Paano Nga Kaya Tuturuan ng Lalaking Ito ang Kaniyang Kapatid na Malikot ang Kamay sa Pera Ngayong Pare-parehas na Silang May Pamilya?

“Pasensiya ka na talaga, mahal, kung hindi naman dahil sa pandemya ay hindi tayo uuwi sa probinsya. Alam mo naman ‘yan ‘di ba?” tanong ni Ralph sa kaniyang misis.

“Hindi ko alam kung paano ang mangyayari sa atin doon, bukod sa bukid kayo nakatira ay mawawalan din ako ng negosyo. Sayang naman ang mga pa-order ko at mahihinto,” baling naman ni Patricia rito.

“Hindi na kasi talaga natin kayang umupa ng bahay at mahihirapan ka ‘pag tumagal pa ito lalo na wala na akong trabaho. Hindi tulad sa probinsya ay may sarili tayong tanim at may alagang baboy. Simple lang ang buhay roon pero masaya naman, magtiwala ka,” lambing pang muli ng lalaki.

Walang nagawa si Patricia kung ‘di ang sumunod sa kaniyang mister na umuwi ng probinsya kung saan naninirahan ang lahat ng kamag-anakan ng lalaki. May sarili kasi itong bahay at lupain doon, ngunit dahil laking Maynila ang babae ay hindi ito pumayag noon na roon tumira kaya lamang ay mukhang wala na siyang pagpipilian pa ngayon.

Nakalipat na sila kaagad nang lumuwag ang byahe at doon na nga tuluyang nanirahan. Mula sa pagtitinda ng mga pagkain online, ngayon ay simpleng may bahay lamang si Patricia at pagtatanim ang nakakahiligan niya habang si Ralph naman ay nag-aalaga ng baboy.

“Ma, kinuha mo ba ‘yung isang daan ko sa bulsa? Nawawala kasi,” tanong ng lalaki rito.

“Naku, wala akong kinalaman diyan, ang tagal nating nagsama sa Maynila alam mo naman na hindi kita kinukuhanan ng pera,” sagot naman ng babae habang nagwawalis ng dumi sa alaga nilang baboy.

“Mukhang hindi pa rin talaga natatanggal ni Rhea ang kati ng kamay niya,” bulong ng lalaki saka umiling-iling.

Advertisement

Simula pagkabata ay makati na ang kamay ng kapatid niyang babaeng si Rhea at kahit noong magkaasawa na ito ay mukhang hindi natanggal ang masamang gawaing iyon ng babae.

“Hayaan mo na, anak, palampasin mo na lang ngayon. Alam mo naman sa inyong lahat ay si Rhea ang pinakakawawa. Sakitin ang mister at sunod-sunod ang anak, kung hindi nga rito sa atin nakatira ‘yan ay baka nanlilimos na ‘yan sa daan dahil hindi naman siya kayang buhayin ng inasawa niya,” wika ni Aling Leticia, nanay ng lalaki.

“Ano pa nga bang magagawa natin, lagi naman ganito. Pwede naman kasi siyang manghingi, ako ang naaawa sa kaniya lalo kapag ganitong nangungupit siya. Alam kong mahirap ang buhay ngayon pero ngayong magkakasama na tayo sa iisang bubong ay sana maiwasan din natin ito,” saad naman ng lalaki sa kaniyang ina.

“Hayaan mo, kakausapin ko,” malambing na sagot muli ng ale saka tinapik ang likod niya. Katulad ng dati, hinayaan lamang ni Ralph ang insidente at umaktong parang walang nangyari. Hanggang sa nasundan pa ito at mas lumaki nang lumaki ang nawawala sa kaniya.

“Hindi na pwede ‘to,” bulong niya sa sarili.

Kaya naman pinuntahan niya kaagad ang kapatid sa kwarto nito para pagsabihan.

