Muntik nang Mapahamak ang Babae sa Sinakyang Jeep, Isang Kakaibang Pangyayari ang Kanyang Naranasan
Nagmamadaling umuwi si Erma dahil kaarawan ng kanyang bunsong anak. Bago siya dumiretso sa sakayan ng jeep ay dumaan muna siya sa bake shop para bumili ng cake.
“Miss, pagbilhan nga ng chocolate cake, pakilagyan ng ‘happy birthday’ na mensahe ha!” aniya sa tindera.
“Sure ma’am! Sino po ang may birthday?” usisa ng babae.
“Iyong bunso kong anak. Pitong taong gulang na siya ngayon,” aniya.
Maya-maya ay iniabot na sa kanya ang binili niyang cake at nagmamadali siyang pumila sa paradahan ng jeep.
Gaya ng inasahan ay maraming nakapila. Uwian na kasi ng mga empleyado at mga estudyante kaya walang nagawa si Erma kundi ang magtiyaga sa pila.
Habang nag-aantay ay may nangalabit na bata sa kanya.
“Ale, maaari po bang makahingi kahit na magkano? Wala lang po kasi akong pamasahe sa jeep. Nadukutan po ako kanina at wala na pong natira sa dala kong pera,” sabi ng batang babae.
Nakaramdam ng habag si Erma sa bata.
“Kawawa ka naman! Teka, saan ba ang punta mo? Huwag kang mag-alala ilibre na kita ng pamasahe.”
Natuwa ang bata sa sinabi niya at di nito napigilang yakapin siya nang mahigpit.
“Naku, maraming salamat po!” anito.
Sa ‘di malamang dahilan ay nakaramdam ng kakaiba si Erma. Parang nakaramdam siya ng kapanatagan sa pagyakap na iyon ng bata.
‘Di nagtagal ay tinawag na sila ng driver ng jeep at pinasakay na ang mga pasahero.
“Salamat naman sa Diyos at makakasakay na tayo!” sabi ni Erma.
Hanggang sa makasakay ng jeep ay katabi niya ang batang babae. Nang bigla itong nagtanong.
“Sino po ang may birthday?” tanong nito dahil sa nakitang kahon na may lamang cake na hawak niya.
“Birthday ng anak ko. Kaya nga ako nagmamadaling umuwi, e. Siguradong hinihintay na ako ng batang iyon sa bahay,” sagot niya.
Wala pang sampung minuto ay biglang huminto ang sinasakyan nilang jeep. Naki-usyoso kasi ang driver nito sa isang jeep na tumigil sa may highway. May mga nagkakagulong tao roon. Hindi naman naiwasang sumilip ni Erma sa bintana ng jeep at tanungin ang isang lalaking pasahero kung ano ang nangyari.
“Manong, ano po bang nangyari riyan?” tanong niya.
“May sumakay kasing holdaper kanina sa jeep na sinasakyan namin, kinuha ng holdaper iyong cellphone nung babae. Nang pumalag iyong babae ay biglang binaril nung lalaking holdaper. Tumalon pababa iyong holdaper habang umaandar ang jeep at mabilis na nakatakas. Kawawa nga iyong babae, balita namin ay hindi na umabot ng buhay sa ospital,” kuwento ng lalaki.
Sa narinig ay biglang kinabahan si Erma. Naisip niya na buti na lang at hindi ang jeep na iyon ang nasakyan niya, kundi ay baka siya ang nabiktima ng holdaper.
Nang muling umandar ang jeep ay iniyuko ni Erma ang ulo at saglit na nanalangin. Nang matapos ay kinalabit siya ng batang babae at muling nagtanong.
“Ano pong ginawa niyo?” anito.
“Nagdasal lang ako, hija. Ipinagdasal ko sa Diyos na gabayan tayo at nawa ay makarating tayo ng ligtas sa ating pupuntahan,” paliwanag niya sa bata.
Nginitian lang siya ng bata sa kanyang sinabi.
“Ikaw, nagdasal ka rin ba?” tanong niya rito.
Tumango lang ito at muling itinuon ang pagtingin sa mga dumaraang sasakyan sa labas.
