Nanlumo ang Lalaki Dahil Ipinahiya Siya ng Dalaga; Ipinagpasalamat pa Niya ang Ginawa Nito Kalaunan

Nanlumo ang Lalaki Dahil Ipinahiya Siya ng Dalaga; Ipinagpasalamat pa Niya ang Ginawa Nito Kalaunan

FamilyInspiringStories

Palakaibigan at magaling makisama si Leo kaya wala siyang problema sa mga kasamahan niya sa opisina.

“Hoy, pareng Leo, iinom kami mamayang uwian. Sama ka sa amin, ha?” tanong ni Devon na malapit niyang kaibigan.

“Sige, pare. Sasama ako!”

Madali rin siyang yayain sa mga lakaran kaya paborito siyang kasama ng mga katrabaho niya sa mga gimikan.

Isang araw, nagulat siya dahil may bagong empleyado sa kanilang opisina. Isang magandang babae na nagtataglay ng kakaibang karisma. Bukod sa napakagandang kutis ay mapupungay rin ang mga mata nito, may matangos na ilong at mapupulang mga labi kaya madaling nakuha ng dalaga ang atensyon ng mga kalalakihan sa kanlang opisina. Maging si Leo ay napahanga rin nito.

“Ang ganda talaga ni Dorina, ‘no? Napakasuwerte naman ng boyfriend niyan,” sabi ni Leo na ‘di napigilang purihin ang babae.

“Ang balita ko’y wala pang boyfriend si Dorina, pare. Single and ready to mingle siya!” sagot ni Devon.

“Totoo ba? Sa ganda niyang iyon ay wala pa siyang boyfriend?”

Dahil may paghanga siya sa dalaga ay naisip niyang yayain itong lumabas kasama ang mga iba pa niyang kaibigan.

“Hi, Dorina!” bati niya sa babae.

Imbes na batiin din siya nito, sinimangutan pa siya ng bagong ka-opisina.

“Teka muna, may nasabi ba akong hindi mo nagustuhan?” tanong niya rito.

Pinagtaasan siya ng kilay ni Dorina.

“Wala. Wala ka namang sinabing hindi ko nagustuhan. Ang ayoko lang ay sa mga lalaking baduy na ngang manamit, may ‘luga’ pa sa tainga. Linisin mo nga muna iyang tainga mo bago ka humarap sa akin, kadiri! Ew!” mataray na sabi ng dalaga.

Nanlumo sa sobrang pagkapahiya si Leo sa sinabi ni Dorina. ‘Di niya akalaing napansin nito ang pananamit niya at ang ‘luga’ niya sa tainga. Baduy naman talaga siyang pumorma at aminado siya roon ngunit ang ibunyag pa nito ang tungkol sa tainga niya ay labis na nakakapagdamdam sa kaniya. Wala siyang kamalay-malay na narinig pala ng ka-opisina niyang si Marilou ang pagpapahiya sa kaniya ni Dorina. Si Marilou ang babaeng may lihim na pagtingin kay Leo. Nagmagandang loob ito na tulungan siya sa problema niya.

“Leo, narinig ko ang sinabi sa iyo ni Dorina. Ito ang kailangan mong gawin para mawala ang nasa tainga mo…”

Ibinulong sa kaniya ng babae ang solusyon sa problema niya.

“S-salamat, Marilou. Hayaan mo at susundin ko ang mga payo mo.”

Pagkaraan ng isang linggo ay muling binati ni Leo ang maganda nilang kasamahan sa trabaho.

“Hi, Dorina!”

Kumurap-kurap pa ang babae nang masilayan ang lalaki. Napakaguwapo ni Leo sa suot na kulay asul na polo shirt at itim na pantalon. Nagpagupit din ito ng buhok. Napansin din ni Dorina na wala na ang dumi sa tainga ng lalaki at malinis na iyon.

“A, eh, hi, Leo. Ang guwapo mo naman ngayon. Napansin ko na wala ka na ring…”

“Luga? Wala na, Dorina. Salamat kay Marilou dahil tinulungan niya ako kung paano gamutin ang sakit ko sa tainga. Sige, Dorina, sabay kasi kaming magla-lunch ni Marilou, eh.” buong pagmamalaking sabi ni Leo sa kaharap.

Naiwang nakatulala si Dorina. ‘Di niya inakala na napakaguwapo pala ni Leo nang inayos nito ang pananamit. Pinagsisihan tuloy niya ang ginawang pagpapahiya noon sa lalaki.

“Maraming salamat, Marilou!” sambit ni Leo sa dalaga.

“Para saan?”

“Dahil tinulungan mo ako,” sagot ng lalaki. “Dahil dumating ka sa buhay ko. Nalaman ko na may hihigit pa pala kay Dorina,” saad pa niya sa isip.

“Wala ‘yon! Halika na at kumain na tayo! Sabi mo ililibre mo ako dahil tinulungan kita,” todo-ngiting tugon ni Marilou.

Masaya silang kumain na magkasama. Mula noon ay naging malapit na sila sa isa’t isa.

Malaki ang pasasalamat ni Leo dahil kundi siya pinahiya ni Dorina ay hindi niya malalaman na napakabuti palang babae ni Marilou. Kundi siya nilait ng dalaga ay hindi niya makikilala ang totoong katauhan ng babaeng nakalaan para sa kaniya. Si Marilou pala ang babaeng totoong nagpatibok sa puso niya, ang babaeng minahal siya kung anumang pagkatao mayroon siya at ang babaeng nagpaalala sa kaniya na ang pag-ibig ay darating sa hindi inaasahang pagkakataon.

Naging masaya ang relasyon nina Leo at Marilou. ‘Di nagtagal ay nagpasya na rin silang magpakasal at bumuo ng sariling pamilya.

More Stories