Kinabwisitan ng Dalagita ang Tindera ng Sampaguita; Bigla Siyang Nahabag nang Umiyak ang Kasama Nitong Bata

Kinabwisitan ng Dalagita ang Tindera ng Sampaguita; Bigla Siyang Nahabag nang Umiyak ang Kasama Nitong Bata

HeartbreakingInspiringStories

Alas-siyete na nang umaga nang magising si Lilie. Late kasing tumunog ang alarm clock niya kaya bwisit na bwisit siya. Kailangan pa naman niyang pumasok nang maaga sa eskwelahan dahil gagawa pa siya ng homeworks. Hindi niya iyon naasikaso kagabi dahil tinapos pa niya ang research paper na mas importante niyang gawin.

“Nakakainis talaga! Ano’ng oras na ako makakarating sa school? Pupunta pa ako sa library,” inis na sabi ni Lilie sa sarili.

Nagmamadali siyang umalis. Nakalimutan na nga niyang kumain ng almusal. Nakasakay naman agad siya sa jeep. Maya-maya ay tumunog ang cell phone niya. Dali-dali niya iyong sinagot nang makita kung sino ang tumatawag.

“Hello, Ma?”

“Lilie, anak, huwag mong kakalimutan ‘yung ibinilin ko sa iyo, ha? Dumaan ka sa simbahan at ibili mo ako ng hilaw na mangga sa suki kong si Aleng Dandeng. Kilala mo naman siya, ‘di ba? ‘Yung dati nating kapitbahay,” sabi nito sa kabilang linya.

Napabuntong-hininga na lamang si Lilie. Pagkatapos na makipag-usap sa ina ay inis na inis niyang ini-off ang cell phone.

“Anak ng tokwa, kung kailan na nagmamadali ako, saka pa ako inutusan ni mama,” bulong niya sa isip habang nagkakamot sa ulo.

Kahit alas-nuwebe pa ang oras ng klase niya ay gigil na gigil pa rin si Lilie. Mukhang malabo siyang makapasok nang maaga dahil sa mama niya. Kapag sinabi kasi ng mama niya na gusto nito ng hilaw na mangga ay walang makapipigil dito. Kailangan niyang sundin ang utos nito na bumili ng paborito nitong mangga kundi ay kagagalitan siya nito. Sarap na sarap kasi ang mama niya sa itinitindang mangga ng suki nito na nakapuwesto sa labas ng simbahan ng Sto. Domingo.

Kahit masama ang loob ay bumaba na sa jeep si Lilie. Nasa harap na siya ng simbahan.

“Nasaan na kaya ang aleng iyon para makabili na ako ng mangga at makaalis na?” bulong niya sa sarili.

Nang biglang may kumalabit sa kaniya.

“Ineng, ineng, bili ka na sa akin ng sampaguita!” sabi ng payat na ale na may kasamang batang babae na sa tantiya niya ay nasa apat o limang taong gulang.

“Sorry po, pero hindi ako bibili!” maikli niyang tugon.

“Sige na, ineng, bilhin mo na itong sampaguita ko!”

“Pasensya na, hindi talaga ako bibili!” wika niya sa malakas na boses.

“Pakiusap, ineng. Kahit isa lang, bilhin mo na itong tinda ko!”

Sa sobrang kulit ng babae ay nag-umpisa na siyang mabwisit.

“Hindi nga po ako bibili! Bakit ba ang kulit niyo? Ayoko nga!” anas niya.

Natahimik ang babae ngunit biglang umiyak ang kasama nitong bata.

“Inay, nagugutom na po ako!”

Hinaplos ng tindera ang pisngi ng bata na anak pala nito.

“Kaunting tiis na lang anak at makakabenta rin si nanay.”

“Pero, gutom na po ako, eh!”

Hindi na napigilang maluha ng tindera habang pinapatahan ang umiiyak na anak.

“Pasensya na talaga, anak. Kapag nakabenta na si nanay, may pambili na tayo ng pagkain.”

Biglang nahabag si Lilie sa nakita niya. Sa isip niya ay napakasuwerte pa rin niya dahil hindi siya kinakapos sa pagkain dahil may magandang trabaho ang kaniyang mama at papa samantalang ang tinderang ito ay kailangang pang magtinda ng sampaguita para may maipambili ng pagkain.

Dahil naawa siya sa mag-ina ay pinakyaw niya ang tindang sampaguita ng babae. Ibinigay rin niya ang baong tinapay at juice sa anak nito.

“Sige na, kainin mo na ‘yan para mabusog ka na,” sabi niya sa bata.

“Naku, maraming salamat, ineng! Wala pa kasi akong benta kanina kaya hindi ko mabilhan ng pagkain itong anak ko. Hindi naman nagpapautang ang mga tindera rito ng pagkain kaya hindi ako makalapit sa kanila,” wika ng babae.

Walang anuman po. Bilib nga ako sa inyo dahil lahat ay gagawin niyo para sa inyong anak. Isa po kayong dakilang ina.”

“Thank you po!” nakangiting sambit ng bata na tumigil na sa pag-iyak.

Pagkatapos bumili ng manggang pinabili ng mama niya ay nagmamadali na siyang umalis at sumakay sa jeep. Kinawayan pa siya ng bata nang lingunin niya ito.

Ilang minuto na lamang bago mag-alas nuwebe, pero nakagawa pa rin siya ng mga homework niya. Kahit kaunti lang ang oras niya para gawin iyon ay masaya pa rin si Lilie dahil ang mahalaga ay nakatulong siya sa kaniyang kapwa.

More Stories