Crush ng Bayan Noon, Kalbo na Ngayon

“Grabe, Zeika, ang ganda talaga ng buhok mo, ano? Tingnan mo, unat na unat tapos itim na itim ang kulay! Saan ka nagpaayos ng buhok? Saka, magkano, gusto ko rin ng ganyan!” sambit ni Sani sa kaniyang kaibigan nang minsan silang muling magkita sa isang mall.

“Naku, Sani, hindi pa ako nagpapaayos na buhok! Kahit paunat man o pakulay, balak ko pa lang. Nagsasawa na kasi ako sa ganitong itsura ng buhok ko, eh. Gusto ko namang masubukang maging kulot ang buhok ko saka kulay abo!” tugon naman ni Zeika habang isinasaisip ang magiging itsura niya kapag naging ganoon ang kaniyang buhok.

“Talaga? Maganda nga ‘yon! Pero mas maganda kung ganyan na lang ang buhok mo, baka mamaya, madisgrasya pa ‘yang maganda mong buhok!” babala sa kaniya ng kaniyang kaibigan ngunit tila hindi niya ito kinibo.

“Gusto ko lang naman masubukan, kung hindi bagay sa akin, ipapabalik ko sa ganitong itsura,” ‘ika niya dahilan upang sumang-ayon na lamang ang kaniyang kaibigan at maya-maya’y nagpaalam na.

Kilala bilang “Crush ng Bayan” ang dalagang si Zeika. Bukod kasi sa napakagandang mukha at kinis ng balat nito, napakaganda rin ng mahabang buhok nito na talaga nga namang nakakaakit kung titingnan. Sa katunayan nga, palagi siyang kinukuha bilang model ng ilang mga sikat na produkto ng shampoo o conditioner at pinapalabas pa sa telebisyon.

Ngunit tila nais niyang ipabago ang kaniyang buhok. Pakiramdam niya kasi, nakakasawa na siyang tingnan dahil simula noong nasa hayskul pa lamang siya hanggang sa ngayong nagtatrabaho na siya, hindi man lang nagbago ang kaniyang itsura.

Noong araw na ‘yon din, agad na umuwi ang dalaga upang ipaayos na sa isang salon ang kaniyang buhok.

Nanghihinayang ang mga empleyado rito na galawin ang kaniyang buhok at makailang ulit siyang tinanong kung gusto niya ba talagang ipagalaw ang kaniyang buhok at ang tanging sambit niya, “Oo, sigurado ako, sige na, sayang ang oras!”

Advertisement

Kaya naman, agad na itong sinimulang ayusin ng mga parlorista. Makailang beses kinukayan ang kaniyang buhok dahil hindi makuha-kuha ang kulay na nais niya at noong makuha na ang kulay na nais niya, agad na siya itong pinakulot.

Lalong gumanda ang dalaga sa kaniyang bagong ayos na buhok. Lalong dumami ang nais magtangkang manligaw sa kaniya lalo na sa kaniyang kumpanyang pinagtatrabahuhan. Laking tuwa naman ng kaniyang kaibigan nang makita muli siya sa isang kainan.

“Nakapatindi mo talaga, Zeika! Ang ganda-ganda mo lalo! Bagay na bagay sa’yo ang kulay abo at kulot na buhok! Parang gusto na rin kitang ligawan!” biro ni Sani habang hinahawak-hawakan ang kaniyang buhok.

“Hoy, magtigil ka, babae ka!” birong tugon niya saka sila tuluyan pang nagkuwentuhan. Nagkayayaan rin silang lumuwas ng Maynila bukas upang makapaggala-gala sa Intramuros.

Ngunit pagkauwi niya ng bahay kinagabihan, paghawi niya ng kaniyang buhok, may mga hibla ng buhok na sumama sa kamay niya. Doon na siya nagsimulang mag-alala kaya naman agad niyang sinubukang kausapin ang salon na nag-ayos ng buhok niya ngunit nasunog pala ito kaninang umaga lamang. Kinumbinsi niya ang sarili, “Zeika, huwag ka mag-alala, konting buhok lang naman yun nalagas, baka nanibago lang ang anit mo,” saka niya muling hinagod ang buhok at laking tuwa niyang wala nang sumamang buhok dito dahilan upang mahimbing na siyang makatulog.

Kinaumagahan paggising niya, agad siyang dumaretso sa banyo, huli na siya nagising at siguradong mahuhuli na siya sa usapan nila ng kaniyang kaibigan.

Ngunit pagbuhos niya ng tubig sa kaniyang ulo, laking gulat niya nang para bang tubig na lumagpak sa sahig ang kaniyang mga buhok.

Agad niyang pinunasan ang buhok at tinignan ang sarili sa salamin sa may sala. Halos hindi siya makapaniwalang isang kalbong babae ang kaniya na ngayong repleksyon at patuloy pang nanlagas ang kaniyang buhok.

Advertisement

“Hindi maaari!” sigaw niya habang kinakapa-kapa ang kaniyang ulo na mayroon na lamang kaunting hibla ng buhok.

Mangiyakngiyak niyang tinawagan ang kaibigan. Halos humagulgol siyang ikinumpisal sa kaibigan ang nangyari. Agad siyang pinuntahan nito sa kaniyang bahay. Hindi rin ito lubos makapaniwala sa kaniyang kinahinatnan.

Nagpasiya silang pumunta sa isang kilalang pagamutan na may kinalaman sa anit at buhok. Doon nila nalamang masyado pa lang maraming kemikal ang nailagay sa kaniya dahilan upang malagas ang kaniyang buhok.

Ganoon na lamang ang pagsisi niya lalo pa noong malamang tatlong taon pa ang lilipas bago siya muling tubuan ng buhok ngunit hindi na iyon sigurado.

Iyak siya nang iyak sa kaibigan, ika niya, “Sana nakuntento na lang ako sa natural kong buhok!”

Lumipas ang ilang taong palaging nakasumbrero ang dalaga. Unti-unting bumaba ang kaniyang tiwala sa sarili. Laking pasasalamat niyang nandiyan ang kaniyang kaibigan na talaga nga namang hindi siya iniwan.

Pagkalipas ng apat na taon, tuluyan nang tumubo ang kaniyang buhok at simula noon, nangako na siya sa sariling makukuntento na lamang sa mga bagay na mayroon siya.

Natural sa talaga sa tao ang maghangad ng labis. Ngunit mag-ingat ka, pagkat ang paghahangad ng labis ay maaaring magdala sa’yo sa kapahamakan at pagsisisi.