Muling Nakipagkita ang Misis sa Kaniyang Dating Mister Dahil may Ibibigay Raw Siya Rito; Muli Kaya Silang Magkabalikan?

Muling Nakipagkita ang Misis sa Kaniyang Dating Mister Dahil may Ibibigay Raw Siya Rito; Muli Kaya Silang Magkabalikan?

HeartbreakingLoveStories

“Darling, sino ang tumawag?” tanong ni Cecille sa kaniyang kinakasamang si Victor, na noon ay abala sa pagla-laptop.

Sumulyap si Victor kay Cecille bago sumagot. “Si Agnes…”

Napahinto si Cecille sa pagtutupi ng mga inakas na damit.

“Si Agnes? B-Bakit daw? Umuwi na siya rito sa Pilipinas?” tanong ni Cecille.

“Nagtatanong… baka puwede raw makipagkita. May ibibigay raw siya. Sabi ko… tatanungin muna kita kung ayos lang sa iyo… na magkita kami.”

Muling napasulyap si Cecille kay Victor. Pagkaraan, ibinaba niya ang tingin at ibinalik sa mga damit na kailangang tupiin.

“Ikaw… ayos lang naman sa akin. Mukhang importante yata ang ibibigay niya sa iyo. Annulment papers ba iyan?”

Lumapit si Victor kay Cecille at msuyo itong hinawakan sa baba. Iniangat ang mukha at pinakatitigan.

“Nagseselos ka ba? Hindi ka ba komportable? Sabihin mo lang para hindi na ako makipagkita sa kaniya…”

“Victor… siyempre hindi mo naman maaalis sa akin na hindi magselos. Dati mo siyang asawa…” saglit na napahinto si Cecille, saka itinuwid ang kaniyang pahayag, “I mean, mag-asawa pa pala kayo kasi hindi naman kayo nagpa-annul. Technically mag-asawa pa rin kayo sa mata ng batas, kaya ayos lamang. Wala naman siguro akong dapat ikapangamba hindi ba?” tanong ni Cecille. Tanong na sa palagay ni Victor ay nagnanais ng tugon na magbibigay ng kasiguraduhan.

Sa halip na salita, masuyo at banayad na halik ang isinukli ni Victor kay Cecille; ang babaeng sumalo sa kaniya nang buong-buo, sa mga panahong hindi niya mabuhat ang sarili mula sa pagkakalugmok.

Pinaunlakan ni Victor ang paanyaya ng asawang si Agnes. Bumiyahe si Victor at nagtungo sa dati nilang bahay sa Cavite. Tiwangwang na ito, dahil matagal na nanirahan si Agnes sa ibang bansa.

Pinagmasdan ni Victor ang paligid. Mukhang luma na ang bahay na may dalawang palapag, subalit napanatili pa rin nito ang kariktan. Doon sila unang tumira ni Agnes nang sila ay ikasal at nagsisimula pa lamang. Namana ito ni Agnes mula sa kaniyang mga magulang, na minana naman mula sa kanilang mga ninuno.

Muling nanumbalik kay Victor ang nakaraan, lalo na nang masilayan niya ang malaking hagdanan sa loob nito. Sa hagdanang iyon kung saan binuhat niya at inakyat pataas noon ang asawang si Agnes para sa kanilang pulot-gata. Subalit mabilis niya itong iwinaksi.

“Victor… kumusta?”

Napukaw ang atensyon ni Victor sa pamilyar na tinig. Si Agnes. Subalit nakakapanibago. Iba ang awra ng mukha nito. Parang malungkot. Parang may mabigat na bagahe. Malaki ang pinagbago nito. Naupo sila sa antigong mesa.

“It’s been years, Victor… lalo kang gumwapo. Mahusay mag-alaga si Cecille,” basag ni Agnes sa katahimikan.

“Salamat. Ano palang atin?” tanong ni Victor sa dating asawa.

Inilabas ni Agnes ang isang brown envelope at ibinigay kay Victor.

