Pambayad Utang

Pambayad Utang

FamilyKarmaStories

Tila modelo ng isang perpektong maybahay si Mabel. Maasikaso siya sa kaniyang asawa at dalawang anak. Gumigising ito ng maaga upang ipaghanda ng masusuot at agahan ang kaniyang mag-aama. Malinis at maaliwalas palagi ang kanilang tahanan. Dagdag mo pa riyan ang kanilang maliit na hardin. Halos lahat na ng pinapangarap mong ugali ng isang maasikasong asawa ay nasa kanya na.

Kaya ganoon na lamang ang kanyang pagtataka kung bakit walang tigil sa pambababae ang kaniyang asawa.

“Umamin ka na Mando, nakita ka raw ni Mareng Josie kagabi at kasama mo na naman si Gina?!” umiiyak na sambit nito sa kaniyang mister. “Ano ba ang nakita mo sa babaeng ‘yon? Anong klaseng pag-aasikaso ba ang ginagawa niya sa’yo na hindi ko kayang gawin, Mando? Bakit kailangang gawin mo sa akin ito ng paulit-ulit?” patuloy sa pagluha si Mabel.

“Iyan ang hindi ko maintindihan sa’yo, Mabel, ikaw na rin ang nagsabi na paulit-ulit na. Bakit hindi ka na lang masanay? Huwag ka na lang pumutak diyan nang hindi ka samain sa akin. Pabayaan mo na ako sa ginagawa ko sapagkat hindi naman ako nagkukulang sa pagbibigay ko sa inyo ng mga anak mo!” sigaw ni Mando.

“Hindi ka na nahiya sa ginagawa mo, Mando! Bakit kailangan mo pang ipangalandakan ang relasyon mo kay Gina? Alam ng lahat na sa bar mo lang nakuha ang babaeng ‘yan,” pahayag ng ginang, “Hindi mo ba naiisip ang mga anak mo? May anak kang babae. Paano kung gawin din sa kaniya ang ginagawa mo sa akin? Saka paano ang anak mong lalaki? Magandang halimbawa ba ‘yang pinapakita mo sa kanya?” sambit pa niya sa mister.

Wala kang pakialam kung saan ko gustong kumuha ng babae, Mabel, dahil salapi ko naman ang ginagastos ko. Tigilan mo na ako sa kakatalak mo dahil nauubusan na ako ng pasensya sa’yo! Kung hindi mo kayang tanggapin ang pakikipagrelasyon ko sa iba ay makakalayas ka na!” sigaw ni Mando.

Kahit na hindi na masikmura ni Mabel ang ginagawang panloloko sa kanya ng kanyang asawa ay wala siyang magawa. Hindi siya makaalis sa sa kanilang relasyon sapagkat ayaw niyang lumaki ang kanilang mga anak na hiwalay ang mga magulang.

Nagpatuloy ang mga gawaing ito ni Mando. Kung sinong babae na lamang ang kanyang kinakabit. Kahit na anong gawin ni Mabel ay tila hindi na magbabago pa ang kaniyang mister. Kabi-kabila ang mga babae ni Mando. May pagkakataon pa nga na iniuwi mismo ni Mando sa kanilang bahay ang kanyang babae.

“Napakakapal ng pagmumukha mo! Hindi mo na talaga ako nirespeto, Mando! Pati sa pamamahay ko ay dinadala mo ang kahayupan mo. Hindi mo man lang naisip ang mga bata!” sambit ng ginang. “Tumatanda kang paurong Mando,” saad muli ni Marlyn.

Habang tumatanda si Mando ay unti-unti na rin niyang napagtanto na wala na sa ayos ang kaniyang ginagawa. Mabuti na lamang at muli siyang tinanggap ng kaniyang asawa. Ilang taon ang nakalipas at nagsilakihan na ang kanilang mga anak at nagsipag-asawa. Nang dalawin nilang mag-asawa ang kanilang panganay na anak ay laking gulat nila may isang babae na nagiiskandalo sa labas ng bahay nito.

Doon nila nalaman na isang kabit lamang pala ang kanilang anak na babae. At ang babaeng nagiiskandalo sa labas ay ang tunay na asawa. Labis na kahihiyan ang naging bunga nito sa kanila sapagkat rinig ng lahat ng kapitbahay ang pangyayari. Napag-alaman pa ni Mando na hindi lamang pala unang beses na naging kabit ang kanyang panganay na anak.

“Bakit mo nagawa ang bagay na ito, anak?” tanong ni Mando sa anak.

“Lumaki ako na nakita kong tama ito, ‘tay. Wala po akong pakialam sa sasabihin ng iba basta masunod ko lamang po ang nararamdaman ko para sa kinakasama ko kahit na may pamilya pa siya. Hindi ko na inalintana kahit na nakakasira na ako ng pamilya sapagkat mali man ito ay tama naman ang nararamdaman ko para sa kanya,” paliwanag ng panganay na anak.

Samantalang makalipas ang isang taon ay niyanig ang mag-asawa ng balita tungkol sa kanilang bunsong anak na lalaki. Nagpat*wakal daw ito sapagkat hindi niya matanggap na ang kanyang asawang kanyang unang pag-ibig ay matagal ng may relasyon sa iba.

At sa araw pa mismo ng kaniyang kaarawan ay hiniwalayan siya nito upang sumama na sa ibang lalaki.

Gumuho ang mundo ni Mang Mando. Napagtanto niya na tila pambayad utang sa lahat ng kasalanan ang kaniyang mga anak. Sising-sisi si Mang Mando sa kaniyang mga maling nagawa. Lubusan ang paghingi niya ng tawad sa kanyang pamilya. Hindi niya matanggap ang sinapit ng dalawa niyang anak.

Hindi niya lubusang akalain na hindi sa kanya tatama ang karma kung hindi sa kanyang mga anak. Napagtanto niya na masakit pala sa magulang at kahit sino na makita mo ang iyong mga anak sa ganitong sitwasyon. Gusto man niyang sisihin ang sarili ay wala na itong magagawa sapagkat tuluyan nang nasira ang buhay ng dalawa niyang anak.

More Stories