Inday TrendingInday Trending
Kahit Gipit sa Buhay ay Itinaguyod Pa Rin ng Dalagang Ito ang Isang Matanda, Ito Pala ang Simula ng Kaniyang Swerte

Kahit Gipit sa Buhay ay Itinaguyod Pa Rin ng Dalagang Ito ang Isang Matanda, Ito Pala ang Simula ng Kaniyang Swerte

“Lola! Tingnan mo, may nagbigay sa akin ng menudo! Kanin na lang ang kulang, may pananghalian na tayo!” masiglang sigaw ni Inna, isang araw tanghali matapos niyang manlimos sa palengke.

“Naku, salamat sa Diyos! Tayong dalawa ba ang maghahati d’yan? Paano ang mga kapatid mo?” tanong ni Lola Niña dahilan upang bahagya siyang mapangiti.

“Nakapanlimos na po ako ng mga singkwenta pesos, pagbili ko po ng kanin, ibibili ko na rin sila ng pagkain nila. Tayo po munang dalawa ang kakain nang masarap ngayon, lagi na lang sila, eh, kailangan mo rin ng sustansya,” bulong niya sa matanda saka kumindat dahilan upang mapatawa niya ito.

“Ikaw talaga, ayos lang naman ako,” giit ng matanda saka siya bahagyang tinapik sa balikat.

“Ayos lang din ‘yon, lola, bukas naman, sila ulit ang kakain nang masarap!” pagmamatigas niya, “O, paano po, alis muna ako saglit, ha? Kung nagugutom na po kayo, tikim-tikim na kayo no’ng ulam,” bilin niya pa rito dahilan upang muli itong mapangiti.

“Sige na, dalian mo na’t baka nagugutom na ang mga kapatid mo,” wika nito kaya naman wala na siyang sinayang na minuto’t agad nang umalis sa bahay ng matanda upang bumili nang makakain ng kaniyang mga kapatid.

Si Inna na lang ang tanging tumataguyod sa kaniyang tatlong kapatid simula nang makulong ang kanilang mga magulang dahil sa isang krim*eng naibintang sa mga ito. Ang pangyayaring iyon ang naging inspirasyon niya upang magsumikap sa buhay. ‘Ika niya, “Hindi ako papayag na habang-buhay tatapakan lang kami ng mga mayayamang tao, makukulong kahit walang kasalanan, mamatahin at mamaliitin. Balang-araw, mailalabas ko rin sila mama sa kulungan.”

Ngunit tila hindi sang-ayon sa kaniyang kagustuhan ang tadhana dahil halos lahat na ng trabaho’y kaniya nang napasukan, at wala sa lahat ng mga ito ang naging daan upang magtagumpay siya. Kung hindi siya tinatanggal dahil sa palagi niyang pagkakamali sa trabaho, siya ang umaalis dahil sa pagpapahirap sa kaniya.

Ito ang naging dahilan upang unti-unti na siyang sumuko sa pangarap na pagpapalaya sa kaniyang mga magulang at minabuti niya na lang na manlimos sa lansangan upang kahit pano’y maibsan niya ang kumulong tiyan ng mga kapatid.

Kahit pa kaunting pera lang ang palagi niyang nalilikom, hindi siya nagdadamot sa mga kapwa nanlilimos. Kapag nakabili na siya ng bigas at chicharon para sa mga kapatid, at nakita niyang may sobra pa siyang pera, ibibili niya ito ng tinapay o kahit biscuit para lang ibigay sa mga nanlilimos. Ang gawaing ito’y lagi niyang ginagawa sa tuwing may sobrang pera hanggang sa makilala niya ang isang matandang naninirahan sa isang bakanteng lote sa isang pangmayaman na subdivision.

No’ng una’y ayaw niya itong bigyan ng pagkain dahil nga nakita niyang lumabas ito sa isang pangmayamang subdivision, ngunit nang dalhin siya nito sa bakanteng loteng tinitirhan, doon na siya nakumbinsing alagaan at itaguyod na rin ang kawawang matandang hindi man lang matulungan ng mga mayayamang tao sa paligid niya.

Noong araw na ‘yon, pagkatapos niyang mapakain ang mga kapatid, agad na siyang bumalik sa matanda bitbit-bitbit ang isang plastik ng kanin. Nadatnan niya itong nakaupo na sa sira-sirang papag, nakahain na sa harapan nito ang ulam na bigay niya at dalawang plato’t baso dahilan upang magmadali na siyang isalin ang kaning bitbit.

Habang sila’y kumakain, may iniabot na gusot-gusto na sobre ang matanda dahilan upang agad niya itong buksan. Tumambad sa kaniya ang sandamakmak na ATM cards mula sa iba’t ibang bangko sa Pilipinas, agad siyang tumingin sa matanda’t sinabing, “Lola, may laman ba lahat ito?” tumango-tango lang ito habang nakangiti sa kaniya.

“Naku, lola! Mayaman ka naman pala, eh, bakit nagtitiis ka sa bakanteng loteng ito?”

“Pagmamay-ari ko naman ‘to talaga, naghihintay lang ako nang makakasama. Ang mga anak ko kasi, hindi na ako maalala. Pwede niyo ba akong samahan ng mga kapatid mo sa bahay na ipapatayo ko?” nakangiti nitong sambit dahilan upang maiyak na lang siya tuwa.

Doon niya na rin naikwento sa matanda ang talambuhay niya at nang malaman nitong nakakulong nga ang kaniyang mga magulang, agad itong humanap ng abogado upang mapawalang-sala ang mga ito.

Ilang buwan pa ang lumipas, kasabay ng pagkagawa ng bahay ng matanda, tuluyan nang nakalaya ang kaniyang mga magulang.

Nagdalawang-isip man siyang makitira sa bahay nito kasama ang kaniyang buong pamilya, giit nito, “May mabuti ka kasing puso, Inna, ngayon, hayaan mo akong ibahagi sa pamilya mo ang perang hindi ko naman nagagamit.”

Simula noon, hindi na siya muling nanlimos. Pinag-aral siya ng matanda, habang binigyan nito ng trabaho ang kaniyang ama’t ina dahilan upang hindi sila maging pabigat sa bahay nito.

Doon na siya labis na nakaramdam ng saya. Bukod sa napawalang-sala na ang kaniyang mga magulang, nakatulong pa siya sa matandang mayaman nga, malungkot naman sa buhay.

Minsan talaga, kung sino pa ang kapos sa buhay, sila pa iyong mapagbigay sa kapwa.

Advertisement