Perang Inipon ng Mag-nobyo Para sa Kanilang Kasal, Napunta sa Hindi Inaasahang Pangyayari na Naging Dahilan Rin ng Kanilang Hiwalayan
Panganay sa talong magkakapatid si Jayne. Lahat silang magkakapatid ay mapalad dahil napagtapos sila ng kanilang mga magulang na sina Pedrito at Linda.
Ngayon, lahat sila’y nagtatrabaho na kaya’t nakapagretiro na ang kanilang mga magulang. Ngunit walang sapat na ipon ang mga magulang nila kaya’t si Jayne na muna ang sumasagot sa araw-araw na pangangailangan ng kanyang mga magulang.
May sarili nang pamilya ang kanyang pangalawang kapatid na lalaki na si Kristof. Habang siya at ang bunsong kapatid niyang si Jas ay nagpaplano pa lamang magpakasal sa kani-kanilang nobyo.
Nagaasaran pa ang magkapatid na dapat ay mauna si Jayne magpakasal dahil siya ang panganay.
Mayroon naman nang ipon si Jayne at ang kanyang nobyong si Victor para magpakasal, ngunit kung minsan ay napapanghinaan siya ng loob magpakasal tuwing magpaparinig ang kanyang mga magulang na baka sila’y mahirapan pag nagkaroon na ng sariling pamilya si Jayne.
Kaya naman ang napag-usapang petsa ng kasal ay inusod na ng inusod ng mag-nobyo para lang makausap muna ng maayos ang mga magulang ni Jayne. Madalas kasi ay pabago bago ang isip ng mga magulang ni Jayne tuwing pag-uusapan ang kanilang kasal.
Ngunit matapos rin naman ang mahaba-habang diskusyon ay buong puso na ring tinanggap ng kanyang mga magulang na talaga siya’y hihiwalay na at bubuo na ng sariling pamilya. Ipinangako naman ni Jayne na kahit siya’y ikakasal na ay hindi niya pababayaan ang kanyang mga magulang.
Ilang buwan ang nakalipas, habang ang kani-kanilang mga pamilya ay abala sa pag-aayos para sa nalalapit na kasal ni Jayne at ni Victor, biglang tumawag ang asawa ng kapatid niyang si Kristof.
“Ate Jayne, please punta kayo dito sa ospital! Biglang nawalan ng malay si Kristof! Please pumunta kayo, ngayon na please,” pagmamakaawa ng misis.
Agad agad rin namang pumunta ang buong pamilya sa ospital kung nasaan si Kristof. Mga ilang oras silang naghintay doon hanggang sa makausap ang doktor na tumitingin sa kapatid ni Jayne.
Nang dumating ang doktor, agad niyang ibinigay ang masamang balita. Ipinaalam sa mag-anak na si Kristof ay may sakit na leukemia at kailangang dumaan sa matinding gamutan agad-agad.
Naniniwala ang pamilya na mayroong himala pero alam din naman nilang kailangan nila ng malaking halaga para sa mga kailangang gastusin para kay Kristof.
“Saan ho kami kukuha ng ganoon kalaking halaga? Ang ipon namin ni Kristof ay kulang na kulang para sa mga kakailangan niya,” umiiyak na sabi ng kanyang misis.
Hindi rin nakapagsalita agad ang umiiyak na magulang ni Kristoff. Bukod sa awang-awa sila sa kalagayan ng nanghihinang anak ay hindi rin nila alam kung saan sila makakakuha ng ganoong kalaking pera.
Nang biglang nagsalita si Jayne.. “Gamitin nalang muna natin ang naipon namin sa kasal. Kakausapin ko na lang si Victor na ipahiram muna sa pagpapagamot ni Kristof ang ipon namin. Ako na lang ang magbabalik sa kanya.”
“Ha? Ate? Sigurado ho ba kayo? Ang tagal niyong inipon ni Victor yun!”
“Sigurado ka ba dyan, anak? Malaking tulong ang magagawa noon, pero pang kasal niyo iyon eh?” dagdag ng nanay nila.
“Ako ho, sigurado na. Kakausapin ko na lang si Victor dahil pera niya pa rin ang bahagi noon,” sagot ni Jayne.
Pansamantalang umalis ang dalaga para personal na makipagusap sa kanyang mapapangasawa. Nanalangin siya na sana ay maging maayos ang resulta ng kanilang paguusap.
Ngunit hindi ito ang nangyari. Pumayag nga si Victor na ipahiram ang kanilang napagipunang pera, pero nakipaghiwalay muna ang binata.
“Palagi ko na lang iniintindi Jayne ang labis na pagaasikaso mo sa pamilya mo kahit kung minsan ay sobra na at nakakalimutan mong may sariling buhay ka rin. Ayaw kong maging hadlang sa pagpapagamot ng kapatid mo kaya’t gamitin mo na ang ipon. Pero, wala na munang ‘tayo’ Jayne. Isipin mo na rin ng maigi kung gusto mo pa rin ba talaga akong pakasalan…” anito.
Durog na durog ang puso ni Jayne pero humarap pa rin siya sa kanyang pamilya na parang walang nangyari. Hindi niya na sinabi ang tungkol sa kanilang paghihiwalay para hindi mag-alala ang kanyang pamilya.
Buwan ang lumipas at idineklarang magaling na sa kanyang sakit si Kristof kaya naman sila ay naghanda ng maliit na salu-salo bilang selebrasyon sa magandang balita na ito.
Habang sila’y kumakain, napansin ni Kristof na hindi kasama ni Jayne si Victor. Hindi na nagsinungaling pa ang dalaga at sinabi ang totoong nangyari sa kanila ng dating nobyo.
“Ate.. Pasesnya ka na, hindi ko alam na ganoon ang nangyari sa inyo.. Paano ba ako makakatulong para magkaayos kayong muli..” naiiyak na sabi ni Kristof.
“Hayaan mo na yun, kapatid. Tapos na ang aming relasyon. Hindi ko rin alam kung may babalikan pa ako kung makikipagusap akong muli kay Victor,” aniya.
Dahil doon, agad na nakipagusap si Kristof sa dating nobya ng kanyang kapatid. Nalaman ng binata na hinihintay lamang pala ni Victor na bumalik sa kanya si Jayne ngayong ayos na ang lahat.
Nagpasalamat si Kristof muli sa tulong ni Victor at ipinangakong babawi sa kanya at sa ate niya.
Kinausap ni Kristof ang kanyang buong pamilya at ipinaalam ang kanyang plano.
IIang buwan pa ang nakalipas mula nang magkabalikan ang dalawa’y natuloy na rin ang kasal nila. Lahat ito ay nangyari dahil sa tulong ng kanilang buong pamilya na nagtulong-tulong sa pagiipon para sa pampakasal ng dalawa.
Para din hindi na isipin ni Jayne ang gastusin ng kanyang mga magulang ay niregaluhan niya ang mga ito ng maliit na sari-sari store bilang kanilang pangkabuhayan. Tunay nga na maganda ang nangyayari tuwing nagsasama-sama at nagtutulungan ang isang pamilya.
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!