Minamaliit ng Babae ang Katulong Nila; Ilang Taon ang Nakalipas at Siya Naman ang Nangailangan ng Tulong Dito

Minamaliit ng Babae ang Katulong Nila; Ilang Taon ang Nakalipas at Siya Naman ang Nangailangan ng Tulong Dito

KarmaStoriesSuccess

“Ano ba?! Ayusin mo naman ang trabaho mo!” sigaw ni Claia sa katulong nilang si Maricar. Nagkamali na naman kasi ang bagong katulong kaya naman nasigawan na naman ito ng amo.

“Pasensiya na po ma’am, ha-hayaan niyo po akong…” natatarantang hingi ng paumanhin ni Maricar. Natapunan niya kasi ng juice ang isa sa mga bisitang kaklase ng amo. Sinubukan niyang punasan ang damit na nabuhusan ng juice pero tinabig lamang ng dalaga ang kamay niya.

“Okay lang, Claia I think I should go home nalang. I hope you understand. Enjoy the rest of the party guys,” paalam ng babaeng kaklase ni Claia bago ito umalis kasama ang dalawa pang dalaga.

“Of course, pasensiya ka na ulit, bes. Let me make up to you the next time we meet,” sagot ni Claia sa kaibigan. Nakokonsensya pa rin dahil napahiya ang kaibigan dahil sa katangahan ng katulong nila.

Bagong katulong lamang si Maricar sa bahay nila Claia. Madalas magkamali ang dalaga na labis nagpapainit sa ulo ni Claia. Pinapalampas lamang ito ng mga magulang niya na mas nagpapairita sa dalaga.

Hindi niya maintindihan kung ano nga ba ang nakita ng kaniyang mga magulang sa dalaga at hinahayaan nila itong manatili bilang katulong nila gayong mali-mali naman ang dalaga.

“Ma, nakikinig ka ba? Sisantihin mo na ‘yang si Maricar. Alam mo bang tinapunan niya ng juice ang kaibigan ko kahapon ha? Utang na loob!” paki-usap ni Claia sa ina.

“Hindi naman sinasadya iyon ni Maricar at saka humingi naman siya ng paumanhin ‘di ba?” sagot ng kaniyang ina sa dalaga.

“Like that would change things. Mali-mali pa rin siya at ipinahiya niya ako sa mga kaibigan ko!” reklamo niya sa ina.

“Anak, walang taong perpekto. Lahat nagkakamali. Buksan mo iyang puso mo,” sagot ulit ng ina niya kay Claia.

“But she’s a maid! Ano ba ma?!” hindi siya makapaniwala sa ina.

“So? Porket katulong ba ay hindi na tao? Anak, maswerte ka at ipinanganak ka sa may perang pamilya. Hindi lahat ng tao ay ipinanganak na maswerte sa buhay kaya dapat ay magpasalamat ka at huwag mong gawing basehan ang yaman ng tao kung paano mo sila tratratuhin. Tandaan mo, bilog ang mundo. Hindi porket nasa taas ka ngayon ay mananatili kang nasa taas buong buhay mo. Umiikot ang mundo kaya matututo kang rumespeto sa lahat ng tao, hindi mo alam kung kailan mo kakailanganin ang tulong nila,” seryosong saad ng ina ng dalaga.

Masama pa rin ang loob ni Claia dahil imbis sa katulong na si Maricar magalit ang mama niya ay siya pa ang napangaralan, kaya naman mas pinahirapan niya ang dalaga. Sinasadya niyang mas pahirapin ang trabaho nito at hindi rin siya tumigil sa pagsasalita ng masasakit na salita rito.

“Sigurado ka ba rito, iha?” tanong ng amo ni Maricar sa kaniya. Napagdesisyunan na kasi ng dalaga na huminto sa pagiging katulong dahil hindi niya na makayanan ang pang-aaping nararanasan sa anak ng amo niyang si Ma’am Claia.

“Opo ma’am. Maraming salamat po sa lahat,” sinsero niyang pasasalamat sa babae. Mabait kasi talaga sa kaniya ang mag-asawa. Alam niyang marami siya pagkakamali sa kaniyang trabaho dahil hindi naman kasi talaga siya sanay magtrabaho at napilitan lamang talaga siya.

“Okay sige. Mas mabuti na rin siguro ito. Ano na ngayon ang plano mo, iha?” tanong ng ginang sa kaniya. Halatang nag-aalala sa kaniya.

“Uuwi na po ako sa amin. Panahon na rin po siguro para harapin ko si Daddy,” nakangiti niyang sagot sa ginang na sinuklian din ng ngiti ng ginang.

Umuwi sa kanila si Maricar at sa wakas ay hinarap na ang ama niyang iniwasan ng ilang buwan. Kinakabahan siya habang hinihintay ang amang makauwi galing sa trabaho.

“Maricar?” tawag sa pangalan ng ama niya ng masilayan ang dalaga sa sala nila. Hindi makapaniwalang sa wakas ay nagbalik na rin ang anak.

Nagkaroon kasi ng hindi pagkakaunawaan ang mag-ama na naging dahilan ng paglalayas ng dalaga. Hindi ring sinasadyang nakita ang dalaga ng matalik na kaibigan ng ina nito noong nabubuhay na siyang tumulong sa dalaga sa pagtatago sa ama.

Para hindi mahanap ng ama ay nagpanggap na katulong si Maricar sa bahay ng matalik na kaibigan ng ina niya. Tiniis niya ang lahat dahil ayaw niyang tanggapin ang naging desisyon ng ama pero sa katagalan ay napagtanto niya napakamakasarili niya kaya naman naisipan niya nang umuwi para kausapin ang ama.

