Sa Hirap ng Buhay Kaya Hindi na Magawa ng Mag-Asawang Handugan ang Anak sa Kaarawan Nito; Magiging Masaya pa Kaya ang Bata o Hindi na

“Oy, kaarawan pala ngayon ni Ate Sanya,” nakangiting wika ni Nena.

Kagigising lamang ng mga anak niya at masaya ngang binabati ng mga ito ang ate nila.

“Opo mama sabi ko nga sa kaniya na magsimba tayo para makapagpray siya,” sagot naman ni Sheryl ang kaniyang pangalawang anak.

“Oo nga ate, magsimba na lang tayo ate ah. Magpray ka na lang kay Papa Jesus na bigyan ka niya ng healthy na pangangatawan at sana kami ring buong pamilya mo saka mag-pasalamat ka na rin sa dagdag na taong ibinigay niya,” mahabang bilin ni Nena sa anak.

Bahagyang lumungkot ang mukha ni Sanya. “Wala na naman tayong handa sa kaarawan ko, mama?”

Malungkot na ngumiti si Nena saka niyakap ang anak. “Ayos lang iyon, anak. Hayaan mo babawi na lang kami ni papa mo sa susunod mong kaarawan,” nakayapos na pakiusap ni Nena.

Tabingi namang ngumiti si Sanya sabay kamot ng batok. “Hehe, nakailang bawi na kayo mama. Pero lagi namang walang handa ang kaarawan ko,” pahapyaw na biro ni Sanya.

Nasaktan man ay dinaan na lamang ni Nena sa biro ang anak. “Oo nga ‘no,” sang-ayon naman ni Nena.

Advertisement

Pangsampung taong kaarawan ngayon ng kaniyang panganay na anak na si Sanya. Ngunit gaya ng dating gawi ay wala na naman silang pagkaing maihahanda sa lamesa.

Sobrang gipit at sakto lamang ang kinikita ng kaniyang asawang si Romel upang makakain silang lahat. Anim ang anak nila. Tatlong babae at tatlo rin ang lalaki. Kaya medyo gipit talaga sa budget.

Kinagabihan ay naghahanda ng hapunan si Nena at gaya rin ng nakagawian ay Pansit Odong ang kaniyang niluto na sinangkapan ng sardinas, upang kahit papaano ay lumasa.

Pamahiin na ng mga Pinoy na mag-pansit sa kaarawan, upang pampahaba daw kako’ ng buhay. Bago pa man naluto ang kaniyang niluluto ay siya namang pagdating ng kaniyang asawang si Romel, may dala-dala itong kung ano-ano.

“Sanya, anak, hali ka rito. Lumapit ka kay papa. May sorpresa ako sa’yo,” tawag ni Romel sa anak.

Agad namang lumapit si Sanya sa ama upang tingnan kung ano ang sorpresa nito.

“Happy birthday ate,” masayang bati ni Romel. “Ito o merong cake na dala si papa,” anito saka abot ng cake sa anak. “Pasensiya ka na anak ah, iyan lang ang nakayanan ni papa e. Gusto ko sanang bumili ng lechon manok at ice cream kaso kapos talaga ang bulsa ni papa. Kaya iyan na lang ang binili ko. Cake at mga chichirya na pagsasaluhan natin.”

Mangiyak-iyak namang yumakap si Sanya sa ama. Labis-labis ang tuwang nadarama, dahil sa wakas kahit cake may handa na sa kaniyang kaarawan.

Advertisement

“Maraming-maraming salamat po papa. Ang akala ko’y gaya ng dati ay wala na naman tayong handa sa kaarawan ko,” umiiyak na wika ni Sanya.

“Oh, huwag ka nang umiyak, Sanya. Siyempre gagawa ng paraan si papa para kahit papaano ay matuloy ang kaarawan ng mahal kong anak,” nakangiting wika ni Romel, habang pinupunasan ang luha sa pisngi ng anak.

“Ito po ang first time kong magkaroon ng cake,” nakangiting wika ni Sanya. “Sigurado pong tuloy na tuloy na ang birthday ko ngayon papa,” masayang wika ni Sanya habang pinupunasan ang luha sa mga mata. “Happy birthday na nga talaga ito.” Dugtong pa niya.

“Masaya na ba ang ate?” Mangiyak-ngiyak na tanong ni Romel.

Walang pag-aalinlangang tumango si Sanya. “Opo. Sobrang saya ko na po. Tuloy na po ang birthday ko dahil sa cake,” ani Sanya saka niyakap ang dalawang pinakamahalagang tao sa buhay niya.

“I love you po Mama at Papa,” wika ni Sanya.

“Mahal na mahal din namin kayo mga anak,” sabay na wika ni Nena at Romel saka sabay-sabay na niyakap ang mga anak.

Gaya ni Sanya ay masayang-masaya rin ang mga kapatid ni Sanya para rito. Ito ang unang beses na nagkaroon ng cake sa lamesa nila kaya hindi kataka-taka ang tuwang nakikita ni Nena sa mukha ng mga anak.

Advertisement

Mangiyak-iyak namang tinitigan nina Romel at Nena si Sanya habang nagwi-wish ito saka hinipan ang kandila na nasa ibabaw ng cake. Maliit na bagay lamang ang ginawa ni Romel para sa anak. Ngunit ang ngiti sa labi ni Sanya ay hindi kayang bayaran ng kahit ano pa mang pera sa mundo.

Hindi mo kailangan ng mamahaling bagay upang pasayahin ang isang tao. Madalas mas makikita mo ang totoong saya sa pinakasimpleng bagay lamang. Minsan kahit simpleng pagpapahalaga ay napakalaking bagay na para sa ibang tao.