Nagtungo sa Ibang Bansa ang Dalaga Para Tuparin ang mga Pangarap; Sunod-sunod na mga Pagsubok ang Naghihintay sa Kaniya

Nagtungo sa Ibang Bansa ang Dalaga Para Tuparin ang mga Pangarap; Sunod-sunod na mga Pagsubok ang Naghihintay sa Kaniya

InspiringStoriesSuccess

“Finally! Nandito na rin ako sa Amerika,” bulong ni Christel sa sarili habang nakatingin sa bintana ng eroplanong sinasakyan. Sobrang bilis ng pintig ng kanyang puso dahil sa labis na kasabikan. Kaytagal niyang inasam ang pangyayari itong sa buhay niya. Sa wakas, natupad na ang pangarap at pangako niya sa ina.

Bata pa lamang ay pangarap na ni Christel ang makapunta sa Amerika at magtrabaho doon. Isa kasing OFW ang kaniyang ina noong ito ay nabubuhay pa, kaya naman bilang isang anak na labis humahanga sa ina ay ipinangako niya na balang araw ay mararating niya rin ang bansang matagal nang pinapangarap.

“O sige pinsan, dito ka lang muna pansamantala sa condo ko tumira habang naririto ka sa Amerika, ako na muna ang bahala sa’yo,” nakangiting pahayag ng pinsan ng dalaga sa kaniya. Nakahinga naman ng maluwag si Christel sa narinig. Medyo kinakabahan din kasi siya dahil ito ang unang beses na napalayo siya sa sariling bansa at sa kaniyang pamilya.

“Maraming salamat pinsan! Sobrang bait mo talaga!” pasasalamat ni Christel sa kaniyang pinsan at masayang niyakap ito nang mahigpit.

Kinabukasan, nagsimula na agad ang dalaga na maghanap ng trabaho. Isa siyang fresh graduate ng isang business course kaya naman umaasa siyang agad ding makakahanap ng trabaho.

“I’m sorry, but we cannot hire you. You’re just not qualified for the job,” pormal na pahayag ng amerikanong manager na in-applayan ni Christel. Nalungkot man ay hindi naman hinayaan ni Christel ang sarili na panghinaan ng loob.

Ilang kompanya pa ang pinuntahan ng dalaga at sinubukang mag-apply. Subok lang subok hanggang sa palarin. Pero sadyang minamalas lamang talaga ata si Christel dahil mag-iisang buwan na siya sa Amerika pero wala pa rin siyang nahahanap na trabaho. Malapit na rin ma-expire ang kaniyang visa.

“Ano ba ‘to? Ang akala ko sa oras na makagtapos ako at makapunta ng Amerika ay tuloy-tuloy ng matutupad ang mga pangarap ko,” malungkot na pahayag ni Christel. Nagsisimula na siyang panghinaan ng loob.

“Ganiyan din ako noon ng bago lang ako rito. Gaya mo, puno rin ako ng pangarap na pumunta dito. Inakalang sa oras na makaapak ako sa bansang ito ay matutupad na ang aking mga pangarap para sa aking sarili at para sa aking pamilya,” nagulat si Christel ng bigla na lamang nagsalita ang kaniyang pinsan. Tahimik na tao lang kasi ito at sobrang madalang lang kung magsalita. Hindi din naman kasi sila ganun kalapit sa isa’t isa siguro dahil na rin sa age difference nilang dalawa. Limang taon din kasi ang tanda nito sa kaniya.

“Pero pinsan, hanggang ngayon ay naririto ka pa rin sa bansang ito at nagtratrabaho. Maunlad ang buhay mo at nabubuhay ka sa iyong pangarap,” naguguluhang sagot ni Christel sa pinsan. Ngumiti naman ito.

“Oo, at proud ako dun. Pero sobrang hirap ang pinagdaanan ko bago marating ang kinalalagyan ko ngayon. Hindi naging madali sa akin ang mabuhay dito sa Amerika, lalo na at nag-iisa lang ako rito ng mga panahong iyon,” nakaramdam naman ng awa si Christel sa pinsan niya dahil sa kwento nito.

