Todo ang Kaniyang Pagtataboy sa Isang Batang Namamalimos; May Mahalaga Pala Itong Misyon sa Kaniyang Buhay

Nakasimangot na itinaboy ni Joan ang nakasahod na kamay ng batang namamalimos.

Nakaramdam siya ng labis na inis nang makulit na sumunod sa kaniya ang bata. 

“Ano ba, bata? Wala akong pera, umalis ka nga sa harap ko!” masungit na wika niya sa batang lalaki na sa tingin niya ay mga nasa pitong taong gulang na.

“Sige na ate, pambili ko lang ng makakain,” nagmamakaawang wika ng batang lalaki.

Matigas na napailing si Joan. Hindi kasi siya nanlilimos lalo na’t sa mga batang may mga magulang naman.

Bakit ba niya ipamimigay ang perang pinagpaguran niya sa isang taong hindi niya kilala? Iyon ang laging katwiran ni Joan sa tuwing inuusig siya ng konsensiya.

Patuloy pa rin ang pagsunod ng bata sa kaniya. Sa labis na inis ay hindi niya napigilang sigawan ang bata.

“Wala ka bang magulang? Bakit sa akin ka nanghihingi? Ako ba ang nanay mo?” malakas na bulyaw niya sa batang lalaki.

Advertisement

May nabanaag siyang lungkot nang magsalita ang bata.

“Wala na po ang nanay ko. Ang tatay ko naman ay walang pakialam sa akin,” nakayukong wika ng bata. 

Pinaikot ni Joan ang mata. Napakaraming beses niya na kasi narinig ang ganoon. Naniniwala siyang modus ito.

“Bahala ka riyan,” wika niya sa bata bago binilisan ang paglalakad at lumiko sa isang madilim na eskinitang tatahakin niya pauwi sa kaniyang apartment.

Hindi na siya lumingon pa kaya naman hindi niya alam kung sumunod ang bata o hindi.

Maya-maya ay naramdaman niya na may sumusunod sa kaniya. Sandali siyang huminto sa paglalakad. Ngunit nang dahan-dahan siyang lumingon sa likod ay nakahinga siya nang maluwang nang makitang walang tao. 

Akala niya ay sinundan siya ng makulit na bata. Nagkibit-balikat ang dalaga.

Ngunit unti-unti siyang nakaramdam ng kaba nang ilang sandali lamang ay muli niyang maramdaman na tila may sumusunod sa kaniya. 

Advertisement

Imbes na lumingon ay binilisan ni Joan ang lakad. Tila sasabog ang kaniyang puso nang bumilis din ang paglakad ng kung sinuman sa kaniyang likuran. 

Walang hirap siyang naabutan ng tao sa kaniyang likuran. Namutla si Joan nang marinig ang mahina ngunit marahas na pagbulong ng isang lalaki, kasabay ng pagtusok ng kung ano sa kaniyang tagiliran. 

“Ibigay mo sa akin ang bag mo kung ayaw mong masaktan,” wika ng lalaki.

Nagsimulang manginig si Joan. Ayaw niyang masaktan, subalit malaking pera ang laman ng kaniyang bag at hindi niya iyon maaaring basta-basta ibigay sa lalaki. 

Kaya naman lakas loob niyang siniko ang lalaki bago kumaripas ng takbo. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang bag. 

Ngunit dahil hindi naman sanay sa pagtakbo ay mabilis siyang naabutan ng lalaki.

Napahiyaw si Joan sa hadpi nang haklitin ng lalaki ang mahaba niyang buhok.

“Walang hiya ka, tatakbo ka pa!” matigas na wika ng lalaki bago siya sinampal ng malakas. 

Advertisement

Patuloy na nanlaban si Joan. Nang makakuha ng tiyempo ay sinapak niya sa mukha ang lalaki.

“Talagang pinipikon mo ako, ha!” Gigil na wika ng lalaki. Kinuha nito ang kutsilyong nalaglag.

Akmang uundayan nito ng saks*k si Joan nang isang matinis na boses ang narinig ni Joan.

“Tatay! ‘Wag mo pong gawin ‘yan!” Malakas na sigaw ng isang bata.

