Tahol ng mga Nagwawalang Aso ang Dahilan Kaya Hindi na Nakakatulog nang Maayos ang Lalaki; Ano nga ba ang Dahilan?

Tahol ng mga Nagwawalang Aso ang Dahilan Kaya Hindi na Nakakatulog nang Maayos ang Lalaki; Ano nga ba ang Dahilan?

InspiringLoveStories

Biglang nagising si Adrian dahil sa ingay ng mga aso sa kabilang bahay. Hindi niya mawari kung bakit tila nagwawala ang mga ito. May nakita bang ano o dahil sa mga taong dumadaan. Ngunit kanina pa panay ang tahol ng mga ito.

Naiinis siyang bumangon upang puntahan ang kabilang bahay upang mapagsabihan na patahimikin ang alagang aso, dahil nakaka-istorbo na ang tahol ng mga ito.

“Kainis naman oh! Kung mag-aalaga ng aso sana naman alam nila kung paano ito patahimikin,” naiinis na maktol ni Adrian.

Panggabi ang kaniyang trabaho bilang isang call center agent. Kaya malamang sa umaga siya natutulog. Kaso paano naman siya makakatulog nang mahimbing kung ganitong nagwawala ang aso ng kapitbahay niya.

“Tao po. May tao po ba?” Katok niya sa gate ng kapitbahay. “Tao po…”

“Hijo, may kailangan ka ba sa pamilyang iyan?” Tawag atensyon ng isang babaeng sa pagkakaalam niya’y kalapitbahay lang din nila.

“Opo. Gusto ko lang sanang pagsabihan na patahimikin nila ‘yong aso nila. Hindi po kasi ako nakakatulog ng maayos. May trabaho pa po ako mamaya,” aniya.

“Naku hijo, wala kasi d’yan ang dalawang mag-asawa. Ang balita ko’y nagbakasyon ang buong pamilya kasama ang nag-iisang katulong nila doon sa probinsya ni Althea, upang alagaan pansamantala ang may sakit na ina.” Pagbibigay impormasyon ng ale.

“E, paano po iyong mga aso?” Bigla siyang nag-alala sa mga asong alaga ng kapibahay.

“Iyon na nga ang inaalala ko. Kaya nga siguro nag-iingay na ang mga iyan dahil nagugutom na. Nakakandado ang gate nila kaya paano mapapakain ang mga aso,” anito saka mayamaya ay nagpaalam sa kaniya.

Naging palaisipan kay Adrian kung paano ang mga nakakaawang aso ng kaniyang kapitbahay. Kaya siguro panay na ang tahol ng mga ito dahil sa gutom at uhaw na nararamdaman.

Naalala ni Adrian na sa likurang bahagi ng bakuran ay mababa lamang ang pader at kayang-kaya lamang niya iyong talunin. Doon niya naisipang dumaan upang mapasok ang bakuran ng kaniyang kapitbahay.

Wala naman siyang masamang gagawin, nais lamang niyang pakainin ang mga aso nitong tila gutom na.

Imbes na isipin ang antok ay bumili na lamang si Adrian ng dog food saka tinalon ang kabilang bakuran. Agad niyang nakita ang dalawang asong nakatali at nagwawala.

Nang makita siya ay agad itong nagsitigil sa kakatahol at tumitig sa kaniya na tila pinapakiramdaman ang kaniyang gagawin.

“Wala akong masamang binabalak ah. Gusto ko lang kayong pakainin. Alam kong gutom na gutom na kayo,” kausap niya sa dalawang asong tila naging istatwa ng makita siya.

Nilagyan niya ng pagkain ang lagayan ng mga ito at gaya ng kaniyang inaasahan ay tila mga p*atay gutom na nilantakan agad ng mga ito ang binigay niya. Ilang araw nang umalis ang amo ng mga ito at iyon rin ang araw na hindi na nakakain ang dalawa.

“Mga kawawang nilalang. Hayaan niyo babalik ako dito bukas para pakainin ulit kayo ah,” kausap niya sa dalawang aso na tila nagpapasalamat sa kaniya.

Muli niyang pinuno ang lagayan ng mga ito bago siya tuluyang umalis. Pinainom niya muna ng tubig ang dalawang aso. Gaya ng inaasahan ay nanahimik na ang dalawang aso.

Gano’n palagi ang ginagawa ni Adrian, pagkarating niya galing tabaho ay agad niyang pinupuntahan ang dalawang aso upang pakainin at paliguan na rin ang mga ito.

At bago rin siya tuluyang pumasok sa trabaho ay pinapakain niya muna ang mga ito at iniiwanan ng pagkain upang may makain bago pa man siya bumalik kinabukasan.Hanggang sa makauwi ang mag-asawa sa bahay nila at laking gulat dahil may pagkaing naiwan para sa mga aso nito.

Nang malamang siya ang nagpapakain sa mga alaga nito sa panahong wala sila ay lubos na nagpasalamat sa kaniya si Althea.

“Maraming-maraming salamat sa pagpapakain mo sa mga aso namin, Adrian ah. Alam mo bang lagi kong hinihiling na sana may maaawa sa mga kapitbahay ko at maisipan nilang pakainin ang mga naiwan naming aso at mukhang dininig iyon ng Diyos Ama, dahil ikaw ang ginawa niyang instrumento upang hindi tuluyang mawala ang mga aso ko,” mangiyak-ngiyak na pasasamalat ni Althea sa kaniya.

“Naku! Wala iyon Althea, alam kong nataranta ka na noong oras na iyon dahil balita ko’y may sakit ang mama mo. Noong una nainis talaga ako dahil sa ingay nila, ngunit noong nalaman ko ang dahilan ng biglaan niyong pag-alis, naisip kong wala naman akong puso kong balewalain ko na lang ang mga kawawang aso mo. Kaya humanap ako ng paraan.”

“Hindi ko alam kong paano ako babawi sa kabutihan mo, Adrian.”

“Hindi mo kailangang bumawi, Althea. Bukal naman iyon sa loob ko at wala akong inaasahang balik mula sa inyo. Masaya naman ako noong mga panahong pinapakain ko ang mga aso mo na tila nakahanap sila ng pag-asa dahil sa’kin.

Kahit sino naman ay handang gawin ang ginawa ko. Kahit sinong nangangailangan ay hindi ako mag-aatubiling tulungan ito, tao man o hayop. Kaya huwag mo nang alalahanin ang bagay na iyon. Alagaan mo na lang ang mga aso mo, masaya na ako roon,” nakangiting wika ni Adrian.

Sa kabila ng mga kasamaang nangyayari sa mundo ay naniniwala tayong may iilan pa ring mga tao ang may mga busilak na puso. Kagaya na lamang ni Adrian na handang tumulong at walang hinihinging kapalit, mapa-tao man o hayop ay handang tulungan kapag nangangailangan ito ng tulong.

More Stories