“Dad!” agad na niyakap ng dalaga ang amang ilang buwan ding hindi nakita.

“Dad, I’m sorry if naging selfish ako. Ngayon ay naiintindihan ko na at pumapayag na po akong magpakasal kayo ulit. Sorry po dahil imbis na intindihin ko kayo, pinag-alala ko pa kayo. Hayaan niyo po at babawi po ako sa inyo,” madamdaming saad ng dalaga sa ama.

“Maraming salamat, anak. Pero gusto kong malaman mo na hindi porket magpapakasal ako ulit ay hindi ko na mahal ang mommy. Mahal ko pa rin ang mommy pero kailangan din nating tanggapin na wala na siya,” paliwanag ng lalaki sa anak. Tumango naman ang dalaga at mas hinigpitan ang yakap sa ama.

Lumipas ang ilang taon. Hindi inaasahan ni Claia na sobrang magbabago ang buhay niya sa loob ng ilang taon lamang. Ang dating maginhawang buhay niya ay biglang naglaho ng hindi inaasahang binawian nang buhay ang mga magulang niya sa isang aksidente.

Bilang nag-iisang anak ay siya ang nagmana ng kompanya nila ngunit hindi niya namana ang galing sa pamamahala ng negosyo sa kaniyang mga magulang. Ngayon ay kaliwa’t kanan ang utang ng kompanya nila at hindi niya na alam kung ano pa ang maari niyang gawin.

Isa-isang nawawala na ang mga hawak niyang negosyo at nakasanla na rin halos lahat ng mga ari-arian nila.

“Excuse me Ma’am, Miss Yu and Co. has arrived,” napatingin si Claia sa secretary niya at tumango rito para papasukin ang bisita niya.

“Maricar?” hindi makapaniwala si Claia sa kaniyang nakita. Paanong nangyari na ang dati nilang katulong ay ang bagong presidente ng isa sa mga pinakamalaking kompanya sa Pilipinas?!

“Long time no see Claia,” nakangiting bati nito sa kaniya. Nanlamig bigla si Claia. Bigla niyang naalala ang mga salita ng kaniyang ina ilang taon na ang nakalilipas.

“So, should we get to business?” bumalik sa kasalukuyan si Claia ng magsalita uit si Maricar.

“Uhm, of course,” agad na sagot niya.

Na-iilang man ay sinubukan pa rin ni Claia na maging professional sa trabaho niya. Inilatag niya ang lahat ng mga plano niya kung sakaling makakatanggap siya ng investment. Ilang buwan niya ring pinag-isipan ng mabuti ang mga project na gagawin dahil para sa kaniya ay ito na lamang ang pag-asa nilang makaahon.

“Alright. Now tell me, why should I invest on your company? Can you guarantee that this projects will be successful? As you know, habang tumatagal ay palugi lang nang palugi ang kompanya niyo. Sinasayang mo lang ang pinaghirapan ng mga magulang mo. Why not just sell the company to me? Personally, I don’t think you deserve this company,” natigilan si Claia sa narinig kay Maricar pero hindi niya magawang kontrahin ito dahil alam niyang tama ito.

“Alam ko. I don’t have the talent. I’ve always been a selfish brat kaya naman nang biglang nawala ang mga magulang ko ay hindi ko malaman ang gagawin ko,” nakatungo niyang sagot sa dalaga.

“Kung ganun ay bakit?” tanong ulit ni Maricar.

“I may not have the talent pero ginagawa ko naman ang lahat ng makakaya ko dahil baka mapunta lang sa iba ang pinaghirapan ng mga magulang ko. Gusto kong gawin ang responsibilidad ko bilang anak nila,” puno ng determinasyon na sagot niya kay Maricar.

Napangiti naman si Maricar sa kaniyang narinig. Sa katunayan ay plano niya talagang tulungan ang dalaga bilang pasasalamat sa mga magulang nito na tumulong sa kaniya sa nakaraan ngunit kinakailangan niiya munang masigurado na karapatdapat si Claia sa tulong niya.

Sa tulong ni Maricar ay unti-unting nakaahon ang kompanya nila Claia. Nabawi rin ng dalaga ang mga nawala niyang mga negosyo at nabayaran ang mga utang niya sa banko.

“Maricar listen, malaki ang pasasalamat ko sa tulong mo. Kung hindi dahil sa’yo ay malamang tuluyan nang bumagsak ang kompanyang pinaghirapn ng mga magulang ko. Also, I’m sorry sa lahat ng ginawa at sinabi ko noon,” sinserong pahayag ni Claia kay Maricar pagkatapos ng meeting nila.

“It’s okay. Kasalanan ko rin naman, masyado akong mali-mali noon. Marami rin akong naging pagkakamali sa buhay ko kaya naiintindihan ko. And, malaki ang pasasalamat ko sa mga magulang mo. Ang importante ay ang matututo tayong magbago sa oras na ma-realize natin ang mga pagkakamali natin. Wala naman kasing perpektong tao,” nakangiting sagot ni Maricar kay Claia na nagpaluha sa dalaga.

“Maraming salamat. Pangako ko, hindi ko sasayangin ang pagkakataong ibinigay mo sa’kin,” pangako ng dalaga na nagpangiti kay Maricar.

Naging matalik na magkaibigan ang dalawa gaya ng kanilang mga ina. Napuno ng pasasalamat ang puso ni Claia dahil sa kabila ng kaniyang nagawa ay hindi lamang siya simpleng pinatawad ni Maricar kundi tinulungan pa siya nitong makaahon muli. Habambuhay siyang magpapasalamat sa dalaga sa kabaitang ipimalas nito sa kaniya.

More Stories