Inday TrendingInday Trending
Nasunog ang Gusali Kung Saan Naroon ang Lalaki, Isang Matanda ang Nagligtas sa Kanya

Nasunog ang Gusali Kung Saan Naroon ang Lalaki, Isang Matanda ang Nagligtas sa Kanya

Noong umagang iyon ay nakagayak si Kier na pumunta sa pakikipagpulong sa isang kliyente ng kanyang kumpanya. Si Kier ay isang Engineer ng Malvar Co. Ang isa sa pinaka-sikat na construction firm sa bansa.

Tulog pa ang asawa niya nang siya ay tumayo mula sa kama. Agad na naligo si Kier at mabilis na nagbihis. Wala ng oras upang mag-almusal kung kaya’t naghanda na lamang siya ng kape at maya-maya ay umalis na rin.

“Kailangan na makarating ako sa oras,” bulong niya sa sarili.

Magpapakita ng mga plano si Kier sa kanyang kliyente. Patungo siya sa pinakamataas na gusali sa Makati. Naroon ang opisina ng kanyang pinaka-importanteng kliyente.

Habang nasa biyahe ay naalala niya ang gabing nagdaan na kasama ang asawang si Marines. Kapwa sila mahigit singkwenta anyos na. Sila’y dalawampung taong kasal na. Hindi sila biniyaaan na magkaroon ng anak dahil isa sa kanila ay may problema sa pagkakaroon nito.

Kumain sila sa labas na mag-asawa. Ipinagdiwang nila ang kanilang wedding anniversary sa isang paboritong restaurant. Matapos ang hapunan ay magkahawak ang kamay na naglakad ang dalawa sa isang maliit na kalye sa Ortigas pauwi sa kanilang condo.

“Dalawampung taon,” wika ni Marines. “Ganoon na ba tayo katanda?”

“Ang edad ay nasa isip at puso. Kung anong pakiramdam mo, iyon ang edad mo,” sagot ni Kier.

“Napaligaya mo ako, Kier. Nagpapasalamat ako sa iyo at nangangakong mamahalin ka sa natitira pang panahon sa ating buhay.”

“Ganoon din ang pakiramdam ko, Marines. Ang hiling ko sa Diyos ay pagbigyan Niya sana tayo na magkaroon pa ng mas mahaba pang buhay, na tayo’y magpatuloy na malusog, maligaya sa piling ng isa’t isa, at malayo sa anumang sakit at kapahamakan. Sana ay mauna Niya akong bawiin, kung panahon na at nang ‘di ko maranasan ang mawala ka sa aking piling.”

Maya-maya ay nagpasya nang matulog ang dalawa at humiga na sa kama. Yakap-yakap ni Marines ang asawa at bago ipinikit ang mata ay sinabi muli kung gaano niya ito kamahal.

“Yakapin mo ako, Kier, ewan ko kung bakit nanlalamig ako na parang ninenerbiyos,” anito.

Niyakap ni Kier ang asawa at ‘di nagtagal ay kapwa na sila nakatulog.

Kay laki-laki ng gusaling pinuntahan ni Kier. Libo-libo ang mga taong nagpupunta doon araw-araw, ang pugad ng daang mga opisina, negosyo, tindahan, restaurant, at kung ano-ano pa.

Humigit-kumulang ay kalahating oras nang nakikipagpulong si Kier sa kanyang kliyente. Katulad ng maraming meeting, ang pag-uusap ay hindi naman puro business lamang. May kaunting kuwentuhan, biruan, higop ng mainit na kape at iba pa. Sa kalagitnaan ng maganda at mahinahon nilang pag-uusap ay bigla na lamang nagsigawan ang mga tao at ang alarma ay nagsimulang tumunog nang malakas.

“Sunog, sunog!” sigaw ng kausap ni Kier.

“Takbo. Dali. Kailangang makababa tayo at makalabas ng gusali kaagad!” nagmamadali at nahihintakutang payo ng kliyente. Takbo naman si Kier, sunod-sunod sa likod ng kanyang kliyente.

“Hintay! Naiwan ko ang aking maleta at mga plano,” naalala ng lalaki. Ibig niyang bumalik sa opisina upang kunin ang gamit.

“Kier, keep going! It’s not safe to go back. Forget whatever you left behind. Run!” wika ng kliyente.

Sumunod si Kier sa payo nito. Hindi na sila sumakay sa elevator. Tumakbo sila pababa sa stairway. At sila’y nakalabas. Ganoon din ang ginawa ng maraming taong naroroon na sa gusali noong minuto na iyon.

