Mabuti ang Intensyon ng Lalaking Ito sa Pagtulong Pero Nag sanhi Iyon ng Pang-Habangbuhay na Pinsala
Mahilig sa mga hayop ang binatilyong si Luis. Mabuti at suportado siya ng mga magulang, nang banggitin niya na may nakita siyang tuta sa lansangan ay agad pumayag ang mga ito na kupkupin iyon at patirahin sa kanilang tahanan.
Tila naman magaan din ang loob ng mga hayop sa kanya, kahit nga butiki ay napapalapit niya upang bigyan ng dalawang butil ng kanin isang katok niya lang sa mesa. Nararamdaman siguro ng mga ito ang intensyon niya.
Isang araw habang namamahinga si Luis sa kanilang bakuran ay natanaw niya ang isang paru paro. Kay ganda nito at matingkad na asul ang kulay. Lipad ito ng lipad at minamasdan lang ni Luis hanggang dumapo sa isang dahon, sa katabing dahon ay napansin niya na mayroong isang caterpillar. Sobrang cute nito at naawa si Luis na baka maulanan kaya napagdesisyunan siyang ikuha ito ng maliit na garapon at doon ilagay. Iniwan niyang bukas ang garapon.
Paglipas ng mga araw ay nag iiba ang kilos ng caterpillar, alam ni Luis na pinagdadaanan nito ang metamorphosis o ang pagbabago ng itsura mula sa pagkabata nito hanggang makamit ang tunay na anyo, at yun ay ang maging isang paru paro. Na-excite si Luis sa nangyayari. Nababalot ito ng isang cocoon, tila ba balat na nagpoprotekta rito habang nagbabago ito ng anyo sa loob.
Paglipas ng ilan pang araw ay napansin ni Luis na may lumitaw na konting bahagi ng caterpillar pero tila ba nahihirapan itong ilabas ang buong katawan. Ang excitement ni Luis ay napalitan ng pag aalala, baka kasi natigil ang pagbabagong anyo nito at ngayon ay hindi na makalabas sa cocoon, naghintay pa siya ng ilang sandali. Nang hindi na makatiis ay kinuha ni Luis ang gunting at ginupit ang bukanang bahagi ng cocoon para tulungang makalabas ang paru paro.
Ikinagulat naman ni Luis ang itsura nito paglabas. Namamaga ang katawan nito, maliit at hindi naman buo ang mga pakpak. Pinanood niya lang ito, umaasang magbabago pa ng anyo ngunit hindi iyon nangyari.
Ilang oras na ang nakakalipas ay ganoon pa rin ito, ni hindi makalipad. Gumagapang lang ang paru paro.
Naisip ni Luis na dapat pala ay pinabayaan niya ito. Para makuha ang magandang anyo ay kailangang danasin nito ang hirap. Kung hindi niya ito pinakialaman ay natuto sana itong lumipad sa sarili nito.