Nilalakad ng Binatang Ito ang Ospital Habang Pasan ang Ina, Hindi Niya Lubos Akalain ang Biyayang Natanggap

“Zoe, saan ka na naman pupunta? Alam mo namang may lumalaganap na sakit ngayon, paalis-alis ka, kasama mo pa ang nanay mo!” bulyaw ni Aling Minda sa kaniyang pamangkin, isang umaga nang mapadaan ito sa kaniyang bahay habang siya’y nagdidilig ng kaniyang mga halaman.

“Eh, tita, araw po nang dialysis ni mama ngayon, hindi po pwedeng hindi ko siya madala sa ospital,” magalang na sagot ni Zoe saka inaayos ang pagkakapasan sa inang lambot na lambot na. 

“Naku, ewan ko ba sa’yong bata ka! Ang tiyaga-tiyaga mong ipagamot ‘yang nanay mo, eh, halata namang hindi na tatagal ‘yan! Hindi ka ba nahihirapan? Tatlong beses mong dinadala ‘yan sa ospital, naglalakad ka lang at pasan-pasan ‘yang matandang ‘yan, tapos hindi naman gumagaling!” sermon pa nito dahilan upang bahagyang sumama ang loob niya. 

“Tita naman, parang hindi niyo naman po kapatid si mama. Siyempre nais ko po siyang gumaling kaya kahit mahirap, gagawin ko po,” tugon niya rito na talaga namang labis na ikinagalit ng kaniyang tiyahin. 

“Hay naku, bahala kang bata ka, pinapahirapan mo lang ang sarili mo! Ang layo-layo ng ospital, tapos pag-uwi niyo rito baka may dala pa kayong virus! Diyos ko!” galit na sigaw nito dahilan upang mapatungo na lang siya’t agad na umalis sa lugar na iyon.

‘Ika niya, “Mahaba-haba pa ang lalakarin ko, hindi ko dapat hayaang mawalan ako ng gana dahil lang sa mga sinasabi nila. Ilalaban kita, nanay,” saka siya nakaramdam nang paghigpit ng kapit ng kaniyang ina dahilan upang siya’y bahagyang mapangiti. 

Solong anak ang binatang si Zoe. Dahil nga unico hijo, lahat ng gusto niya noong kasagsagan ng kaniyang mga magulang, kaniyang nakukuha. Palagi siyang pinapasyal ng kaniyang ama sa iba’t ibang palaruan, habang palagi naman siyang dinadala ng kaniyang ina sa mga mamahaling restawran na talaga nga namang labis niyang ikinasasaya.

Ngunit tila totoo talagang bilog ang mundo dahil simula nang sumakabilang buhay ang kaniyang ama dahil sa isang aksidente, nagsimula nang umikot ang kanilang mundo’t tuluyan na silang naghirap.

Advertisement

Naubos nilang mag-ina ang ipon ng kaniyang ama para sa kanilang pang-araw-araw na panggastos, at pangbayad ng kaniyang tuition fee lalo na ngayong nasa kolehiyo na siya.

Hindi naman magawang makapagtrabaho ng kaniyang ina dahil sa karamdaman nito sa lalamunan. Lumolobo kasi ang thyroid nito dahilan upang unti-unti itong mamayat at manghina.

Ngunit kahit pa ganoon, hindi siya nawawalan ng pag-asa sa buhay. Labis niyang pinag-iigihan ang kaniyang pag-aaral dahil para sa kaniya, ito na lang ang tanging pag-asa upang mapagamot niya ang kaniyang ina.

Upang makaipon pa para sa pagpapagamot ng ina, bukod sa pag-aaral, pumapasok pa siya bilang isang serbidor sa isang restawran. Ngunit kahit pa ganoon, hindi pa rin sapat ang kaniyang pera upang maipagamot ito dahilan upang ilakad niya ang kalagayan nito sa kung saan-saang ospital upang makahanap ng libreng gamot.

Sa kabutihang palad, nakatagpo nga siya ng ospital na nagbibigay ng libreng gamot. Kaya lang, ilang linggo pa lang nang magsimulang i-dialysis ang kaniyang ina rito, bigla namang nawalan ng transportasyon dahil sa kumakalat na sakit dahilan upang mapilitan siyang pasanin ang ina’t lakarin ang pagkahaba-habang kalsada para lang maipagamot ito, tatlong beses sa isang linggo. 

Noong araw na ‘yon, habang naglalakad siya sa kalsada, bigla na lang bumuhos ang ulan dahilan upang siya’y mataranta.

Wala siyang mahanap na masisilungan dahilan upang kuhanin niya ang plastik na nakita sa daan at ipantalambong sa inang manginginig na sa lamig.

Kahit na bigat na bigat na sa ina at madulas ang kalsada, tinakbo niya ito para lang mabilis na makarating sa ospital. Naramdaman niyang nanginginig na ang kaniyang ina kaya ‘ika niya, “Nanay tiis-tiis tayo, ha? Medyo malayo pa tayo, eh, pero kaya natin ‘to, ha?” 

Advertisement

Mangiyakngiyak na siya habang bahagyang tumatakbo sa kalsada dahil sa hirap at kabang nararamdaman para sa ina. Wala na siyang ibang magawa kung hindi ang manalanging sana may mabuting loob na tumulong sa kanila.

Tila nagdilang anghel naman siya dahil mayamaya, may isang magarang sasakyan ang tumigil at agad silang pinapasok sa loob.

Hihinga-hinga niyang inilapag ang ina sa upuan at nang magpapasalamat na sana siya sa lalaking nagpasakay sa kanila, labis siyang nagulat nang mamukhaan ito.

“Mayor?” sambit niya, tumango-tango lang ito’t tinapik siya sa balikat.

“Maraming nakakakita sa’yo rito sa kalsadang ito at labis silang humahanga sa dedikasyon mong mapagaling ang nanay mo, kaya nandito ako ngayon, tutulungan kita, ang laban niyong mag-ina, laban na nating lahat,” sambit nito na labis niyang ikinaiyak.

Simula noon, bumuhos ang donasyon para sa kanilang mag-ina. Pagkain, iba’t ibang gamit sa bahay, pera, gamot, lahat na, dahil upang labis siyang matuwa’t magpasalamat.

Lalo pa siyang natuwa dahil unti-unti nang bumabalik sa dating sigla ang kaniyang ina. Nanunumbalik na rin ang dating malusog na katawan nito’t humuhupa na ang bukol sa leeg nito dahilan upang mapaiyak na lang siya sa tuwang nararamdaman.

Ika niya, “Kung nakinig pala ako sa tiyahin ko, siguro, wala na ngayon ang nanay ko. Salamat sa Diyos, hindi Niya ako hinayaang sumuko,” saka niya niyakap ang inang ngayo’y nakakagalaw-galaw na sa bahay.