Cum Laude Ka Lang?

“Mama, tingnan mo yung mga test papers ko, o! Isa lang mali ko sa bawat exam!” buong pagmamalaking ‘ika ni Raya sa kaniyang inang nadatnan niyang nagluluto.

“May isa kang mali?! Hindi mo ba kayang i-perfect ang mga exam mo?” iritableng sambit nito dahilan upang mawala ang mga ngiti ng dalaga sa kaniyang mga labi.

“Eh, mama, ako na nga po ang pinakamataas sa klase namin, eh. Sabi nga po ng prof namin, malaki po ang tiyansang maging cum laude ako. Hindi ka po ba masaya doon?” paliwanag niya sa ina, nagsimula nang gumilid ang kaniyang luha sa kaniyang mga mata.

“Hindi! Cum laude lang? Eh, yung pinsan mo nga laging walang mali sa exam at magiging summa cum laude! Tingin mo sasaya ako doon? Wala kang kwenta!” sagot nito saka hiklat ang mga hawak niyang test papers saka ito initsa sa basurahan.

“Pasensya po, ito lang ang nakayanan ko,” tugon niya matapos imisin ang mga test papers na mamasa-masa na.

Lumaking malayo ang loob sa ina ang dalagang si Raya at ngayong may isip na siya, tila nais niyang mapalapit sa kaniyang ina, ngunit tila malabo atang mangyari ‘yon.

Bata pa lamang siya, tila palagi na siya nitong kinukumpara sa kaniyang mga pinsan o kung hindi naman, sa mga anak ng kumare dahilan upang labis siyang magpursigi sa kaniyang pag-aaral, alam niya kasing magagawa ng kaniyang ipagmalaki na siya sa wakas kapag naging mataas ang kaniyang grado sa paaralan, lalo na ngayong nasa kolehiyo na siya.

Ngunit kahit pa sa loob ng halos apat na taon niya sa kolehiyong palaging matataas ang kaniyang mga nakukuhang marka, palagi pa ring may nasasabi ang kaniyang ina dahilan upang palagi siyang panghinaan ng loob.

Advertisement

Noong araw ‘yon, labis na pinanghinaan ng loob ang dalaga. Halos hindi siya natulog para lamang makuha ang mataas na iskor na ‘yon at para sa kaniyang ina, hindi pa rin pala ito sapat.

Iyak lamang siya nang iyak sa kaniyang silid, saka niya naisipang tapusin na ang kaniyang buhay.

“Tutal, wala naman akong nagawa na ikakasaya ng mama ko, mas mabuti na sigurong mawala na lang ako,” sambit niya saka umakyat sa isang silya’t inilusot ang kaniyang ulo sa lubid na nakatali sa isang poste ng kaniyang kwarto, sinipa na niya ang silyang tinutuntungan, buo na ang loob niyang magpakatiwa*kal, ngunit biglang bumukas ang kaniyang silid at ang huling narinig niya na lamang ay ang sigaw ng kaniyang ina.

Nagising na lamang siyang nasa ospital na, nilibot niya ang kaniyang mata at nakita niyang nakatanaw ng malayo sa bintana ang kaniyang ina, tinawag niya ito at nagmadali itong lumapit sa kaniya.

Mangiyakngiyak siyang pinagmasdan nito habang hawak-hawak ang kaniyang kamay na labis niyang ikinagulat. Buong akala niya’y papagalitan siya nito o pagbubuhatan ng kamay ngunit nagulat siya nang umiyak na lamang ito at mahigpit siyang niyakap.

“Pasensya ka na sa akin, anak ko. Alam kong malaki ang pagkukulang ko sa’yo. Alam ko ring ginagawa mo ang lahat para lamang makuha ang atensyon at pagmamahal ko sa’yo, pasensya ka na kung hindi man lang kita naipagmalaki noon kahit na kapagmalaki-malaki ka. Pasensya na, hayaan mo akong bumawi, anak. Hindi ko makakayanang mawala ka sa’kin!” wala na siyang ibang nasabi sa ina, napunan ng pagmamahal ang kaniyang puso sa unang pagkakataon. Mahigpit niya itong ginantihan ng yakap sa unang pagkakataon.

Ginawa nga ng kaniyang ina ang lahat upang makabawi. Simula noong pagkakataong iyon, hanggang sa muli siyang pumasok sa paaralan, palagi siya nitong inaasikaso, kinukwentuhan ng kung ano-anong karanasan niya sa buhay at higit sa lahat sa tuwing may makakasalubong silang kakilala nito, buong puso nitong pinagmamalaki ang kaniyang mga tagumpay sa buhay na talaga nga namang nakapagpataba nang lubos ng kaniyang puso.

Nagtuloy-tuloy ang ganitong klase ng relasyon nila hanggang sa makapagtapos na siya ng pag-aaral bilang isang cum laude.

Advertisement

“Mama, pasensya ka na, ha? Hindi ako summa cum laude,” sambit niya sa ina matapos siyang sabitan nito ng medalya.

“Naku, anak, ang swerte-swerte ko nang nakapagtapos ka ng pag-aaral ng may parangal. Huwag kang mag-alala, patuloy na akong hahanga sa’yo!” sambit ng kaniyang ina na labis na nakapagpaiyak sa kaniya. Ganoon na lamang ang sayang nararamdaman niya dahil sa wakas, tuluyan na siyang napalapit sa kaniyang ina.

Bilang mga magulang, responsibilidad nating iparamdam sa ating mga anak ang ating pagmamahal. Nawa’y huwag na nating hayaang isipin pa nilang tapusin ang kanilang buhay upang mapansin lamang natin sila.