Idiniin ng Ginang ang Isang Pamilya dahil lang sa Isang Away-Bata; Ilang Buwan ang Nakalipas ay Siya pala ang Magiging Laman ng Balita

Idiniin ng Ginang ang Isang Pamilya dahil lang sa Isang Away-Bata; Ilang Buwan ang Nakalipas ay Siya pala ang Magiging Laman ng Balita

InspiringKarmaStories

“Aray ko, Robert! Bakit ka ba laging namamatid, ha?” sigaw ni Billy sa kaniyang kaklase. 

“Wala. Masarap kasing pagtripan ang isang lampang kagaya mo!” tumatawang tugon ng bata. 

“Akala mo d’yan! Porkit malaki ka at mayaman ang mga magulang mo ay kaya mo nang gawin ang lahat!” sambit muli ni Billy. 

“Oo, bakit lalaban ka? Hindi kami kagaya ng pamilya ninyo na walang binatbat. Hindi ko nga alam kung bakit natanggap ka sa eskwelahang ito, e, hindi naman kayamanan ang pamilya n’yo!” bulyaw ni Robert sa kaklase. 

“Sumusobra ka na talaga!” sigaw ni Billy sabay suntok sa kaklase. 

Napatumba si Robert sa lakas ng pagkakasuntok ni Billy at tumama ang kaniyang ulo sa pader. Mabuti na lamang ay hindi ganoong katindi ang naging pinsala sa kaniyang ulo. Nagkabukol lamang ito. Ngunit matapos ang insidenteng iyon ay nagsumbong si Robert sa kaniyang mga magulang. 

Madalas kung inisin ni Robert ang kaklaseng si Billy. Palibhasa’y ‘di hamak na mas malaki ang pangangatawan niya dito at palagi pa itong nag-iisa. Maraming beses na ring pinalagpas ni Billy ang pag-iinis sa kaniya ni Robert. Kahit na madalas ay nasasaktan siya nito ng emosyonal at pisikal ay hindi na lang niya ginawang lumaban sa bilin na din ng kaniyang ina. 

Lubusang mayaman at makapangyarihan ang mga magulang ni Robert. Isa sila sa mga pinakamayayamang pamilya na sa eskwelahan kaya ganoon na lamang umasta ang bata. Samantalang si Billy naman ay nakapasok lamang sa ekslusibong paaralang iyon sapagkat may angkin siyang talino.

Kaya ganoon na lamang ang galit ng mga magulang ni Robert nang malaman na nasaktan ang kanilang anak. 

“Hindi ko mapapahintulutan na nagpapapasok kayo sa paaralang ito ng mga taong walang urbanidad. Nananahimik ang anak ko at bigla na lamang siyang sasaktan ng batang ito! Ni hindi nga namin siya pinapadapuan sa lamok tapos ay ganito na lang ang kaniyang gagawin? Mabuti na lamang at hindi siya pinatulan ng anak ko kung hindi ay baka sa ospital siya pulutin,” nagngangalit na pahayag ng ina ni Robert. 

“Mawalang galang na po sa inyo. Ngunit hindi po ganiyan ang pagpapalaki namin sa anak namin. Ang anak ninyo po ang laging nang-iinis sa anak namin kaya nang hindi na siya makapagpigil ay nasaktan niya ito. Kung hindi naman niya pinagsasalitaan at ginagawan ng masama ang aming anak ay hindi siya gaganti,” pahayag naman ng ina ni Billy. 

Dahil nahahalata na ng mga magulang ni Robert na mas pumapanig na sa kabila ang mga pamunuan ng paaralan ay bigla na lamang itong gumawa ng istorya. Ipinadoktor pa nila ang kanilang anak at nagsabi ng iba’t ibang pinasala para lamang madagdagan ang kaso ng bata. 

Nang hindi na pinapanigan ng paaralan ang mga kwento ng pamilya nila Robert ay mas pinersonal nila ang laban. Nagpakalat sila ng kung anu-anong masasamang balita sa paaralan tungkol sa pamilya ni Billy. 

