Iniwan ng Kasintahan ang Lalaking Ito Dahil sa Kahirapan, Ito ang Ginawa Niyang Inspirasyon Upang Lumaban sa Buhay

Iniwan ng Kasintahan ang Lalaking Ito Dahil sa Kahirapan, Ito ang Ginawa Niyang Inspirasyon Upang Lumaban sa Buhay

InspiringStoriesSuccess

“Talaga bang iiwan mo ako para doon sa mayamang lalaking nireto sa’yo ng kaibigan mo?” mangiyakngiyak na tanong ni Joey sa kasintahan, isang umaga nang magising siyang nag-eempake na ito ng mga gamit. 

“Oo,” pabalang na sagot nito nang hindi man lang tumitingin sa kaniya. 

“Itatapon mo na lang ‘yong pitong taong relasyon natin para doon?” tanong niya pa, bahagyang napalakas ang kaniyang boses dahilan upang mapabuntong hininga ang dalaga saka siya sinumbatan. 

“Iyon nga, eh, pitong taon na tayo, Joey! Pero kahit ni minsan, hindi mo ako nadala sa isang restawran, ni hindi mo ako nabilhan ng tig sisikwentang damit o tig-dadalawang daang sapatos! Tuwing anibersaryo natin, saan mo ako dinadala? Doon sa tusok-tusok ni Mang Jose tapos tig-sasampung pisong kikiam lang tayo! Magising ka nga sa kahibangan mo! Kahit sino naman siguro, ganito ang gagawin!” panunumbat nito na labis niyang ikinadurog dahilan upang unti-unti nang mangilid ang luha niya. 

“Pa-pasensiya ka na, Clara, akala ko kasi ayos lang sa’yo na gano’n lang ang nakakayanan ko,” nakatungong sambit niya, pigil-pigil ang mga luhang nais nang kumawala. 

“Ayos lang naman talaga, eh, hindi ko kayang habang-buhay, ganoon ang sitwasyon ng buhay ko dahil sa’yo!” bulyaw nito saka tuluyan nang nilisan ang nirentahan nilang maliit na barung-barong, nais man niyang habulin ang kasintahan, hindi niya magawa dahil sa sakit ng mga sinabi nito na pawang mga katotohanan. 

Sa pangangalakal tinataguyod ni Joey ang kinakasamang kasintahan sa loob ng pitong taon. Maayos naman talaga ang kanilang buhay, bukod sa nakakaraos sila sa araw-araw, kuntento at masaya sila sa buhay na mayroon sila. Simple man at medyo gipit, puno naman ng pagmamahal ang munti nilang bahay. 

Kaya ganoon na lang ang kaniyang pasasalamat dahil nakatagpo siya ng isang babaeng hindi natingin sa kaniyang bulsa. Masaya na itong may itlog o kahit tuyo sa kanilang hapag-kainan. Kahit nga tagpipisong chichirya sa sari-sari store ang kanilang ulam, masaya pa rin itong kumakain kasama siya dahilan upang makampante siyang kahit anong mangyari sa kanilang dalawa, hindi siya nito iiwan. ‘Ika niya, “Subok na kami nang hirap ng buhay, sigurado akong pakakasalan ako nito kapag nakapag-ipon na ako.” 

Wala siyang sinayang kahit na piso, lahat ng sobra sa kinikita niya, itinatabi niya upang makabili ng kanilang singsing. Ngunit dahil sa liit ng kaniyang kinikita araw-araw, ilang anibersaryo ang simple nilang ipinagdiwang para lang siya’y makaipon ng pera. 

Ngunit ngayo’y may sapat na siyang pera, bigla na lang nanlamig ang kaniyang nobya at doon na nga niya nalamang may nanliligaw na ritong mayamang lalaki. Ginawa man niya ang lahat upang makuha muli ang babaeng nais niyang makasama habambuhay, tila huli na ang lahat dahil buo na ang desisyon nitong sumama sa naturang lalaking iyon. 

Noong araw na ‘yon, para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Hindi siya makagalaw sa labis na sakit na nararamdaman. Hindi niya lubos akalaing sa isang iglap, mawawala sa kaniya ang babaeng dahilan nang labis niyang pag-iipon. 

Habang ninanamnam niya ang sakit na dala ng kasintahan, napag-isip-isip niyang kailangan niyang umangat sa buhay upang mapatunayang hindi siya habang-buhay na ganoon. Ang limang libong pisong ipon niya pambili sana ng singsing sa kanilang kasal, ginamit niyang puhunan upang makapagsimula ng isang negosyo. 

Nagtungo siya sa Divisoria at doon namili ng mga gamit na kaniyang ilalako. Hirap man sa umpisa dahil nga wala pa siyang mga suki, hindi pa rin siya sumuko.

Halos nalilibot niya araw-araw ang buo nilang lalawigan para lang makabenta at dahil nga sipag at tiyaga ang kaniyang ipinuhunan sa negosyo niyang ito, ang dating lalaking naglalako nang kung ano-ano sa kalye, may sarili na ngayong pwesto sa palengke dahilan upang tuluyan siyang makaipon. 

Ngunit hindi pa siya roon tumigil, lalo pa siyang nagsumikap hanggang sa dumami ang kaniyang tindahan sa iba’t ibang sulok ng kanilang lalawigan. Kung dati’y nagpupunta pa siya ng Divisoria upang kumuha ng mga paninda, ngayo’y siya na ang pinupuntahan ng mga taong nais magsimula ng maliit na negosyo. 

Nagtuloy-tuloy ang biyaya sa kaniyang negosyo hanggang sa nakapagpatayo na siya ng isang mall sa ilalim ng kaniyang pangalan. ‘Ika niya sa hangin, “Sabi sa’yo, eh, hindi habambuhay, mahirap ka.” 

Nakatatanggap man siya ng balitang naghihirap na ang lalaking kinakasama ng dati niyang nobya, minabuti niyang hindi na ito gambalain dahil ayaw niyang balikan siya nito dahil sa perang mayroon siya ngayon. 

More Stories