Nang tingnan ni Erma ang suot na wristwatch ay nakita niya na mag-a-alas siyete na ng gabi. Gusto na niyang makauwi kaya ipinagdasal niyang muli na sana ay makarating na siya agad sa kanilang bahay.
Maya-maya ay biglang nagyayang bumaba ang kasama niyang bata.
“Ale, samahan niyo naman po ako pauwi. Dun lang po ako sa may kanto. Natatakot po kasi ako kapag wala akong kasamang maglakad, e. Medyo madilim po kasi iyong bababaan ko,” pakiusap ng bata.
Hindi maintindihan ni Erma kung bakit ang gaan ng loob niya sa bata kaya kahit nagmamadali na ay sinunod niya ang hiling nito na samahan ito pauwi sa bahay nito. Naisip niya na ilang kanto na lang naman ang lalakarin niya pauwi sa kanila kaya pinagbigyan na niya ang bata.
Hindi pa nakakalayo ang jeep mula sa pinagbabaan nila nang makita niya na bigla itong sumabog. Nataranta ang mga tao sa paligid sa nangyaring aksidente. Dali-daling dumating ang mga pulis at mga bumbero para apulahin ang apoy sa nasusunog na jeep. Sabi ng isang pulis ay may tumagas na langis at iyon ang naging dahilan ng pagsabog. Buti na lang daw at wala masyadong tao sa pinangyarihan ng aksidente kundi ay mas maraming inosente pa ang nadamamay.
Hindi nakakibo si Erma sa nasaksihan. Kung hindi sila bumaba agad ng kasama niyang bata ay kasali sila sa mga pasaherong naging biktima ng sumabog na jeep.
Nang lingunin niya ang bata ay wala na ito sa tabi niya.
“Sa- saan na nagpunta ang batang iyon?” taka niyang tanong sa sarili.
Kahit nagkakagulo sa paligid ay hinanap niya ang batang babae. Nagtanong-tanong din siya kung may nakakita rito.
“Mama, may nakita po ba kayong meztisang bata na nakasuot ng kulay puting damit? Kasama ko po siyang bumaba sa sumabog na jeep,” tanong niya sa matandang lalaki na nagtitinda ng balut.
“Dyusko, oo nga! Natatandaan kita hija. Ikaw iyong huling bumaba sa jeep bago ito sumabog. Napakasuwerte mo at nakaligtas ka sa aksidente!” sabi ng matanda.
“Laking pasasalamat ko po talaga sa Diyos dahil iniligtas niya kami! Pero may kasama po akong bata kanina, nakita niyo rin po ba?”
“Ano kamo, bata? E, wala ka namang kasamang bata kanina nung bumaba ka sa jeep,” bunyag nito.
“Po, imposible!” gulat niyang sabi.
“Mag-isa ka lang na bumaba sa jeep bago nangyari ang pagsabog. Wala rin akong nakitang batang babae.
“Dyusko, ibig sabihin…”
“Naku, hija. ‘Di kaya anghel ang kasama mong bumaba sa jeep kanina? Iniligtas ka ng anghel sa tiyak na kapahamakan.”
Napaiyak na lang si Erma sa nangyaring iyon sa kanya. Laking pasasalamat niya sa batang babae. Kung hindi siya nito niyayang bumaba sa jeep ay baka nakasama na siya sa mga nasawing pasahero. Saglit niyang ipinikit ang mga mata at muling nanalangin. Nagpasalamat sa ikalawang buhay na ibinigay sa kanya.
“Maraming salamat po, Diyos ko! Salamat po at binigyan niyo po ako ng anghel na nagligtas sa akin!” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
Pag-uwi niya sa kanilang bahay ay agad niyang niyakap nang mahigpit ang kanyang asawa at tatlong anak. Binati rin niya ng maligayang kaarawan ang kanyang bunsong anak at iniabot rito ang binili niyang cake. Nagulat pa nga ito nang paghahalikan niya ito sa pisngi ng paulit-ulit. Walang pagsidlan ang kanyang pasasalamat dahil nakauwi siya ng ligtas sa kanyang pinakamamahal na pamilya.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!