Inakala ng Binata na ang Magandang Dalagang Kapitbahay ang Napupusuan Niya, ang Bagsak Lang Pala Niya ay sa Kapatid Nitong Beki?
“Pare, kay gandang babae naman nung bagong lipat diyan sa kabilang bahay ‘no!”
“Sino, iyong tisay? May pagka-supladita naman iyon e!” wika ni Brix sa kaibigang si Angelo.
Malakas kasi ang tama ng binata sa bagong lipat nilang kapit-bahay. Bukod kasi sa maputi nitong balat na nakakahalina ay mayroon din itong maamong mukha na parang sa anghel ngunit tama ang kaibigan nito na suplada ang dalaga.
“Itanong mo naman ang pangalan kapag minsang bumili sa tindahan niyo, pare,” sabi ni Angelo.
“Bumili na nga iyon nung nakaraang araw. Parang ang gaspang ng ugali kung magtanong sa akin. Papatulan ko sana kaso babae pa rin ang loka.”
“Baka naman may pinagdaraanan lang, ito naman napaka-judgmental.”
“Hay naku, bahala ka! Basta ako hindi ko siya type. Mas okay pa iyong kapatid niyang lalaki, e. Kapag bumibili rito ay palaging nakangiti.”
Natawa si Angelo sa sinabi ni Brix.
“Baka naman binabae at may pagtingin sa iyo,” tatawa-tawang sabi ng binata.
“Alam mo, may pagka-beki nga. Kasi ang lamyang magsalita. Pero kung naging babae iyon ay mas maganda pa siya sa kapatid niya.”
Nang sumunod na araw ay muling nakita ni Angelo ang crush niyang babae. Nagtatapon ito ng basura sa labas ng bahay. Hindi siya nahiya at nilapitan ang dalaga.
“Hi, kayo ba ang bagong lipat diyan?” tanong niya.
Pinagmasdan muna siya ng dalaga mula ulo hanggang paa bago sumagot.
“Oo, kami nga. Bakit?”
“Ako nga pala si Angelo. Diyan lang ako nakatira sa tapat ng bahay niyo. Palagi ka kasing kinukuwento ng kaibigan kong si Brix, iyong may-ari ng tindahan na katabi ng bahay namin.”
“A, okay. Sige ha mauna na ako. Marami pa kasi akong gagawin e,” sabi ng dalaga na parang naiinip na.
“S-sige,” tangi niyang nasabi.
“Ano ka ba Gelo? Hindi mo na naman naitanong ang pangalan niya, kainis ka!” aniya sa sarili.
Ang hindi niya alam ay lihim na nakatingin sa kanya ang kapatid ng babae na nakasilip sa bintana.
Kinagabihan ay nakatambay na naman ang binata sa tindahan ni Brix.
“Pare, naroon na ako pero hindi ko pa rin naitanong ang pangalan niya, kakabuwiset!” inis na sabi ng binata.
“Sinabi ko na sa iyo na wala kang mapapala sa babaeng iyon. Ang tigas kasi ng ulo mo, e!”
“Kahit pangalan lang ang makuha ko, solve na ako,” tulungan mo naman ako pare,” pagsusumamo ni Angelo.
Maya-maya ay hindi nila inasahan kung sino ang bumili sa tindahan.
“Pagbilhan nga po ng mantika!” tawag ng babae.
Nang lingunin ng dalawa kung sino ang nagsalita ay laking gulat nila. Ang babaeng bagong lipat ang bumibili sa tindahan.
Pinagbilhan ni Brix ang babae at pasimpleng tinanong ang pangalan nito para sa kaibigan.
“A, e miss ano ulit ang pangalan mo? Kilala ko lahat ng mga kapitbahay natin dito kaya maaari bang mahingi ang sa iyo,” aniya.
“Sure, I’m Desiree!” matipid na wika ng babae bago ito tuluyang umalis.
Halos kiligin naman si Angelo nang makuha ng kaibigan ang pangalan ng babaeng hinahangaan.
“Desiree daw ang pangalan ng crush mo. Ano, masaya ka na?” wika ng kaibigan.
Ngayong alam na ng binata ang pangalan ng dalaga ay may plano siyang ligawan ito.
Kinaumagahan, habang nagbabantay sa tindahan si Brix ay lumapit ang kapatid ni Desiree sa kanya at may itinanong.
“Magandang umaga! I-itatanong ko ko lang kung ano ang pangalan nung lalaki na palaging nakatambay dito sa tindahan mo?” pag-uusisa nito.
Palihim na natawa si Brix. Sa isip niya ay tama ang hinala niya rito. Na isa itong beki.
“A, si Angelo. Kaibigan ko iyon. Bakit mo naitanong?”
“W-wala palagi ko kasing nakikita na kapag dumadaan siya sa tapat ng bahay namin ay palagi siyang nagpa-flying kiss,” anito.
Hindi na napigilan pa ni Brix na matawa.
“Ganoon ba? Pasensya ka na sa kaibigan ko. Malakas kasi ang tama niya sa kapatid mo e!”