“Rhea, sa susunod na kukuha ka ng pera sa akin at hindi ka nagpapaalam ay hindi ko na papalampasin pa. Hindi na maganda ‘yang ganiyang ugali mo, hindi porke kapatid kita ay ayos lang na kupitan mo ako!” baling kaagad ng lalaki sa naglalaba niyang kapatid.

“Kuya, anong sinasabi mo? Wala akong kinukuha na kahit na ano sa inyo o sa kahit sino man dito sa bahay,” mabilis na sagot ni Rhea sa kaniya.

Advertisement

“Tama na, Rhea, huwag mo na akong galitin pa. Kung ako sa’yo magbabago na ako dahil baka hindi ko matantiya anong magawa ko sa’yo,” pagtatapos ni Ralph saka tinalikuran ang kapatid.

“Alam kong palamunin niyo lang ako at napakapabigat ng pamilya ko sa inyo kaya ano pa bang mukha ang mayroon ako kung kukupitan ko pa kayo? Sana naman maniwala ka sa akin na wala akong kinukuha, alam kong mangungupit ako noong bata pa tayo pero hindi na ngayon, kuya. Patawarin mo ako kung pabigat ako rito sa atin, pero wala akong kinukuha,” mahina nitong sabi saka bumagsak ang mga luha ng babae. Hindi naman na nagsalita pa si Ralph kahit na siya rin mismo ay nasaktan sa sinabi niya rito. Minabuti niyang pumasok sa kanilang kwarto.

“Ma, pasensiya ka na sa pamilya ko, ganito lang talaga kami pero napagsabihan ko naman na si Rhea, hindi na ‘yun uulit,” paliwanag ng lalaki sa kaniyang misis.

“Pa, hindi si Rhea ang kumukuha ng pera mo, ako,” mahina nitong inamin sa asawa.

Hindi kaagad nakapagsalita ang lalaki at umakyat ang galit sa kaniyang mukha, naramdaman niya kaagad ang pag-iinit ng kaniyang mga pisngi at kamao.

“Sorry,” dagdag pa ng babae.

“Bakit? Bakiit mo ‘yun ginawa? Tapos hinayaan mo lang ako na pagsalitaan ang kapatid ko tapos ikaw itong nananahimik dito? Anong klase ‘yan, Patricia!” galit na sinabi iyon ng kaniyang mister.

“Kasi wala na akong pera! Wala ka naman pinapahawak sa aking pera simula nang tumira tayo rito sa inyo. Wala na akong pinagkakakitaan at hindi makabili ng kung anong gusto ko, alam kong mali pero nahihirapan na talaga ako sa ganitong buhay!” iyak ng misis niya. Hindi malaman ni Ralph ang kaniyang gagawin kaya naman mas minabuti niyang umalis. Hindi niya alam kung nagkukulang ba siya bilang padre de pamilya dahil sa naging ganito ang asawa niya. Noong kumalma na silang dalawa ay kinausap na niya ang babae.

Advertisement

“Alam kong nahihirapan ka sa ganitong buhay pero nakikita mo naman na nahihirapan din ako. Nahihirapan akong ibigay ang lahat sa’yo dahil ito lang talaga ang kaya natin ngayon. Sana maintindihan mo rin iyon at tulungan mo ako. Hindi magiging sapat na dahilan kailanman ang wala kang hawak na pera kasi mag-asawa na tayo, kung may gusto ka pwede ka naman magsabi sa akin at tititingnan natin kung kaya. Huwag mo akong nakawan dahil kahit saan natin tingnan hindi maganda iyon, Patricia,” paliwanag ng lalaki sa kaniyang asawa.

Humingi naman ng tawad ang misis niya at nangakong hindi na ito gagawing muli. Hindi naman na sinabi ni Ralph sa kaniyang pamilya ang insidenteng iyon para protektahan na rin ang kaniyang asawa at bigyan ito ng pagkakataong magbago ang babae. Sa kabilang banda naman ay humingi pa rin ng tawad ang lalaki sa kaniyang kapatid at sinabing naniniwala siyang hindi ito ang kumuha ng pera.