Isang Haunted House ang Naisipang Pasukin ng Magbabarkada; ‘Di nila Akalaing Kapahamakan Pala ang Dulot nito sa Kanila

Isang Haunted House ang Naisipang Pasukin ng Magbabarkada; ‘Di nila Akalaing Kapahamakan Pala ang Dulot nito sa Kanila

KarmaMysteryStories

“Ano, mga pare? Game ba kayo?” nakangising tanong ni Nikolai sa mga kaibigang sina Marco at Warren matapos nilang mapag-usapan ang tungkol sa pagbisita sa isa sa nakakatakot na bahay sa ka kanilang lugar. Ang kilalang haunted house sa tabi ng sementeryo.

Napangiwi siya nang makitang tila nagdadalawang isip pa ang dalawa niyang kaibigan kung sasama nga ba ang mga ito o hindi.

“Huwag ninyong sabihing naduduwag kayo?” humahalakhak pang pambubuska niya sa dalawa, “sinasabi ko sa inyo, mga tsong! Hindi totoo ang haka-haka tungkol sa abandonadong bahay na ʼyon. Kaya lang naman nakakatakot ʼyon ay dahil walang nakatira, pagkatapos nasa tabi pa ng sementeryo!” dagdag na pangungumbinsi pa ni Nikolai kina Marco at Warren.

“Sigurado ka ba, pare? Ang iniisip ko kasi, baka ikapahamak natin ang pagpunta roʼn. Alam mo namang delikadong lumabas-labas sa panahon ngayon kapag gabi, hindi ba?” alinlangang pa ring ani Marco kay Nikolai.

“Oo nga. Mamaya nʼyan, kung hindi mga multo at kung anu-anong elemento ang makita natin, baka naman mga tirador ng ipinagbabawal na gamot ang makasalubong natin doon,” pagsang-ayon pa ni Warren kay Marco.

Pumalatak si Nikolai. “Ano ba naman kayo, mga pre? Hindi ʼyan! Ako ang bahala sa inyo. Basta, maghanda kayo ng flashlights at snacks nʼyo, dahil doon tayo mags-sleep over ngayong gabi.”

Ngising-ngisi si Nikolai. Paanoʼy siguradong dudumugin ng viewers ang videos na ia-upload niya kung sakaling maging successful ang gagawin nilang sleep over mamaya sa pinakanakakatakot na bahay sa kanilang lugar. Gusto niya kasing patunayan sa mga manonood na hindi naman talaga dapat katakutan ang bahay na iyon. Isa pa, tiyak na mabenta ang mga ganoong tema ng content sa Youtube kaya naman bilang isang pasikat na vlogger ay gagawin niya ito.

Ganoon na nga ang nangyari. Nagkita-kita silang tatlo sa labas ng hunted house upang isagawa ang sleepover nila ngayong gabi bilang content ng kanilang video.

Ingit pa lang ng pagbukas ng pintuan ng bahay ay talagang kinilabutan na si Marco at Warren. Si Nikolai naman ay tinawanan lang ang mga kaibigan.

“So, tara. Mag-set-up na tayo ng mahihigaan natin dito!” masigla pang aniya sa dalawa.

Matapos iyon ay sinimulan na rin niyang mag-set ng camera sa mga sulok ng bahay. May built-in camera ding nakakabit sa kanilang mga damit, just in case na mawalan ng power ang isa.

Kabado man sina Marco at Warren ay naging maayos naman ang unang tatlong oras na pananatili nila sa lugar. Tahimik ang bahay dahil nga malapit ito sa sementeryo. Tanging ang mga tunog ng mga dumaraang sasakyan sa katabing kalsada, at mga huni ng ipis at daga dahil sa kalumaan ng bahay ang naririnig nila.

Ngunit nang sumapit ang ika-tatlo ng hating-gabi, doon na nag-umpisa ang kanilang kalbaryo.

“Bakit parang lumalamig dito?” maya-maya ay naitanong ni Marco sa mga kasama.

“Sus, guni-guni mo lang ʼyon!” agad namang kontra ni Nikolai, kahit ang totoo ay kanina niya nga napapansin ang pagbabago ng temperatura sa lugar.

“Guys, umuwi na lang kaya tayo?” nahihintakutang sabi naman ni Warren ngunit agad iyong tinutulan ni Nikolai.

“Huwag nga kayong duwag! Kalalaki nʼyong tao, ganiyan kayong dalawa! Kung gusto nʼyong umuwi, lakad. Iwanan nʼyo ako rito. Mga duwag!” pang-iinsulto pa ni Nikolai sa kanila.

Nasa ganoong sitwasyon si Nikolai nang mapansin niyang tila nanlalaki ang mga mata ng dalawang kaibigan. “Oh? Bakit para kayong nakakita ng multo?” natatawang reaksyon niya.

Itinuro ng dalawa ang kaniyang likuran at nang siya ay lumingon, halos maihi siya sa sariling salawal nang makita ang isang babaeng nakaputi sa kaniyang tabi!

Sumigaw ang magbabarkada at nagtatakbo pababa sa first floor ng bahay upang makalabas ngunit hinabol sila ng babaeng nakaputi na ang mahaba at maitim na buhok ay natatabon sa kaniyang mukha.

Hindi pa man tuluyang nakabababa ang tatlo ay nakarinig sila ng malalakas na langitngit sa paligid. Makalipas pa nga ang ilang minuto, bumagsak ang second floor ng bahay!

Walang malay ang tatlo nang dalhin sila sa ospital. Mabuti na lamang at nakaligtas sila kahit pa nga mataas ang pinagkabagsakan nila.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin sila makapaniwala. Hindi nga nila alam kung totoo nga ba ang kanilang naranasan o guni-guni nga lang ngunit isa lang ang kanilang nasisiguro… hinding-hindi na sila uulit pa dahil natuto na sila ng leksyon!

More Stories