Mabigat na Kamay ni Ina

“Mama! Tama na po! Ayoko na po! Hindi na po ako magsusumbong kay papa! Mama naman!” sigaw ni Fey habang iniinda ang bawat hampas ng sinturon ng kaniyang ina.

“Sinabi ko naman sa’yong huwag mo akong gagalitin, diba?” tanong ni Aling Alma sa kaniyang anak habang nakaamba ang sinturong hawak.

“O-opo, mama, tama na po!” nangangatal na sagot ng kaniyang anak ngunit hindi niya ito inimik, pinagpatuloy niya pa rin ang paghampas sa kaniyang anak gamit ang kaniyang sinturon.

“Pero anong ginawa mo? Nagsumbong ka pa rin! Sinabi nang itikom mo na lang ‘yang bibig mo para hindi ka masaktan! Gusto mo ata talagang masaktan, eh!” sambit niya pa habang palakas ng palakas ang hampas sa katawan ng anak. Halos hindi na ito makaiyak dahil sa sakit.

“Hindi po, mama! Aray ko po! Tama na po!” pagmamakaawa pa nito.

Solong anak ni Aling Alma ang dalagang si Fey. Ngunit kahit pa dalaga na ito at nasa tamang pag-iisip na, palagi niya pa rin itong pinagbubuhatan ng kamay sa tuwing magsusumbong ito sa kaniyang ama na may ginagawa siyang anumalya.

Menor de edad pa lang siya nang ipagbuntis niya ang anak dahilan upang sa ngayon, hanap-hanapin niya ang buhay ng isang dalaga lalo na kapag na destino sa malayong lugar ang asawa niyang sundalo.

Halos lahat na ata ng kalokohang magagawa nagawa na niya, nakikipag-inuman kung kanino man at uuwi kinabukasan, nakipagsiping sa mas bata sa kaniya, at higit pa doon, winawaldas niya sa mga lalaki ang perang ipinapadala ng kaniyang asawa na talaga nga namang hindi na makayanan ng kaniyang anak na ilihim sa kaniyang ama.

Advertisement

Madalas kasi itong naiiwang mag-isa sa bahay at palaging sumasaktong siya ang nakakasagot ng tawag ng ama. Noong una’y hirap siyang aminin ang ginagawa ng ina, ngunit noong pati ang perang pambayad sana sa martikula niya ay ginamit na ng kaniyang ina sa panlalalaki, doon na siya nagkalakas ng loob na isuplong ito. Kaya nga lang, matinding bugbog ang kaniyang natanggap na halos hindi na makilala ang kaniyang mukha.

Kinagabihan, matapos mabugb*g ni Aling Alma ang anak, dumiretso siya sa bahay ng isa niyang kaibigan. Katulad ng nakasanayan, nag-inuman sila doon kasama ang ilang lalaki na halos ilang taon ang bata sa kanila. Nauwi iyon sa maruming gawain na nakasanayan na rin nila.

Kinaumagahan paggising niya, nakita niya ang selpon ng binatang nakasiping niya, may litrato ito ng kaniyang anak at maraming tawag na hindi nasagot mula dito. Nataranta siyang magbihis ngunit huli na ang lahat, nasa pintuan na ang kaniyang anak at halos hindi makaiyak sa sakit na nararamdaman.

Dali-dali itong tumakbo, alam niyang magsusumbong na ulit ito sa kaniyang asawa dahilan upang hilahin niya ang buhok nito at sabunutang maigi.

“Subukan mo lang na magsumbong, Fey, buhay mo ang kapalit!” panakot niya rito habang hiklat-hiklat ang buhok nito.

“Ayos lang na mawala na ako sa mundong ito basta’t masumbong ko lang kay papa ang kababuyan mo! Hindi ka na nahiya, pati ba naman nobyo ko!” sagot naman ng dalaga na dahilan upang mas lalo siyang magalit.

“Ah, ganon?” ‘ika niya, saka niya mas hinigpitan ang pagkakasabunot sa anak. Laking gulat niya namang gumanti na rin ito ng sabunot dahilan upang mahulog sila sa hagdan.

Ngunit hindi niya inaasahan ang mga sumunod na nangyari. Dahil nga sa pagkahulog, napapikit siya at pagdilat niya, duguan na ang ulo ng kaniyang anak at wala na ring malay.

Advertisement

“Fey!” sigaw niya dahilan upang maalarma lahat ng taong nandoon at dalhin ito sa ospital.

Ganoon na lamang ang kaba niya sa sitwasyon ng anak. Hindi siya lubos makapaniwalang nagawa niyang madala sa peligro ang buhay ng anak para lamang sa kaniyang mga bis*yo.

Doon siya tila natauhan, mataimtim siyang nanalangin na sana umayos na ang lagay ng kaniyang anak. Ilang oras lang ang nakalipas, nalaman na niyang maayos na raw ang lagay ng dalaga dahilan upang umangos na siya papunta sa silid nito.

Agad niyang niyakap ang dalaga, mangiyakngiyak niyang pinagmasdan ang mga latay at pasa sa buong katawan nito at halos hindi siya makapaniwalang siya ang may gawa nito.

“Pasensya ka na, anak, pasensya na,” hikbi niya, laking gulat niya namang sumagot ito ng dahan-dahan.

“Kay papa ka mas may malaking kasalanan, tawagan mo siya at humingi ka ng tawad,” ‘ika nito.

Sinunod niya nga ang anak, umamin siya sa asawa at ganoon na lamang ang galit nito. Ngunit ‘ika niya, “Kailangan kong pagbayaran lahat ng kasalanan ko, kaya ayos lang magalit sa’kin ang asawa ko, huwag lang mawala ang anak ko,” at doon na siya nagpasiyang magbago.

Unti-unti niyang itinigil ang mga bisyo kasabay ng matinding pag-aalaga sa kaniyang anak. Labis naman ang saya nito kahit pa nadurog ng ina ang kaniyang puso.

Advertisement

Hindi naman kalaunan, tuluyan nang napatawad ng asawa niya si Aling Alma, ganon rin ang kaniyang anak. Wala nang mas sasaya sa kaniyang malamang malinis na muli ang kaniyang puri.

Madalas nagagalit tayo kapag tayo’y nasusuplong. Nawa’y isaisip nating ginagawa lamang ito ng mga taong nasa paligid natin upang bigyan tayo ng aral.