Siniraan din nila ang maliit na negosyong karinderya ng mag-asawa. 

“Ma, tama na po. Aalis na lang po ako sa paaralang iyon. Hindi ko po maaatim na pati kayo ay madadamay rito,” naiiyak na sambit ng bata. 

“Alam ng Diyos ang katotohanan, anak. H’wag kang magpaapekto sa kanila. Kahit na bumagsak pa ang negosyo natin ay hindi nila tayo mapapabagsak dahil wala tayong ginagawang masama. Darating din ang araw na babalik din sa kanila ang lahat ng kanilang ginagawa,” sambit ng ama ni Billy. 

Kahit na nanlulumo sa lahat ng nangyayari sa kanila ay pilit na ipinagwalang bahala ito ni Billy. Sumunod siya sa kaniyang mga magulang at pilit siyang hindi nagpaapekto dito. 

Samantala ay ginawa ng mag-asawa ang lahat para makabangon ang kanilang karinderya. Napatuyan nila sa lahat na walang mali sa kanilang itinitinda at lahat ng ito ay masarap. 

Nais man ni Billy na gumanti sa lahat ng pangmamaliit at lahat ng kasamaan na ginawa sa kanila ng pamilya ni Robert ay ipinagpasa-Diyos na lamang niya ang mga ito. Alam niyang balang-araw ay matatanggap din ng pamilyang ito ang nararapat sa kanila. 

Isang taon ang nakalipas at nagbalik na ang lahat sa ayos. Muling lumakas ang benta sa karinderya ng mga agulang ni Billy. Nakakapasok na si Billy sa paaralan ng walang kahit anong iniinda kahit na madalas pa rin siyang asarin ni Robert. 

“Robert, hindi pa huli para magbago ka. Hindi tama ang ginagawa mo. Siguro nga ay kaya ninyong paikutin ang ibang tao dahil sa marami kayong pera at koneksyon. Pero tandaan mo na ang katotoohanan pa rin ang mananaig. Kahit hindi ka humihingi ng kapatawaran sa akin ay pinapatawad na kita,” sambit ni Billy sa kaklase. 

“Kapal naman ng mukha mo rin, ano? Kahit kailan ay hindi ako manghihingi ng paumanhin sa isang hampas lupa na kagaya mo! Kahit kailan ay hindi kayo magiging mayaman tulad namin!” pagmamalaki ng bata. 

Maya-maya ay bigla na lamang sinundo ng mga social workers ang batang si Robert sa eskwelahan. Sinabi nito sa kaniya ang nangyari sa kaniyang mga magulang na matagal na dinampot na ito sa kanilang bahay at ngayon ay nasa bilangguan. 

Hindi alam ni Robert ang kaniyang gagawin sapagkat kalat na rin kasi ang balita na ang kanilang mga magulang ay nagmamay-ari pala ng malalaking pyramid*ng scheme. Maraming tao ang kanilang naloko. Dinispalko nila ang pera ng mga ito para mabuhay sila sa paraang kanilang nais. 

Laman ng bawat dyaryo, radyo at telebisyon ang balitang dinakip na at ikinulong na sa piitan ang mga magulang ni Robert. Lubusang kahihiyan ang nangyayari ngayon sa pamilyang ito. Ang batang si robert naman ay lubusan ang lungkot na nararamdaman dahil hindi na siya makababalik pa sa paaralang iyon dahil wala na silang kakayahan ang pamilya niya na pag-aralin siya sa nasabing ekslusibong paaralan. 

Nagulat ang mga magulang ni Billy nang malaman ang kinasasangkutan ng pamilya ng kaaway ng anak. Kahit na ganito ang nangyari sa pamilyang ito ay hindi ito ikinatuwa ng mag-asawa. Bagkus ay ikinalungkot nila ito dahil sa ganitong paraan pa natutunan ng pamilya ng batang si Robert ang matinding leksyon sa kanilang buhay. 

More Stories