“Titulo iyan ng bahay at lupang ito, Victor. Ipinagkakatiwala ko na sa iyo. Sayang eh. Puwede mong iparestore, para ganoon pa rin ang hitsura. Hindi mababago. Sayang naman ang Hispanic style kung babaguhin. Tuluyan na kasi akong maninirahan sa ibang bansa. Hindi na ako babalik… dahil wala na akong babalikan,” sabi ni Agnes.

Gulat na gulat naman si Victor.

“Bakit sa akin?” tanong ni Victor.

“Well, sa ilalim ng batas, asawa pa rin kita. May karapatan ka pa rin sa mga properties ko. Kaya sa iyo ko ipinagkakatiwala. Ang hiling ko lang, restoration ang gawin mo sa bahay na ito, kung sakaling papagawa mo,” bilin ni Agnes.

“S-salamat kung gayon. Pero kung ako tatanungin mo, hindi na kasi tayo sigurado kung maayos o matatag pa ang pundasyon nito, kaya siguro renovation na lang? Ipagigiba ko ang bahay tapos patatayuan ko nang bago, okay lang ba sa iyo?” tanong ni Victor.

“Ikaw na ang bahala kasi ikaw na ang caretaker nito, though ang gusto ko sana ay restoration,” giit ni Agnes.

Saglit na katahimikan. Mga sampung segundo, bago binasag ni Agnes.

“Victor, I’m sorry sa ginawa kong pang-iiwan sa iyo noon. Naging makasarili ako. Mataas kasi ang ambisyon ko. Nakalimutan ko, may asawa na pala ako. Hindi ko naikonsidera ang damdamin mo. Alam ko masaya ka na ngayon sa piling ng kaibigan kong si Cecille. At masaya ako dahil doon,” pagbulalas ni Agnes ng kaniyang damdamin.

Tapat na nginitian ni Victor ang dating asawa.

“May sari-sarili na tayong buhay, Agnes. Masaya ako na naabot mo ang mga pangarap mo,” sabi ni Victor.

“Victor… bago ka umalis… gusto kitang tanungin… mahal mo pa ba ako? Kaya ka nagpunta rito para makita ako ulit?” paglalakas-loob na tanong ni Agnes sa hiniwalayang mister.

May ilang segundo bago sumagot si Victor.

“Minahal kita, Agnes. Alam mo iyan. Kaya kita hinarap ngayon kasi kaya ko na. Dahil hindi na kita mahal…” tapat na tugon ni Victor.

Ngumiti naman si Agnes. Nauunawaan niya ang sinabi ni Victor. Bago tuluyang umuwi, nagyakap muna sa huling pagkakataon ang dalawa. Si Victor na ang nagsara ng tarangkahan, naiwan pa sa loob si Agnes upang ligpitin ang mga natitira pang gamit. Tila nawala ang matagal nang nakadagang kung ano sa dibdib ni Victor. Nasasabik na siyang mayakap ang mahal na mahal na kinakasamang si Cecille. Bago umuwi, bumili muna siya ng paborito nilang doughnuts bilang pasalubong.

Makalipas ang isang buwan, saka lamang sinilip ni Victor ang titulo ng bahay na ibinigay ni Agnes. Subalit may iba pa palang laman ang envelope na kinalalagyan nito. Isang sulat. Binasa niya. Nagulantang siya sa kaniyang mga nabasa. May dahilan pala ang pagbibigay sa kaniya ng titulo ng bahay. May malalang sakit si Agnes at bilang na lamang ang mga araw nito.

“Sa pagkawala ko ay lalaya ka na Victor. Pakasalan mo si Cecille. Deserve ninyong lumigaya,” bahagi ng sulat ni Agnes.

Ginawa ni Victor ang kaniyang makakaya upang mapag-alaman ang kalagayan ni Agnes. Batay sa mga kaanak nito, ay tuluyan na itong nagpagupo sa sakit at sumakabilang-buhay na.

“Salamat Agnes… salamat sa kalayaang ibinigay mo. Maligayang paglalakbay sa kabilang buhay,” naiusal ni Victor sa sarili habang tinitingnan ang hawak na titulo ng bahay at lupa sa Cavite.

Makalipas ang isang taon at nagpakasal na rin sina Victor at Cecille. Ipinagawa nila ang bahay sa Cavite at doon na sila nanirahan.

More Stories