Ang kaninang masayang mukha nito ay biglang napalitan ng lungkot.
“Okay ka lang?” tanong ng lalaki nang mapansing nag-iba ang timplada ng kausap.
“O-oo naman. S-sige mauna na ako,” anito habang nagmamadaling pumasok sa loob ng bahay.
Nang makausap ni Brix ang kaibigan ay naikuwneto niya ang nangyari.
“Sigurado na ako sa kutob ko na bibabae ang kapatid ng crush mo. Kasi lumapit siya sa akin kanina kung ano raw ang pangalan mo. Tapos tinanong niya kung bakit daw kapag dumadaan ka sa tapat ng bahay nila ay nagpa-flying kiss ka, sagot ko naman ay dahil crush mo ang kapatid niya. Alam mo ba ang naging reaksyon niya, nalungkot p’re. Hindi maipinta ang mukha. Hula ko talaga type ka nun, e!” tatawa-tawang sabi ni Brix.
“G*go ka talaga! Baka naman nakahalata iyong tao na pinagdududahan mo siya. Baka makarating sa kapatid niya at ma-bad shot pa ako!” aniya.
“Hindi naman siguro, pare,” anito.
“Napaka-pasaway mo kasi, e. Mabuti pa ay samahan mo na lang ako sa kanila mamaya at manliligaw ako.”
“Agad-agad? Hindi pa nga kayo close nung babae manliligaw ka na?”
“Kaya nga ako manliligaw para makilala ko, pare. Sige na, samahan mo na ako!” pakiusap ng binata.
Napapayag naman niya ang kaibigan na sumama sa kanya kaya kinagabihan ay pinuntahan nila ang bahay ng magkapatid. Isinuot ni Angelo ang pinakamaayos niyang polo shirt at nagdala rin siya ng bulaklak at tsokolate.
“Tao po, tao po!” sigaw ng dalawa.
Hindi nila inasahan na ang nagbukas ng pinto ay ang kapatid ng babae.
“K-kayo pala, anong kailangan ninyo?” tanong nito.
“Nariyan ba ng kapatid mo, si Desiree?” tanong ni Brix.
“Oo. Bakit ninyo siya hinahanap?”
“Nagpasama kasi itong kaibigan ko sa akin, manliligaw raw siya sa kapatid mo.”
Napansin ng dalawa ang pagkalungkot sa mukha ng kapatid ng dalaga.
“Ganoon ba? Kaso may bisita si ate,” wika nito.
Nang biglang lumitaw si Desiree na may kaakbay na matangkad na lalaki.
“T-teka, kayo iyong mga nasa tindahan di ba?” tanong ng dalaga.
“O-oo, n-narito kami kasi…”
Hindi naituloy ni Angelo ang sasabihin dahil biglang nagsalita ang lalaking kasama nito.
“Sino ba sila babe?” medyo may pagka-maangas na tanong ng lalaki.
“Mga kapitbahay namin sila, babe. Nga pala, si Roeder, fiance ko!”
Nanlumo si Angelo ng malamang may nobyo na pala si Desiree at malapit na itong ikasal. Ang kaninang masaya niyang pakiramdam ay napalitan ng lungkot.
“Aba, at may dala ka pang bulaklak at tsokolate? Nanliligaw ka ‘no, nanliligaw ka ba sa kapatid ko?” tanong nito.
Nagulat sina Angelo at Brix sa sinabi ng dalaga.
“T-teka, sinong kapatid? May kapatid ka pa bang babae?” nagtatakang tanong ni Brix.
“Wala na. Dalawa lang kaming magkapatid. Ang tinutukoy ko ay itong si Darlene!” anito sabay turo sa kapatid.
Hindi makapaniwala ang dalawang lalaki.
“B-babae siya?” gulat na sabi ni Angelo.
“Oo, ano ba ang akala ninyo? Ganyan lang kung manamit at mag-ayos ang kapatid ko pero babaeng-babae iyan sa puso at diwa. Sa katunayan nga ay crush ka niya e,” bunyag nito kay Angelo.
“Kaya pala tinatanong mo ang pangalan nitong kaibigan ko, dahil may pagtingin ka sa kanya?” tanong ni Brix.
Tumango lang si Darlene at ngumiti. Halatang pinamulahan ng pisngi ang dalaga.
Mula nang magkakilala sina Angelo at Darlene ay naging malapit na magkaibigan ang dalawa. Habang tumatagal ay nawala ang nararamdaman ni Angelo sa kapatid nitong Desiree.
Ang pagkakaibigang nabuo sa pagitan ng dalawa ay nauwi sa pag-iibigan. Napagtanto ng lalaki na ang kanyang naramdaman noon kay Desiree ay isang matinding paghanga lang pala, pero ang tunay na pagmamahal ay nahanap niya sa katauhan ng kapatid nito na sa una ay napagkamalan pa niyang beki na kapag naaalala nila ay natatawa na lang ang magkasintahan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!