Inday TrendingInday Trending
Hinamak ng Babaeng Ito ang Lalaking Nakikipagkilala sa Kanila sa Isang Kainan; Mapapahiya pala Siya Kapag Nalaman ang Tunay Nitong Pagkatao

Hinamak ng Babaeng Ito ang Lalaking Nakikipagkilala sa Kanila sa Isang Kainan; Mapapahiya pala Siya Kapag Nalaman ang Tunay Nitong Pagkatao

“Anak, may bisita ka.” Napabalikwas nang bangon si Danica mula sa kaniyang higaan matapos siyang tawagin ng kaniyang ina.

Pagkatapos ay kunot-noo niya itong tinanong. “Sino po?”

“Si Kelly, anak. Ang sabi, yayayain ka raw gumala, e. Tingin ko, dapat sumama ka naman sa kaibigan mo, anak. Ngayon ka na lang magbabakasyon, e. Magliwaliw ka. Hindi ’yong puro trabaho na lang ang inaatupag mo,” sagot naman ng kaniyang ina.

Napaisip si Danica, ngunit maya-maya ay napatango rin. “Sige po. Pakisabi po, mag-aayos lang ako.” Pagkasabi niya n’on ay lumabas na ng kwarto ang kaniyang ina upang asikasuhin ang kaibigan niyang si Kelly.

Matagal nang magkaibigan sina Kelly at Danica, kahit pa nga napakamagkaiba ng kanilang mga personalidad ay nagkasundo pa rin sila. Iyon nga lang, minsan ay hindi nila maiwasang hindi mag-away lalo na sa tuwing hindi sumasang-ayon si Danica sa mga desisyon ni Kelly sa buhay. Happy-go-lucky kasi ito. Tamad, dahil laki sa layaw. Madalas ay ginagamit nito ang kaniyang ganda upang makuha ang lahat ng kaniyang gusto, habang si Danica naman ay masipag at madiskarte sa buhay.

Umalis nga ang dalawang magkaibigan nang araw na ’yon. Nagtungo sila sa isang kainan upang doon ay makapag-bonding sila, lalo pa at ayon kay Kelly ay marami raw umiistambay doon na mayayamang lalaki. Kahit pa wala namang halaga kay Danica ang mga ’yon ay hindi na lamang niya kinontra si Kelly dahil baka pagmulan pa ’yon ng kanilang away.

Maya-maya pa, kasabay ng pagdating ng order ng magkaibigan ay isang lalaki rin ang lumapit sa kanila. Simple lamang ang suot nito at hindi mukhang mamahalin, tulad ng ibang mga kalalakihang naroon din sa lugar, ngunit napakaguwapo nito, para kay Danica.

“Magandang araw sa inyo,” paunang bati ng lalaki. Ngunit nang akmang iaabot na nito ang kamay kay Danica upang makipagkilala ay tinampal ’yon ni Kelly.

“Excuse me, p’wede bang huwag kami ang guluhin mo? Hindi kami nag-i-entertain ng mga ‘cheap’ na kung sino-sino lang dito!” masungit na anito sa lalaki na bigla namang napakunot ang noo.

“M-makikipagkilala lang sana ako, dahil ngayon ko lang kayo nakita rito,” katuwiran naman ng lalaki.

“E, ano naman ngayon? Umalis ka nga sa harapan namin!” ngunit muli ay sigaw ni Kelly.

“Kelly, ano ka ba! Bakit naman binabastos mo ’yong tao?” sa inis ay bulong ni Danica maya-maya sa kaibigan, pagkatapos ay hinarap nito ang lalaki. “Pasensiya ka na, ha? Mainit lang ang ulo ng kaibigan ko. Ako nga pala si Danica. Nice to meet you.”

Naipaikot na lamang ni Kelly ang kaniyang mga mata nang makitang pinaupo ni Danica sa kanilang mesa ang naturang lalaki.

“Bahala ka, Danica. Mag-enjoy ka na muna kasama ang cheap na lalaking ’yan, habang ako naman ay naghahanap ng mayayamang p’wede nating i-date. Huwag kang masiyadong pakasaya, dahil baka kahit simpleng inumin ay hindi ka mabilhan ng lalaking ’yan, ha?” pahaging pa ni Kelly sa nasabing lalaki bago pa siya tumayo at akmang maghahanap ng makaka-date sa lugar na ’yon, ’tulad ng lagi niyang ginagawa. Napailing na lamang si Danica.

Hindi pa man tuluyang nakakaalis si Kelly sa puwesto nila ay isang serbidor ang lumapit sa kanilang kinalalagyan. Dahil doon ay napalingon siyang muli…

“Sir, dumating na po ’yong mga stocks na hinihintay natin. Gusto n’yo po bang tingnan muna?” tanong nito sa lalaking nakipagkilala sa kanila kanina. Nagtaka naman si Kelly sa narinig. Tinawag itong ‘sir’ ng isa sa mga serbidor at tila dito sila humihingi ng permiso…

“Mukhang kailangan ko munang i-excuse ang sarili ko, Danica. Babalik din ako,” paalam nito sa kaniyang kaibigan, ngunit muli itong bumalik nang may maalala ito. “Hindi pa nga pala ako nakakapagpakilala…ako nga pala si Anjo, ako ang may-ari ng lugar na ito. Kaya itong mga in-order n’yo ay sagot ko na. Ako nang bahala. Maraming salamat sa pagpunta sa restaurant ko,” nakangiti pang paalam nito na parehong ikinabigla nina Kelly at Danica.

Hiyang-hiya si Kelly nang malaman kung sino ang nasabing lalaki, habang si Danica naman ay namangha. Dahil doon ay hindi na kinaya pa ni Kelly at nagpasiya na lamang siyang iwanan muna ang kaibigan upang mag-enjoy ito kasama ang lalaking hinusgahan niya kanina. Ayaw naman ni Kelly na sirain ang araw nito. Ngunit isang leksyon para sa kaniya ang pangyayaring ito na siguradong hindi niya agad malilimutan.

Advertisement