isang bahay-aliwang malapit lang sa kaniyang tinitirahan. Kaya naman malaking dagok para sa kaniya nang magbunga ang isang gabing pagpalya ng proteksyon niya sa kaniyang trabaho. Halos ilang buwang walang makuhang kostumer si Edna dahil sa kaniyang kalagayan, lalo na nang malapit na siyang manganak. Hindi naman niya magawang magpatulong ulit sa isang dating kumadronang marunong mag-alis ng bata sa sinapupunan. Paano ay makailang ulit na rin siyang nagpatulong dito noon, at sa pagkakataong ito ay tumanggi na ang naturang kumadrona dahil anito’y napakanipis na daw ng kaniyang matr*s. Wala tuloy siyang nagawa kundi ang buhayin na lamang ang bata, kahit pa labag iyon sa kaniyang kalooban.
“Kung hindi sana dahil sa batang ’to, matagal ko nang nabili ang gusto ko! Dahil dito, naubos ang perang inipon ko ng ilang buwan para doon!” naiinis na ani Edna habang nakatitig sa litrato ng isang may kamahalang bag at mga kolorete sa mukha na noon pa niya sana gustong bilhin. Ilang beses na nga niyang iniyakan ito, buhat nang malaman niyang buntis siya.
“May solusyon ako sa problema mo, sis!” maya-maya ay singit naman ng kaniyang kaibigan at kasama sa bahay na si Sherly. Kapareho niya rin itong nagbebenta ng aliw.
“At ano naman ’yon?” nakataas ang kilay na tanong niya naman.
“May kakilala akong mag-asawa na naghahanap ng batang mabibili, dahil hindi sila magkaanak. Baka gusto mong ibenta na lang ’yang baby mo, tutal ay mukhang ayaw mo naman d’yan,” suhestiyon pa nito na agad-agad ay nakapaghatid naman ng malaking ngiti sa labi ni Edna.
“Aba, gusto ko ’yan! Sige. Sabihin mo, ibebenta ko ’tong batang ’to!” mabilis niyang sagot na ni hindi man lamang iyon pinag-isipan.
Ibinenta niya sa halagang singkuwenta mil ang kaniyang anak at ni hindi man lamang siya nakonsensiya sa kaniyang ginawa. Sa katunayan ay masayang-masaya siya ngayon dahil sa wakas ay mabibili na niya ang pinakaaasam na luho!
Lumipas ang mga taon at nagpatuloy sa pagiging bayarang babae si Edna. Ngunit habang tumatagal ay tila ba tinutubuan siya ng konsensiya, lalo na nang sa wakas ay magkaroon na siya ng asawang tatanggap sa kaniyang pagkatao, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na siya magkaanak pa, dahil bumigay na ang kaniyang matr*s. Bigla ay naalala niya ang anak na kaniyang ibinenta noon para lang makabili siya ng luho. Iniisip niya kung kumusta na kaya ito o ’di kaya’y, kilala kaya siya nito?
Nasasaktan si Edna na isiping hindi niya na ito kasama o hindi na kailan man makikita pang muli. Sa totoo lang ay pinagsisisihan niyang ipinagpalit niya ito sa salapi. Dalawampung taon na ang lumipas at dalawampung taon na ring tila may kung anong malaking biyak sa puso ni Edna na kailan man ay hindi niya alam kung paano pupunan. Ngayon niya napagtatantong sadyang mabilis lang palang mawala ang kaligayahan ng tao lalo na kung ang pinagmumulan nito ay galing lamang sa materyal na bagay.
Nawawalan na ng pag-asa si Edna na muli niyang makakadaupang palad ang kaniyang anak, ngunit nabuhayan siya ng loob nang isang araw ay makasalubong niya ang mga taong pinagbilhan niya noon sa kaniyang anak! Hindi naman sila tumangging ipinakita sa kaniya ang kaniyang anak na ngayon ay bente anyos na…
“A-anak, ako ang tunay mong ina,” pagpapakilala niya sa dalagang kamukhang-kamukha niya. Hindi maikakailang anak niya ito dahil halos lahat ng detalye sa kaniyang mukha ay nakuha nito.
“Alam ko po,” sagot naman ng dalaga. “Lingid sa kaalaman ng mga magulang ko noon ay hinanap ko kayo nang palihim, dahil ayaw kong masaktan sila at isiping nagkukulang sila sa akin kaya kita hinahanap. Pero ang totoo, gusto ko lang naman talagang malaman kung bakit mo ako ipinagbili noon, at nalaman ko rin ang tunay na dahilan kung bakit,” malamig na dugtong pa ng dalaga at hindi naman nakasagot si Edna.
Gusto sana niyang magpaliwanag sa kaniyang anak ngunit paano niya gagawin ’yon gayong totoo naman ang lahat ng ito? Ibayong sakit sa puso ang naramdaman niya matapos nitong sabihin mismo sa kaniyang mukha na hindi siya nito tinatanggap bilang tunay na ina. Iyon pala ang pinakamasakit na karmang naghihintay kay Edna. Ngayon ay wala na siyang ibang magawa kundi umasang darating pa rin ang araw na mapapatawad siya nito, kahit papaano.