“Alam mong nakapagtapos ako ng nursing sa Pilipinas ‘di ba, kaya nang pumunta ako dito ay akala ko magiging nurse din ako dito. May lisensya na din naman kasi ako. Pero hindi, hindi iyon nangyari. Napilitan akong kumuha ng mga trabahong hindi naman konektado sa natapos ko. Nagtrabaho ako sa mga restaurant bilang waitress, naglinis ako ng mga bahay at opisina ng iba, at kung anu-ano pang trabahong ni isang beses ay hindi ko naisip na papasukin ko noong nag-aaral pa lamang ako. Iyak ako nang iyak dahil naaawa ako sa sarili ko, pero hindi ko magawang sumuko. Nagpatuloy ako. Nagtyaga, at patuloy na nagsikap. Lumaban ako para sa pamilya ko. Para sa mga pangarap ko,” patuloy na kwento ng pinsan niya. Maiging nakikinig naman ang dalaga. Hindi niya inakalang ganun pala ang nangyari sa pinsang matagal niya nang hinahangaan.

“Pero alam mo, totoo ang kasabihang, ‘kapag may tiyaga, may nilaga’, dahil pagkatapos lamang ng mahigit kumulang isang taon, ay nabigyan ako ng pagkakataong gawin ang trabahong para talaga sa akin. Nagsipag lang ako at ginalingan ko talaga, binigay ko ang lahat ng makakaya ko. Kaya heto ako ngayon, isang ganap na nurse na sa Amerika,” napangiti na lang din si Christel sa kaniyang pinsan. Sobrang proud at talaga namang masaya siya para sa pinsan niya.

“Sana ako rin, pinsan. Sana ako rin, matupad ko lang ang mga pangarap ko,” puno ng pag-asang sagot niya sa kwento ng pinsan niya. Binigyan naman siya nito ng isang matamis na ngiti.

“Kung ako nakaya ko, bakit ikaw hindi? Nasa sa’yo lang ‘yan pinsan. Hawak ng tao ang kanilang kinabukasan. Hindi natin kontrol kung sino tayo sa pagsilang sa atin sa mundo, pero kaya nating makontrol kung magiging sino tayo sa hinaharap. Kung gusto mo talaga ang isang bagay ay gagawin mo ang lahat para makuha ito. Matututo kang magsakrispisyo, magtiyaga, at syempre magtiwala sa plano ng Diyos sa’yo. Dahil Siya lang ang may alam ko ano talaga ang nakakabuti para sa’yo.”

“Maraming salamat pinsan. Muling lumakas ang aking loob salamat sa’yo. Hindi ako susuko at pag-iigihan ko pa lalo. Lalaban ako hanggang sa matupad ko ang mga pangarap ko,” muling lumakas ang loob ng dalaga para harapin ang bukas.

Gaya ng napag-usapan ay hindi sumuko si Christel at pinag-igihan pa ang paghahanap ng trabaho. Gaya nang pinsan niya ay naisipan niya munang magpart sa mga restaurant habang patuloy na naghahanap ng trabahong gusto niya talaga at angkop sa kaniyang natapos.

Ilang beses din siyang nabigo, nasaktan at umiyak. Pero, kailanman, hindi siya nawalan ng pag-asa. Patuloy lang siyang lumaban hanggang sa nakatanggap siya nang isang pagkakataon.

“Well, if you ask me, you really deserve this position. You’ve been working really hard ever since you got here. I’m looking forward to your upcoming successful projects Miss Christel, keep up the good work,” halos tumalon sa tuwa si Christel ng marinig sa boss niya na na-promote siya bilang isang project manager sa kompanyang kaniyang pinagtratrabahuan sa ngayon.

Hindi naging madali ang daan para kay Christel. Kahit na nakuha niya na ang pangarap na trabaho ay hindi pa rin siya tumigil sa pagsisikap para mas mapaigi ang kaniyang trabaho. Unti-unti ay inabot ni Christel ang kaniyang mga pangarap gaya nang kaniyang pangako sa ina at sa mga taong naniwala sa kaniya.

More Stories