Nang lumingon sila sa pinanggalingan ng boses ay namukhaan ni Joan ang makulit na batang kanina lang ay nanlilimos.

Nakaramdam ng galit si Joan. “Siguro, kasabwat ka ng tatay mo!” pang-uusig niya sa bata.

“Naku, hindi po!” Kandailing na wika ng bata habang unti-unting lumalapit sa ama nito.

Nang makatiyempo ay akmang kakaripas ng takbo si Joan subalit nahagip siya ng lalaki.

Advertisement

Napapikit na lamang si Joan at hinintay ang kaniyang katapusan nang makitang uundayan siya ng lalaki ng saks*k. 

Ngunit ilang segundo na ang lumipas ay hindi naramdaman ni Joan ang sakit na inaasahan niya.

Ganoon na lamang ang pagkagimbal ni Joan nang makita ang batang lalaki na mahigpit na nakayakap sa kaniya, habang duguan.

Nanlalaki ang matang napatingin siya sa ama ng bata na tila walang pakialam na kinuha ang kaniyang bag. 

“Bwisit talaga ang batang ‘yan sa buhay ko!” Galit na sigaw nito bago nilisan ang lugar na pinangyarihan ng nakahihindik na krime*n.

Habang minamasdan ang duguang bata ay tila sirang plaka na ang paulit-ulit na sinabi ng bata kanina lamang. 

“Ang tatay ko naman ay walang pakialam sa akin.”

“Ang tatay ko naman ay walang pakialam sa akin.”

Advertisement

“Ang tatay ko naman ay walang pakialam sa akin.”

Bumuhos ang luha ni Joan kasabay ng matinding pagsisisi na hinusgahan niya ang bata. Ito pa pala ang magliligtas sa kaniya sa kapahamakan.

Sa kabutihang palad ay may dumaan na tao sa madilim na bahagi na iyon ng daan kaya nakahingi si Joan ng tulong.

Maraming dugo umano ang nawala sa bata subalit nailigtas ito ng doktor mula sa kamat*yan. 

Abot-abot ang pasasalamat ni Joan. Hindi niya mapapatawad ang sarili kung mawawala ito. 

Nang magising ang bata ay agad na humingi ng tawad si Joan sa bata.

“Patawarin mo ako, at hinusgahan kita,” umiiyak na wika ni Joan.

“Basta po bibigyan mo ako ng pagkain,” pabirong wika ng bata kahit halata ang iniinda nitong sakit.

Advertisement

Labis na humanga si Joan sa bata. Napag-alaman niya na nanlilimos pala ang bata dahil halos araw-araw lango sa pinagbabawal na gamot ang ama nito. Madalas din daw ito pagbuhatan ng kamay ng ama. 

Sa murang edad ay wala itong ibang pagpipilian kundi buhayin ang sarili nito.

Isang desisyon ang nabuo sa isipan ni Joan nang marinig ang kalunos-lunos na kalagayan ng bata. 

“Dito na po ako titira?” namimilog ang matang wika ng batang nakilala niyang si Yoyo habang iniikot ang paningin sa kaniyang bahay.

“Oo, at hindi ka na kailangang matakot tatay mo, dahil hindi na siya makakalapit pa sa’yo,” masuyong wika niya sa bata. 

“Salamat po, ate!” masayang wika ng bata na ilang sandali pa ay abalang abala na sa pagkalikot ng mga bago nitong laruan.

Aliw na aliw na minasdan ni Joan ang batang tuluyan na niyang inampon, si Yoyo. Gusto niya itong protektahan kagaya ng pagpo-protekta na ginawa nito sa kaniya.

Marahil ay nakatadhana talaga silang magtagpo.

Advertisement

Marami siyang natutunan simula nang dumating sa buhay niya si Yoyo.

Napagtanto niya na ang mga materyal na bagay ay hindi niya madadala sa kabilang buhay kaya naman naging mapagbigay siya sa mga nangangailangan. Natutunan niya rin na maging matulungin sa kahit na sino dahil hindi niya alam kung kailan niya kakailanganin ang tulong ng iba.