Nahuli ng Babaeng Ito ang Kaniyang Nobyo na May Ibang Babae, Ngunit Kasalanan Daw pala Niya Ito, Paano Nangyari Iyon?

Nahuli ng Babaeng Ito ang Kaniyang Nobyo na May Ibang Babae, Ngunit Kasalanan Daw pala Niya Ito, Paano Nangyari Iyon?

HeartbreakingLoveStories

“Ayos ka lang ba Judy? Tulala ka na naman, bakit hindi ka muna magbakasyon?” tanong ni Maya, katrabaho ng babae.

“Parang magiging sinungaling naman yata ako kung sasabihin kong ayos lang ako, ‘di ba? Hindi lang ako makapaniwala na lahat ay nawala na parang bula. Parang simula sa plato hanggang sa salawal ko’y kailangan kong palitan huwag lang siya maalala,” natatawa nitong sagot sa katrabaho.

“Nakapag-usap na ba kayo? May closure na o kahit eksplanasyon sa lahat ng nangyari? Baka naman may pag-asa pa kayo kasi 18 years ‘di ba?” tanong muli ni Maya rito.

“T*ng ina talaga! Tinapon ko ang 18 taon ng buhay ko sa wala! Grabe, hindi ko alam saan ako nagkulang, saan ako nagkamali bakit hindi ko namalayan? Bakit nangyari sa akin ito? Bakit?” baling ni Judy saka bumagsak ang kaniyang luha. Hindi na nagsalita pa si Maya at hinayaan na lamang ang kaibigan na umiyak.

Kakahiwalay lamang ni Judy sa kaniyang nobyo na si Cris na karelasyon niya ng 18 na taon. Natapos ang kanilang relasyon nang malaman niyang may ibang babae ito na pitong taon na niyang karelasyon. Kaya naman sa huling pagkakataon ay makikipag-usap siya sa lalaki para masagot na rin ang lahat ng tanong niya sa sarili.

“Bakit, Cris? Saan ako nagkulang? Biro lang ba sa’yo ‘yung 18 taon nating magkasama? Ay teka, kailan ba nagsimula ‘yung pitong taon niyo ng babae mo? Kailan ba ako naging basura sa buhay mo?” wika ni Judy sa lalaki. Bago pa man sila nag-usap ay kinondisyon na niya ang sarili na magiging kalmado siya at pipiliting huwag magalit sa lalaki ngunit nang makita niya ito ay parang may asido sa loob ng kaniyang katawan na sobrang sakit at sobrang galit ang kaniyang nararamdaman.

“Mabel ang pangalan niya at hindi na mahalaga kung kailan kami nag-umpisa. Isa pa bakit pa tayo nag-uusap ng ganito, Judy? Alam mo, ikaw rin naman ang may kasalanan kung bakit ako nagkaroon ng iba,” saad naman ni Cris sa kaniya.

“Ano?! Wow, ako pa pala?!” bwelta kaagad ng babae.

“Hindi ko alam kung nagsawa na ba ako o naging kampante masyado na dumating ako sa puntong parang wala na tayo. Parang nagkikita na lang kasi nga nakasanayan na, maghahalikan na lang kasi ganun naman ‘di ba. May mangyayari sa atin na parang wala lang. Hindi ko alam kung ayos lang sa’yo kasi sa akin hindi, kaya naghanap ako ng iba,” paliwanag ng lalaki.

“E ‘di sana umalis ka na! Sana sinabi mo! Bakit? Sa tingin mo ba ikaw lang ang nakakaramdam ng ganon? Na sa tuwing pumapasok ka sa akin ay hindi mo na ako tinitingnan, hindi mo na ako hinahawakan katulad ng dati. Hindi na ikaw ‘yung lalaking nakikilala ko nung mga neneng at totoy pa lang tayo, pero bumitiw ba ako? Ay hindi, mali, naghanap ba ako ng iba? P*tang *na, Cris! Hindi ako tumingin sa iba kasi iniisip ko tumatanda tayo, nagma-matured, lumalawak ang responsibilidad at baka kasama lang ‘to sa pagsubok nating dalawa. Kung ganon pala ang nararamdaman mo, bakit hindi mo ako binitiwan?! Bakit kailangan mong sumawsaw sa iba at haharap ka sa akin na parang ako lang talaga! Grabe, Cris, pitong taon mo akong ginawang side dish!” at bumuhos ang galit ni Judy sa lalaki. Mabuti na lamang at sa hotel sila nag-usap nang nakakasigaw siya ng ganito.

“Bakit hindi ka nagreklamo? Bakit hinayaan mo lang din ako? Ikaw ang may kasalanan kasi hindi ka nagde-demand sa akin! Hindi ka nanghihingi ng kasal kahit napakatagal na natin. Gusto ko na magkapamilya pero ikaw gusto mo ‘yung date-date lang, kaya naghanap ako ng iba! Kasalanan mo kung bakit nasayang ang panahon natin sa isat-isa,” giit naman ng lalaki.

Parang nabingi si Judy sa kaniyang narinig at tila namanhid ang kaniyang mga binti, hindi siya makagalaw para umalis at mas nauna ang luha niyang pumatak at napapapikit na lamang ang babae.

“Kita mo ‘yan, iiyak-iyak ka na naman na para bang kasalanan ko ang lahat. Ikaw ang nagmumukhang kawawa sa lahat ng tao pero hindi naman iyon ang totoo. Ikaw ang sumira ng relasyon natin,” dagdag pa ni Cris.

Sa huling sinabi ng lalaki ay doon na nagkalakas si Judy at mabilis itong tumayo saka niya sinampal ng ubod ng lakas ang lalaki saka ito dinuraan sa mukha.

“T*ng ina, Judy, ano ba?!” sigaw ni Cris sa kaniya.

“Ayan ang nararapat sa’yo at sa lakas ng loob mong isisi sa akin ang lahat ng pambababae mo! Nagsisisi ako sa lahat ng pinagdaanan natin at ipinagdarasal ko na lang na hindi ka balikan ng karma sa ginawa mong ito sa akin!” buong tapang na sinabi iyon ng babae saka siya umalis.

Alam niyang hindi magiging madali ang susunod na kabanata ng kaniyang buhay ngunit mas alam na niya ngayon na hindi para sa kaniya si Cris at hindi na rin niya pipiliin pang balikan ito ano man ang mangyari.

Walang sino mang babae ang papangarapin o gugustuhin na maging kabit o pangalawa sa buhay ng ibang tao. Marami siyang natutunan sa lalaki at sa relasyon nila ngunit isa lang ang nais niyang panindigan, na hindi sasapat ang kahit ano mang pagkukulang para manloko o maghanap ka ng iba.

Dahil kung ayaw mo na, umalis ka.

More Stories