Ang Puno ay Siyang Bunga

Bully, maldita at matapang ang ugali ni Ellane, kaya naman kinatatakutan siya sa kaniyang school na pinapasukan. Maraming mga kapwa niya estudyante ang ilag at lumilipat dahil sa mga hindi matawarang salitang ibinabato sa kanila ng labindalawang taong gulang na si Ellane sa tuwing siya ay kanilang babanggain.

“Tabi!” malakas na pagkakasigaw ni Ellane kasama ang mga kaibigan sa isang bagong estudyanteng si Luisa. Sa takot ni Luisa ay agad itong tumabi saka hinayaang dumaan ang magkakaibigan.

Naririnig na ni Luisa ang bali-balitang bully si Ellane bago siya lumipat sa Estero National Highschool. Huling taon na sana niya sa dating pinapasukang eskwelahan bilang highschool student nang napilitan ang pamilya niyang lumipat sa Piñahan dahil naroon ang bagong trabaho ng kaniyang ama bilang call center agent. Isa nga sa pinakamalapit na school sa tinitirahan nilang bahay ay ang Estero Highschool.

Hindi man niya ugali magpatalo ay kailangan niya munang makisama sa mga bagong kapwa na makakasalamuha. Muling naglakad si Luisa at hinanap ang silid na magiging section niya.

Habang hinahanap ang section A ay napansin niyang may gulo sa tapat ng isang classroom.

“Hindi ka pa rin nagtatanda, ano? Tanga ka pa rin! Bobitang pangit.” Nakita ni Luisa kung paano itulak at hayaang mapasubsob sa tiles ang kawawang kamag-aral. Maraming nakatingin ngunit kahit isa ay wala yatang gustong tumulong sa umiiyak nang kaklase.

Naglakas-loob si Luisa na lumapit sa pinangyarihan at itayo ang inaalipustang kapwa bata niya.

“Okay ka lang?” mahinang tanong ni Luisa nang makatayo na sila pareho.

Advertisement

“At sino ka naman?” maarteng tanong ni Ellane.

“Pwede bang tigilan mo na ang pangbubully? Pwede kang ireklamo kapag hindi mo ‘yan itinigil,” may tapang na saad ni Luisa kay Ellane. Isang mahinang tawa naman ang pinakawalan ni Ellane bago nagsalita.

“Bagong salta ka lang kaya umayos ka!” Matapang na ani Ellane kay Luisa at pinakatitigan ito ng matalim. “Be careful, hindi mo ako kilala.” Umalis ang grupo nila Ellane pero bago iyon ay isang malakas na sanggi ang ginawa ni Ellane kay Luisa na naging dahilan upang mabuwal ito.

Madaling natapos ang buong maghapon ni Luisa sa bago niyang school. Naging magkaklase sila ni Ellane at nalaman niyang ito pala ang running for valedictorian.

Umuwi siya sa bahay na napapabuntong-hininga sapagkat alam niyang ilang buwang girian ang kaniyang sinimulan sa pagitan nila ni Ellane.

Lumipas ang mga araw… Araw-araw, nakikita ni Luisa ang ugali ng magkakaibigang Ellane, Cathy at Mikee.

Dumating ang araw ng pagpapalabas ng resulta ng exam. Kasama ang kani-kanilang mga magulang ay ipinamigay ng kanilang adviser na si Mrs. Glenda Castillo ang card ng bawat estudyante.

“And I want to congratulate our top 1 for first grading, Luisa Monzano.” Malakas na palakpakan ang narinig ni Luisa. Matamis na halik naman ang kaniyang naramdaman galing sa mahal niyang ina.

Advertisement

“Top 2 is Ellane Villar,” anunsyo ng gurong si Mrs. Castillo.

Mabilis na natapos ang seremonya para sa mga batang nagpakitang gilas sa klase. Pansin ni Luisa na kanina pa halos naiiyak si Ellane sa hindi niya malamang dahilan kaya naman nang makahanap siya ng tiyempo ay kinausap niya ito.

“Congrats nga pala,” pagbati niya ngunit nilampasan lang siya nito. Sinundan niya ito ng tingin at doon niya nakita ang pasimpleng pananakit ng sarili nitong ina.

Matapos ng awarding ay hindi na pumasok si Ellane. Kataka-taka dahil hindi nito ugali ang lumiban kaya naman naisipan niyang puntahan ito sa sariling tahanan upang tanungin ito kung ano na ang kaniyang lagay.

Hindi pa man siya nakakalapit ay rinig na rinig niya ang sigawan at hagulhul sa loob ng maliit at sira-sirang kubo.

“Hindi ka papasok! Ang bababa ng grado mo tapos papasok ka pa? Napakabobo mo! Katangahang siguradong sa balasubas mong ama namana.” Halos manikip ang dibdib ni Luisa sa narinig. Kailanman ay hindi niya naranasang makarinig ng ganoon mula sa kaniyang mga magulang.

“Tao po!” Buong lakas niyang katok sa mumunting bahay ng kaniyang kaklaseng si Ellane.

Tumambad sa harapan ni Luisa ang ‘di mapanawang itsura ng ina ni Ellane walang wala kumpara sa anak nitong mukhang anak mayaman kapag pumapasok.

Advertisement

“Nariyan po ba si Ellane? Ipinatatanong lang po ni Teacher Glenda kung bakit hindi siya pumapasok?” Magalang na pakikipag-usap ni Luisa.

“Sabihin mo hindi na siya papasok. Hindi na dapat pa pinapapasok ang mga bobong tulad ni Ellane.” At muling isinara nito ang pinto ngunit bago iyon ay nakita niyang umiiyak si Ellane at may ilang pasa sa katawan.

Naawa siya para sa kaklase kaya naman ipinaalam niya ito sa kaniyang guro na agad rumesponde at sinagip ang kawawang kaklase sa pagmamalupit ng kaniyang ina.

Simula noon, natigil sa pangbubully si Ellane. Naging matalik silang magkaibigan at dumating ang panahon na sabay silang nagsipagtapos. Si Luisa bilang valedictorian at salutatorian naman si Ellane—na hindi na kailanman tutularan pa ang kaniyang ina.