Sa konting oras pa lang ay kalat na ang apoy sa buong gusali. Hindi na makita nina Kier ang daan palabas dahil sa matinding usok.

Maya-maya ay nakaramdam ng pagkahilo si Kier.

“Ugh…huwag ngayon pakiusap po. Hayaan niyo po akong malabas dito…” sambit ng lalaki.

Hindi na siya makahinga sa sobrang tindi ng usok na nalanghap niya. Hindi niya namalayan na nawalan na siya ng malay kung saan napapalibutan na ng apoy ang lugar na kinaroroonan niya. Walang ibang nakakita sa kanya dahil ‘di sinasadyang nagkahiwalay sila ng landas ng kanyang kliyente.

Maya-maya ay dumating na ang mga bumbero at pulis kasabay ang mga sirena ng kanilang mga truck at kotse ay nakatutulig sa lakas ng hiyaw habang tumatakbo sa lansangan. Naglabasan na rin sa kalsada at nag-ipon ang mga tao sa kung saan makikita nila ang nangyayari. Sa pagmumukha nila ay makikita ang takot, pangamba, pagtataka.

Sa bahay ni Kier, ang asawa ay halos mahimatay sa nakikitang pangyayari sa telebisyon. Ipinasahimpapawid na ang nangyayaring sunog sa gusali kung saan pumunta ang kanyang asawa. Nanlalamig siya sa takot at nararamdaman niya ang kabog ng kanyang puso.

“Diyos ko, naroroon si Kier!” nag-aalalang sabi ni Marines. “Iligtas Niyo po sa kapahamakan ang aking asawa! Siya na lamang po ang kaisa-isang kasama ko sa buhay!” aniya.

Gamit ang cell phone ay tinawagan ni Marines ang asawa. Walang sumasagot. Una lamang iyon sa marahil ay isang daang ulit niyang pagtawag sa cell phone ng lalaki. Ang hindi alam ng babae ay naiwan ni Kier ang cell phone nito sa opisina ng kliyente.

Alas nuwebe na nang gabi ay wala pa ring balita kay Kier. Hindi mailarawan ang anyo ni Marines o maipaliwanag ang kanyang niloloob sa mga oras na iyon. Tila siya ay nauupos na kandila, na nasa pagitan ng sindak at takot at pakiramdam na siya ay mawawalan ng buhay dahil sa atake sa puso.

“Parang awa na po Ninyo, pangalagaan po ninyo ang aking asawa…” paulit-ulit niyang samo.

Nang biglang tumunog ang doorbell sa pintuan. Halos wala nang malay si Marines sanhi ng pagod at matinding kalungkutan. Sang-ilog na marahil ang iniluha niya at garil na ang boses sa katitili at kahihingi ng pakiusap sa Diyos.

Inipon niya ang naiiwan pang lakas at marahang pumunta sa pintuan. Binuksan niya ang pinto at laking gulat niya nang makita kung sino ang nakatayo sa labas.

“Kier!”

“Ako nga, Marines.”

Nagyakapan ang dalawa at kapwa nagsimulang umiyak.

“Salamat sa Diyos at buhay ka, Kier!” hagulgol ng babae.

“Ang akala ko ay katapusan ko na, subalit nang ako’y himatayin sa sobrang tindi ng usok na bumalot kanina sa nasusunog na gusali ay may kung sinong gumising sa akin. Isang matandang lalaki na hindi ko maalala kung ano ang hitsura. Niyugyog niya ang aking katawan hanggang sa tuluyan akong magising. Pagkatapos ay sinamahan niya ako palabas ng gusali. Nang makalabas ako ay laking pagtataka ko dahil bigla na lamang nawala ang matandang tumulong sa akin,” sabi ni Kier.

“Iniligtas ka Niya, mahal ko! Dininig Niya ang aking panalangin!” umiiyak pa rin wika ni Marines.

“Tahan na, mahal ko… may dahilan ang lahat kung bakit hinayaan ng Diyos na makabalik ako sa piling mo,” bulong ni Kier sa tainga ng asawa, sabay himas sa likod nito.

Laking pasasalamat ng mag-asawa sa pagkakaligtas ni Kier sa sunog. Hindi man nila lubos na kilala ang tumulong sa lalaki ay alam nila na iyon ang Diyos na nagbalatkayong tao. Napagtanto nila na basta patuloy kang nananalig at naniniwala, ang tulong ay kusang darating sa oras na kinailangan sa anumang anyo at pagkakataon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement