Araw-araw Siyang Dumadaan sa Kaniyang Kapatid Upang Makipaglaro Rito; Ano nga ba ang Nangyari Rito?

Araw-araw Siyang Dumadaan sa Kaniyang Kapatid Upang Makipaglaro Rito; Ano nga ba ang Nangyari Rito?

HeartbreakingInspiringStories

“Mama, ano po ba talaga ang sakit ni Aldren?” Takang tanong ni Chito sa inang panay ang iyak nang malaman ang naging resulta ng mga isinagawang test sa nakababatang kapatid na si Aldren.

“Tumor sa utak Chito,” humahagulhol na sagot ni Lourdes.Hindi alam ni Chito kung ano iyong tumor sa utak, pero alam niyang hindi iyon maganda sa kalusugan ng kaniyang pitong taong kapatid na si Aldren. Halos tatlong buwan na rin silang pabalik-balik sa ospital dahil kay Aldren. Halos doon na nga sila tumira dahil sa hindi magandang pakiramdam ng kapatid.

“Aldren, ayos ka lang ba?” Nag-aalalang tanong ni Chito sa nakakabatang kapatid.

Katatapos lang nitong magsuka dahil sa hindi maipaliwanag na sakit ng ulo, dahilan upang sumugod ang mga doktor sa silid ng kapatid. May tinurok ang doktor sa dextrose ni Aldren, kaya medyo naging maayos na ang lagay nito ngayon.

“K-kuya, hindi ko na kaya,” nahihirapang wika ni Aldren. “Ang sakit-sakit na lang palagi ng ulo ko na para bang mababasag ito.”

Mangiyak-ngiyak na hinawakan ni Aldren ang kamay ni Aldren. Limang taon ang agwat ng edad nilang dalawa. Siya ang panganay at ito naman ang bunso. Sa batang edad ay maagang nag-matured si Chito, dahil kay Aldren. Alam niyang kailangan niyang maging matapang, gaya nang laging sinasabi ng mama at papa nila.

“Naniniwala akong gagaling ka, Aldren. Nandito lang palagi si kuya sa tabi mo. Hindi kita iiwan. Tandaan mo ‘yan ah,” umiiyak niyang paalala sa kapatid.

“O-opo, kuya. Tandaan niyo rin palagi na mahal na mahal ko kayo nina mama at papa. Lalaban po ako kuya. Maglalaro pa nga tayo ‘di ba? Sabi ni mama meron daw siyang bagong biling toys. Lalaruin natin iyon kuya ah, pag magaling na ako,” wika ni Aldren.

“Opo. Lalaruin natin iyon. Mula umaga hanggang sa makatulog tayong dalawa. Basta mag-promise ka ah. Magpapagaling ka, para may kalaro na ulit si kuya,” ani Chito.

“Opo kuya,” anito saka nakipag-pinky finger kay Chito.Tanda ng pagtupad sa pangakong binitawan.

Ngunit hindi na yata talaga nakayanan ni Aldren ang sakit, dahil tuluyan nang ginupo ang katawan nito ng tumor. Malungkot ang buong pamilya ni Chito, dahil sa pagkawala ng bunsong kapatid na si Aldren.

Ilang araw lamang na binurol ang bangk*y nito at agad na ring inilibing. Malaking bahagi ng pamilya nila ang tila nawala noong nam*atay si Aldren. Ang dating masaya at maingay nilang bahay noon, ngayon ay nakakabingi na ang katahimikan.

Sa batang edad ay napagtanto ni Chito na napakahirap mawalan ng mahal sa buhay.

Isang araw pagkatapos ng klase niya’y imbes na dumiretso ng uwi ay nakiusap si Chito sa drayber na naghahatid at sundo sa kaniya na si George.

“Kuya George, pwede bang dumaan na muna tayo saglit sa sementeryo. Dadaanan ko lang po ang puntod ni Aldren,” nakikiusap na wika ni Chito.

Bahagya mang nag-alinlangan ang drayber ay pinili naman nitong sundin ang ipinakiusap ni Chito.

Pagdating sa sementeryo ay agad na naglakad si Chito palapit sa puntod ni Aldren, bitbit ang isang supot na naglalaman ng mga laruan.

“Kumusta ka na d’yan Aldren? Okay ka na ba? Hindi mo na ba nararamdaman ang sobrang sakit ng ulo mo noong nabubuhay ka pa?” Sunod-sunod na tanong ni Chito, habang isa-isang nilalabas ang mga laruan.

“Alam mo bang ang lungkot-lungkot na ng bahay natin ngayon. Sana naroon ka pa rin para may kalaro ako nitong mga bago kong laruan.” Patuloy sa pakikipag-usap ni Chito sa hangin. “Aldren, may mga toys din ba d’yan? Kung wala… hayaan mo na.

Araw-araw naman akong dadaan dito para makapaglaro ka. Kung gusto mo nga iwanan ko ‘yong ibang toys rito para kahit papaano ay may mapaglaruan ka.”

Tahimik lamang na pinagmamasdan si Mang George si Chito habang naglalaro mag-isa sa ibabaw ng puntod ni Aldren. Bago ito nag-ayang umuwi ay saglit muna itong humiga sa ibabaw ng puntod ni Aldren, habang mariing nakapikit ang mga mata.

“Gusto kong magalit sa’yo Aldren, kasi sabi mo noon magpapagaling ka at magpapalakas saka maglalaro pa tayo. Pero sa kabilang banda ay masaya na rin ako dahil alam kong hindi ka na nahihirapan ngayon.

Tandaan mong mahal na mahal ka ni kuya at tatandaan ko rin iyong huling sinabi mo sa’kin. Araw-araw akong babalik rito Aldren, kaya huwag kang malulungkot ah.

Pero sa ngayon kailangan na muna ni kuya na umuwi. Pangako Aldren, babalik si kuya bukas. Miss na miss na kita bunso,” umiiyak na paalam ni Chito.

Gano’n rin si Mang George na tahimik lamang nakikinig sa pakikipag-usap ni Chito sa puntod ng kapatid.

Gaya ng ipinangako ni Chito ay araw-araw siyang dumadaan sa puntod ni Aldren upang dalawin ito.

Hanggang sa lumaki siya at tuluyan ng naging binata at nagkaroon ng trabaho ay sinisikap niyang madalaw ito kahit dalawang beses sa isang linggo.

Nagkaroon na rin siya ng tatlo pang mga kapatid. Ngunit nanatili pa ring espesyal sa puso niya si Aldren.

More Stories